NDF-Palawan: Kundenahin ang FMO sa Palawan at ang pagyurak sa karapatan ng mga katutubong Palaw’n!
Harasment, intimidasyon, pagbabanta at iligal na interogasyon ang nararanasan ng mga komunidad ng mga katutubong Palaw’n sa sityo ng Lagasan, Bayug, Terongan at Naglakon na sakop ng barangay Aribungos sa bayan ng Brookes Point mula sa tila wala-sa-katinuang mga elemento ng 4th Marine Batallion Landing Team na nagsasagawa ngayon ng focus military operation. Ayon sa ulat ng mga residente sa NDF-Palawan, kahapon lamang ay dinampot ng mga ito ang nakasalubong na kabataang Palaw’n na si Merkel Mansona, tinatayang nasa 17-18 ang edad. Si Masona ay galing sa kanyang kaingin nang sapilitang damputin at ininteroga. Ayon sa mga residenteng nakakita, tila lantang gulay ang kabataang ginawang hostage ng mga pasistang sundalo. Gayun na lamang ang takot ng mga residente sa presensya ng mga militar na walang pakundangang pinapalibutan ng mga sundalo ang kanilang mga sityo at bahay.
Sabayang isinasagawa ang militarisasyon sa iba pang mga baryo tulad ng Maasin at Ipilan ng Brookes Point; baryo ng Bunog at Iraan ng Rizal at Buno-Buno ng Bataraza.
Sa ilalim ng pamumuno ng bagong commander ng Wescom na si Lt. General Erickson Gloria mas pinatindi nito ang mga FMO na walang pakundangang yumuyurak sa karapatan ng mga mamamayan lalo na sa mga katutubo. Ang nasabing operasyon ay ginagatungan ng paglalaway ng nasabing mga opisyal sa 20 milyong pabuya ng PTF-ELCAC sa sinumang makakahuli o makapagtuturo sa limang tinaguriang lider ng CPP-NPA–NDFP sa Palawan. Ginagawang hanapbuhay at gatasan ng mga opisyal ng AFP at PNP ang ganitong gawain kung kaya’t kaliwa’t kanan din ang kanilang panghuhuli at pagprepresenta ng mga faked surrenderees.
Ang mga ganitong pangyayari ay lubos na kinokondena ng NDF-Palawan. Hindi pa man naisasabatas ang anti-mamamayan at pasistang Anti-Terrorism Bill subalit kapuna–puna ang tuloy-tuloy na pang-aabusong militar laluna sa hanay ng mga sibilyan. Gaano pa man magpanggap na bilang diumano’y frontliner na tumutulong sa mamamayan, ang “facemask” na suot ng mga pasistang sundalo ay tuluyang nahuhubaran at nalalantad bilang mga berdugo at kasangkapan ng terorismo ng estado ng rehimeng Duterte.
Nais na ipaling ng gubyerno sa paninindak at pagsupil sa mga karapatan ng mamamayan tulad ng isinasagawang militarisasyon sa mga nabanggit na baryo ang kanilang inutil at palyadong pagharap at paglutas sa pandemyang Covid-19 at ang iba pang kaakibat na problema tulad ng malawakang kagutuman at kawalang hanapbuhay.
Nanawagan ang NDFP-Palawan sa mga Palawenyo na tutulan at labanan ang anumang karahasang militar at terorismo ng PPTF-ELCAC, WesCom, 3rd at 4th Marine Brigade at 18th SFC sa Palawan! Panagutin ang mga pasista!
Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!