NDF-ST: Labanan ang panunupil at pagkitil ng pasistang rehimeng US-Duterte sa kalayaan sa pananalita at pamamahayag! Labanan at tutulan ang pagpapasara sa ABS-CBN!
Kasama ng sambayanang Pilipino, mariing kinukondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang naging desisyon ng National Telecommunication Commision (NTC) sa pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN Network, ang pinakamalaking media and entertainment company sa bansa. Mahigpit ding nakikiisa ang NDFP-ST sa sambayanang Pilipino sa paglaban at pagtutol sa tumitinding pag-atake at panunupil ng pasistang rehimen US-Duterte sa kalayaan sa pananalita at pamamahayag sa bansa at sa desisyon nitong pagpapasara sa ABS-CBN Network. Ito’y laban ng lahat ng Pilipinong nagmamahal sa kalayaan at demokrasya na gustong wasakin ng pasistang si Duterte.
Nais sundan ni Duterte ang yapak ng iniidolong diktador na si Ferdinand E. Marcos na naunang nagpasara sa ABS-CBN nuong September 1972 matapos ipataw ang batas militar sa bansa. Ang pag-atake ng rehimeng Duterte sa ABS-CBN ay tulad sa ginawa nitong panggigipit sa Philippine Daily Inquirer, sa Rappler at CEO nitong si Maria A. Ressa, iba pang personalidad sa propesyon, sa mga mamamahayag mula sa alternative media at mga campus journalist.
Walang kaduda-dudang si Duterte, na abot langit ang galit sa ABS-CBN, ang nasa likod ng desisyon ng NTC na ipatigil ang operasyon ng ABS-CBN. Kung matatandaan, hindi lamang ilang beses na nagbanta si Duterte na kanyang haharangin ang pagbibigay ng panibagong prangkisa sa network. Sa pangyayaring ito, natupad ang matagal nang hangarin ni Duterte na magantihan ang network dahil sa inaakalang pagiging bias nito sa kanya at sa madalas na pagbatikos ng network sa kanyang madugong kampanya kontra droga at mga paglabag sa karapatang pantao.
Napilitang ilabas ng NTC ang kanyang kautusan makaraang magtapos ngayong Mayo 4, 2020 ang bisa ng 25 taong prangkisa na pinagkaloob sa ABS-CBN Network ng ika-9 na Kongreso nuong Marso 1995 dahil na rin sa matinding presyur na natatanggap nito mula sa Malacañang. Labis ang naging pangamba ng NTC sa babala ni Solicitor General Calida na sila’y kakasuhan sakaling pagkalooban nila ng probisyunal na otoridad ang ABS-CBN na patuloy na mag opereyt.
Ang babala ni Calida ay nagsilbing hudyat sa NTC na tutol si Duterte na palawigin pa ang operasyon ng ABS-CBN. Dahil dito, isinantabi ng NTC ang pangako nitong ipatutupad ang resolusyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso na pagkalooban muna ng probisyunal na otoridad ang ABS-CBN para makapag opereyt habang ang petisyon nito para sa panibagong prangkisa ay dinidinig ng Kongreso.
Binalewala din ng NTC ang opinyon ng Department of Justice na maaari silang magkaloob ng probisyunal na otoridad sa ilalim ng prinsipyong equity tulad din sa mga ginawa nila sa nakaraan. Pero ang lalong masaklap at nagdulot ng malaking insulto sa taumbayan at mga mamamahayag sa radyo, telebisyon at journalist sa bansa ay ang itaon ang pagpapalabas ng kautusan ng NTC dalawang araw matapos gunitain sa bansa ang World Press Freedom Day.
Dapat lamang kondenahin ng mamamayan ang ginawang pagpapasara ni Duterte sa ABS-CBN. Milyong mamamayan ang mapagkakaitan ng mga balita at kaganapan sa gubyerno at bansa mula sa ABS-CBN na isang respetadong institusyong na aktibong nagsasagawa, hindi lamang sa paghahatid ng mga balita at impormasyon kundi maging sa pagkakaloob ng kinakailangang serbisyo at ayuda sa bayan lalo na ngayong nahaharap ang bansa sa krisis dulot ng pandemikong Covid-19. Paano naman ang pamilyang umaasa sa labing isang libong manggagawa, janitors, security guards, empleyado, istap, talents at mga artista na mamamawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng ABS-CBN? Anong aasahang tulong nila sa taong sagad-sa-buto ang galit sa institusyong kanilang pinagtatrabahuhan?
Sa pagsasara ng ABS-CBN, binabalewala ni Duterte ang mga naipagkaloob at maipagkakaloob pang tulong ng network sa mga kapus-palad nating mga kababayan at mga nangangailangan ng tulong ngayong panahon na humaharap ang bansa sa krisis dulot ng Covid-19 sa pamamagitan ng ABS CBN Lingkod Kapamilya Foundation at mga bantog nitong programa na Bantay Bata 163 at Sagip-Kapamilya.
Tulad ng mga nasa frontliners sa paglaban sa Covid-19, malaki ang ginagampanan papel ng ABS-CBN at iba pang media network sa paghahatid ng mga mahahalaga, sapat at napapanahong impormasyon sa mamamayan kaugnay sa Covid-19. Ginagawa din ng media ang kanilang papel bilang tulay para maiparating sa kinaukulang ahensya ng gubyerno ang mga kahilingan at hinaing ng taumbayan lalo na sa mabagal at kakapiranggot na tulong na kanilang natatanggap mula sa gubyerno sa panahon ng lockdown. Nagsisilbi ang media bilang tagakalampag sa gubyerno para maiparating ang mga hinaing, puna at batikos ng taumbayan sa usad-kuhol at kawalang aksyon ng gubyerno na matugunan ang kanilang pangangailangan.
Kinatatakutan ng mga pasista at diktador tulad ni Duterte ang paghahatid ng katotohanan sa mamamayan. Ang pagsisiwalat ng katotohanan ay banta sa paghaharing pasista kaya ganun na lamang kung supilin ng rehimen ang kalayaan sa pamamahayag at gipitin ang kritikal na opinyong publiko. Palatandaan ito kung gaano kinatatakutan ni Duterte ang lakas ng mamamayan at kung gaano siya kahiwalay na sa taumbayan.
Dapat lamang labanan at tutulan ng sambayanang Pilipino ang ginawang mga panggigipit at pagsikil sa kalayaan sa pananalita at pamamahayag ng pasistang rehimeng US-Duterte. Dapat kondenahin ang serye ng mga iligal na pang-aaresto at pagpapakulong sa mga indibidwal na mamamahayag tulad ng nangyaring pagdakip ng PNP sa apat (4) na mamamahayag sa Iloilo City na nagkober sa isinagawang indignation rally dahil sa pagpatay sa isang coordinator ng Bayan Muna sa probinsya.
Malinaw na ang katulad na mga insidenteng nabangggit ay tahasang panggigipit at pagpapatahimik sa mga tagapaghatid ng balita na kritikal sa tiwaling pamamalakad ng gubyernong Duterte at sa kapalpakan at kawalang kakayahan nitong pangunahan ang paglaban ng bansa sa Covid-19. Ito’y malinaw at tahasang pag-atake ni Duterte sa freedom of the press and expression at sa demokrasya. Itinuring na rin ni Duterte ang mga mamamahayag, manunulat, artista, broadkaster, mga institusyon sa pagbabalita na kritikal sa kanyang administrasyon bilang kaaway ng estado na dapat parusahan at gipitin.
Labanan ang panunupil at pagkitil ng pasistang rehimeng US-Duterte sa kalayaan sa pananalita at pamamahayag! Labanan at tutulan ang pagpapasara sa ABS-CBN! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte! #