NDF-Ilocos: Pagpupugay sa ika-51 taon ng Bagong Hukbong Bayan! Ganid at mapanupil na Duterte, pababagsakin ng Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Pinakamataas na pagpupugay ang alay ng National Democratic Front (NDF) – Ilocos sa Bagong Hukong Bayan (BHB) sa ika-51 taon ng pagsusulong nito ng armadong rebolusyon sa kanayunan. Ang kalahating siglo at isang taon ng pangunguna sa Demokratikong Rebolusyong Bayan (DRB) ay kakikitaan ng mga gintong karanasan at di-matatawarang aral na bitbit at isinasapuso ng lahat ng indibidwal na naghahangad ng rebolusyonaryong pagbabago.
Habambuhay na taas-kamaong dadakilain ng NDF-Ilocos ang lahat ng bayani at martir na nagbuwis ng buhay para sa armadong pakikibaka. Ang alay nilang buhay, sampu ng lahat ng aral at alaala na iniwan nila, ang inspirasyon ng sanlaksang masa at kasama sa pagtataguyod ng DRB. Nagsisilbi sa pagpapanibagong-lakas ng lahat ng naiwan ang kanilang mga alaala para ituloy ang pakikibaka, higit na magparami, mapangahas na sumulong at kamtin ang iba’t ibang tagumpay laban sa kaaway ng mamamayan.
Panggagantso at Panunupil
Nagngangalit ang mamamayan sa mga walang-hiyang maniobra ni Rodrigo Duterte sa panahon ng pananalanta ng pandemic na corona virus disease (Covid-19). Pagkatapos niya itong maliitin at pabayaang kumalat noong Pebrero, nagmamaniobra si Duterte para kontrolin ang galaw ng kalakhang Maynila at para pigilan ang anumang uri ng pagtitipon. Ipinatupad ang curfew, pagtatalaga ng libo-libong pulis at sundalo sa mga checkpoint at pagpapatigil sa pampublikong transportasyon. Ngunit walang hakbangin para sa malaganap na testing, pamamahagi ng mga face mask o alcohol, pagpapataas ng kaalaman ng hinggil sa Covid-19, pagtitiyak sa lakas-tauhan sa mga ospital at iba pang lapat na hakbangin. Malaganap na sentimyento ang hindi maipagkakailang militaristang pagharap sa isang krisis na medikal ang katangian kasabay ng garapalang pagtitiyak ng mga senador at kanilang mga pamilya sa kanilang sariling kaligtasan sa halip na sundin ang mga protocol.
Araw-araw, nadadagdagan ang bilang ng kumpirmadong kaso ng Covid-19, gayundin ang bilang ng namamatay. Sa kabilang banda, pasanin ng mamamayan ang mga restriksyon sa paggalaw, lalo na sa kanilang kabuhayan. Ang hindi sumunod ay dadahasin ng pulis at sundalo.
Ang totoo, ang militarisasyon ng pambansang rehiyon ay sumasalamin na lamang sa laganap nang militarisasyon sa kanayunan. Sa rehiyon ng Ilocos, mula noong ipinatupad ang Executive Order 70, nasaksihan na ang pinatinding pasistang atake ng Philippine Army sa pamamagitan ng Red-tagging, harassment, pananakot at panunupil. Sa buwang ito, isinayad na ng 69th at 81st Infantry Battalion sa lupa ang kanilang dignidad sa pamamagitan ng harassment sa mismong mga anak ng mga lider-masa na matagal na nilang pinag-iinitan. Hindi sapat na kahihiyan na di-armado ang kanilang target, maski mga bata at kabataang anak ng mga lider ng lehitimong organisasyon ay hindi naligtas sa kanilang pasismo.
Sa panahon din ng pananalanta ng Covid-19, inamyendahan sa Kongreso ang Public Security Act para tanggalin sa listahan ng pampublikong serbisyo ang transportasyon at telekomunikasyon. Ibig sabihin, buong laya nang mag-aari ang mga dayuhang korporasyon ng mga pinakabatayang serbisyong kailangan ng mamamayan. Tiyak ang pagtaas ng halaga ng mga ito habang tiyak ding kikita ng bilyong dolyar si Duterte at mga kapwa niya kawatan mula sa mga suhol.
Tibayan ang Hanay, Gapiin ang Kaaway
Pinakabulok sa lahat ng bulok na rehimen ng nakalipas na panahon ang kasalukuyang rehimen ni Duterte. Nakahihindik isiping nagawa pa niyang manggantso at manupil habang may banta ng Covid-19 laban sa masang Pilipino, higit sa hanay ng mababang petiburgesya, manggagawa at mala-manggagawa. Ang kanyang mismong administrasyon ay kulminasyon ng mga batayan kung bakit tanging armadong rebolusyon lamang ang landas patungong panlipunang pagbabago. Ang lantad na kawalan ng malasakit sa taumbayan, ang pagkapit-tuko sa kapangyarihan at ang kagyat na paggamit ng dahas para ipagtanggol ang kanyang posisyon bilang pangunahing despotiko sa Malacañang—ay mga patunay na makatarungan ang armadong rebolusyong inilulunsad ng BHB.
Nakahanda ang NDF-Ilocos na paigtingin ang pagbubuo ng nagkakaisang prente para sa pagsusulong ng DRB. Habang tumitindi ang pagnanakaw at panggigipit ni Duterte sa mamamayan, lalo ding nag-uumapaw ang hangarin nilang makawala sa parusang rehimen na ito. Higit pang titibay at uunlad ang batayang alyansa ng manggagawa at magsasaka dulot ng krisis panlipunan, dagdag pa ang progresibong pakikipag-alyansa ng uring petiburgesya at positibong tulungan kasama ang naliliwanagang bahagi ng panggitnang uri.
Hinihikayat ang lahat ng organisasyon at sektor sa ilalim ng NDF-Ilocos na tuloy-tuloy na magpalakas sa pamamagitan ng mas mahigpit na pagkakaisa at tulungan. Pakilusin ang masa para angkop na harapin ang pananalanta ng virus, panagutin ang rehimeng Duterte at igiit ang kawastuhan ng armadong paglaban. Ang mga isyu ng taumbayan tulad ng kapabayaan sa pagharap sa Covid-19, militarisasyon, pangungurakot, pangangayupapa sa mga imperyalistang kapangyarihan at iba pa ay magsisilbing mitsa para sa masidhing pagkilos ng sambayanan.
Hindi magtatagal, ang mga aktibistang masang pinanday sa kalunsuran ay inaasahang magiging mahalagang dagdag na lakas sa pagsusulong ng armadong rebolusyon sa kanayunan.
Ang pakikibaka sa dalawang larangan ng pakikibaka ay parehas na pag-iipon ng lakas, nagsasalimbayan at nagsusuportahan. Ang mga armadong aksyon ng BHB ay magsisilbi para mabawasan ang nakatalagang sundalo sa kalunsuran habang ang ligal na pakikibaka ay magpapanday sa libo-libong aktibista na tutungo sa kanayunan para tumangan ng armas laban sa pasistang kaaway. Ang dinamismong ito sa pagitan ng armado at di-armadong larangan ng paglaban ang magtitiyak na may katapusan ang pananalanta ni Duterte sa masang Pilipino. Katarungan ang isisingil ng taumbayan at tiyak na lalagapak ang kanyang bulok na paghahari sa di-makakalimutang pagkapahiya. ###