NDF-Ilocos: Militarisasyon, sagot ni Duterte sa mga daing ng masa
Whole-of-Nation Approach at iba pang taktika ng TF-ELCAC, labanan!
Walang paglagyan ang kaduwagan ng 81st Infantry Battalion (IB). Tila hindi pa sapat ang pag-target ng Philippine Army (PA) sa mga di-armadong organisasyong. Ngayon naman, mismong anak ng mga lider-masa ay idinadamay nila para maghasik ng takot at lalong ipitin ang hanay ng mga progresibong organisasyon na lumalaban para sa karapatan ng mamamayan. Hindi talino kundi desperasyon at kawalan ng anumang paggalang sa sarili ang tanging makakapagtulak ng ganito kaduming taktika ng pananakot at panunupil.
Noong Marso 10, pinuntahan ng mga elemento ng 81st IB ang anak ng lider ng isang lehitimong organisasyon ng mga magsasaka sa rehiyon ng Ilocos. Sa mismong eskwelahan, hinanap sa kanya ang kanyang ama na pinipilit nilang ‘pasukuin’ bilang lider diumano ng isang Komunistang grupo. Kinabukasan, sinundan naman ng riding-in-tandem ang anak ng isa pang progresibong lider-Simbahan at hinanap siya sa kaibigan nito.
Kabi-kabilang Isyu ng Mamamayan
Lahat ng pamamaraan, gaano man kadumi o kadugo, ay gagamitin ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict (TF-ELCAC) at ng PA para durugin ang rebolusyonaryong hanay. Nanggigigil ito sa pagunguna ng mga kasama sa paglalantad at paglaban sa kabi-kabilang mga pahirap na pinapasan ng masang Pilipino dahil sa rehimeng Duterte. Mula noong ipinatupad ang Executive Order 70, kung kailan binuo ang mga TF-ELCAC at pinalawak ang pagpapatupad ng whole-of-nation approach, lalong tumindi ang Red-tagging at harassment sa mga progresibong lehitimong organisasyong masa na kinakatawan ng mga lider-masang ito.
Sa rehiyon ng Ilocos, ang pambansa demokratikong kilusan ang patuloy na naggigiit ng tunay na reporma sa produksyon ng tabako. Ang mga demokratikong grupo ang sama-samang kumikilos para ilantad ang pagiging moro-moro ng tripartite conference sa hanay ng nagtatanim ng tabako, bumibili nito at ng National Tobacco Administration. Sila din ang nakikipaglaban para pagsilbihin ang excise fund mula sa buwis sa tabako sa mga nagtatanim nito. Ang totoo, ginagamit ng mga tulad ng dinastiyang Marcos at Singson ang pondo para magkamal ng higit pang kurakot at para panatilihin sa kanilang pamilya ang pagpabor ng mga lokal na yunit ng gobyerno.
Ang Rice Tariffication Law na ipinasa noong Pebrero 2019 at nagpababa sa presyo ng palay sa bagsakan ay mahigpit ding tinutuligsa ng organisadong magsasaka at iba pang alyadong sektor at organisasyon. Sumayad ang presyo ng hanggang Php7 bawat kilo sa ilang bayan ng Ilocos Norte. Kakambal ng TRAIN (o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law) na nagpataas ng presyo ng mga batayang bilihin at gastusin, nagdudulot ito ng walang kapantay na kahirapan sa mamamayan.
Mahalaga din ang bahagi ng masang Ilokano para singilin ang dinastiyang Marcos, isang lantarang alyado ni Rodrido Duterte, sa mga kasalanan nito sa taumbayan. Sa kabila ng hilaw na mga pagsisikap ng Presidential Commission on Good Government para bawiin sa mga Marcos ang ninakaw nila sa kabang bayan, hindi nangingimi ang masang Ilokano na isama ang kanilang boses sa sigaw para sa katarungan.
Pananakot at Panunupil
Ito ang mga pakikibakang nais patahimikin ng rehimeng Duterte sa pamamagitan ng kanyang kamaong bakal. Habang naggigiit para sa kanilang karapatan at kagalingan ang mamamayan, sumasalag din ang masa sa higit na militarisasyon lalo dahil binubuhusan ni Duterte ng pondo ang mga piling ahensya ng gobyerno ng confidential at intelligence funds. Nitong 2020, siya mismo ang nagmungkahing doblehin ang budget para dito.
Ibig sabihin, habang hindi nakakarating sa mamamayan ang mga halagang nakalaan para sa kanila, walang-kahihiyan namang nakakapangurakot ng pondo ang mga opisyal sa mga ahensyang ito dahil hindi dumadaan sa audit ang mga espesyal na pondo para sa paniktik. At habang lubos na naghihirap ang mamamayan dahil sa pagbagsak ng kabuhayan ng mga magsasaka at pagsirit ng presyo ng mga bilihin, lumolobo ang pondo ng mga pasista laban sa mismong mamamayan. Nangangahulugan ito ng mas mahigpit at mas mahusay na pagmamanman, mas mapanlikha at malawak na black propaganda at mas matinding pagbabanta sa buhay at kaligtasan ng mga indibidwal.
Ngunit nakaukit na sa kasaysayan ang rebolusyonaryong tapang at kapangahasan ng mamamayang Pilipino, lalo sa panahon ng pinakamahigpit na mga kalagayan. Isang katotohanan na ang rebolusyon ay hindi isang picnic o isang piging, kundi isang pakikihamok sa kaaway. At sa panahong naglalabas ng pangil ang mga tulad ni Duterte, ni Hermogenes Esperon Jr. o mga elemento ng 81st IB, makikita ang lakas ng mamamayan sa sama-samang pagkilos. Nananatiling wasto ang mga batayan ng pambansa demokratikong pakikibaka, sa larangan man ng ligal na paglaban o sa armadong tunggalian sa kanayunan. Kung gayon, nananatili ding may laksa-laksang masa na kaisa ng mga ginigipit na lider, propagandista, organisador at iba pang indibidwal para tiyaking matatag ang hanay at may lakas para nagkakaisang magapi ang kaaway. ###