NDF-ST: Puksain ang mga halimaw at salot na tropang militar at pulisya ng pasistang rehimeng US-Duterte na patuloy na nananalasa at nagpapahirap sa mga mamamayan ng Timog Katagalugan!
Binabati ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog ang mga magigiting na opisyal at mandirigma ng Bienvenido Vallever Command (BVC) ng NPA-Palawan sa mga inilunsad nitong serye ng matagumpay na taktikal na opensiba laban mga pasistang sa tropa ng PNP-Palawan at ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines. Ang pinakahuli ay ang matagumpay na ambus ng BVC sa isang yunit ng 3rd Marine Batallion Landing Team (3rd MBLT) na nagsasagawa ng operasyon sa Brgy. Abongan, Taytay, Palawan.
Matagumpay na inambus ng isang tim ng BVC ang isang 10-seater army jeep noong Hulyo 13, 2020, araw ng lunes, sa sityo Ibangley, Brgy. Abongan, Taytay, Palawan sa ganap na alas 3:00 ng hapon. Sakay ng jeep ang mga elemento ng 3rd Marine Batalion Landing Team (3rd MBLT) na tutugon sana bilang reinforcement sa naunang aksyon ng BVC.
Nagresulta ang ambus sa pagkasawi ni Pfc Christian Cuarto habang 3 naman ang sugatan na sina Corporal Remuel Redondo, Corporal Charlie Carorocan, at Pfc. Marlon Escobar Jr. Walang anumang kaswalti sa panig ng yunit ng BVC.
Ang ambus sa 3rd MBLT ay naisakatuparan isang araw matapos matagumpay na pinaputukan, ng parehong yunit ng BVC, ang isang police patrol car lulan ang Chief of Police ng PNP-Dumaran na si Capt. Erwin Carandang at ang kasama nitong si Corporal Mark Russel Evangelista sa parehong Barangay Abongan, Taytay, Palawan nuong Hulyo 12, 2020, araw ng linggo, alas 6:30 ng umaga. Matagal nang inirereklamo ng mga residente ng Dumaran ang korap at madalas na pangongotong ni Capt. Carandang sa mga mangingisda.
Hanggang sa kasalukuyan, nakakampo pa rin ang 3rd MBLT sa gitna ng komunidad sa Brgy. Paly, Taytay na malinaw na paglabag sa umiiral na International Humanitarian Law (IHL).
Nauna pa rito, nuong Mayo 22, 2020 matagumpay na naisagawa ng isang tim ng BVC ang pag-atake sa kampo ng CAFGU sa Brgy. Magara, Roxas na dating kinampuhan ng umalis na 4th MBLT. Hinagisan ng granada ng mga operatiba ang loob ng kampo. Ang pamamarusang ito ay tugon sa matagal nang mga hinaing ng masa sa Brgy. Magara at mga katabing komunidad. Kaliwa’t kanan ang mga reklamong natatanggap ng yunit ng BVC laban sa mga CAFGU at Marines na dating nagkakampo rito. Ilan rito ay ang mga pagpapaputok ng baril na nagdudulot ng labis na takot sa mga bata, marahas na pakikitungo sa masa at pambabastos sa mga kababaihan.
Noong Mayo 28, 2020, matagumpay na sinalakay ng mga elemento ng BVC ang isang detatsment ng CAFGU/CAA at 18th SFC sa Mantayog Falls, barangay Bunog, Rizal. Ang nasabing mga sundalo at CAFGU ay malaon nang nagkakampo sa lugar at nagsisilbing pribadong gwardya ni Gob. Jose Chavez Alvarez sa kanyang proyektong patubig at pasyalan ng mga turista.
Ang serye ng mga taktikal na opensiba ng BVC ay tugon sa patuloy na isinasagawang Focused Military Operations (FMO’s) at Retooled Community Support Program (RCSP) ng mga pasistang tropa ni Duterte na pangunahing nanalasa sa mamamayang Palaweño.
Muling nagbubunyi ang mga Palaweño sa kabayanihan at kagitingan na ipinamalas ng kanilang hukbong bayan—ang New People’s Army sa Palawan dahil sa matagumpay na ambus nuong Hulyo 13, 2020. Muling nagkaroon ng katuparan ang kagustuhan nilang maparusahan at mapanagot ang mga abusadong tropang militar at pulisya sa probinsya dahil sa kanilang walang tigil na mga pang-aabuso, karahasan at pananalasa sa kabuhayan at tahimik na pamumuhay lalo na ng mga magsasaka at katutubong Palaweño. Umaasa silang may kasunod pang mga taktikal na opensibang ilulunsad ang NPA Palawan para tuloy tuloy na pagbayarin nang mahal ang mga palalo at pasistang AFP at PNP sa probinsya hanggang dumating ang panahon na tuluyan na itong malumpo, mawalan ng kakakayahang lumaban at magapi ng pinagsanib na opensibang militar ng NPA at rebolusyonaryong pag-aalsa ng mga mamamayan ng probinsya.
Nais ding ipaabot ng NDFP-ST ang pulang pagpupugay at mainit na pagbati sa mga opisyal at mandirigma ng Apolonio Mendoza Command (AMC) ng NPA-Quezon sa matagumpay nitong taktikal na opensiba laban sa tropa ng 85th IBPA nuong Hulyo 12, 2020, sa Barangay Anyao, Catanauan, Quezon. Napatakbo ng mga Pulang mandirigma ang 30 pasistang tropa na nag-ooperasyon kung saan 2 ang napatay at maraming sugatan ang tinamo ng mersenaryong tropa ni Duterte habang wala ni anumang kaswalti sa panig ng NPA-Quezon.
Ang magkakasunod na presisong patama sa katawan at bigwas sa ulo na tinamo ng mga pasistang tropa ni Duterte mula sa mga taktikal na opensiba ng New People’s Army sa rehiyon ay tugon sa pagsasabatas ng rehimeng Duterte sa Anti-Terrorism Law. Naging posible ang matagumpay na mga taktikal na opensiba dahil sa malalim na suporta ng rebolusyonaryong kilusan sa mga mamamayan ng rehiyon. Ang naghuhumiyaw na kagustuhan ng masa na mabigyan ng hustisya ang kanilang kaapihan mula sa kamay ng mga pasista ang malalim na dahilan upang tangkilikin nila ang New People’s Army at suportahan ang rebolusyon. Ang mamamayan ng rehiyon ang nagsisilbing teynga at mata ng NPA-ST at pinagmumulan ng walang-pagkasaid na bukal na suporta para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan.
Ganunpaman, nanatiling prayoridad pa rin ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ang pagharap at paglaban sa Covid-19. Patuloy itong nagmomobilisa ng mga boluntirs at nagpapalitaw ng mga rekurso upang patuloy na makapaghatid ng tulong sa mga mahihirap at bulnerableng sektor lalo na sa masang magsasaka at katutubo gayundin ng mga biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal na pinagkaitan ng atensyon at inabandona na ng gubyernong Duterte. Patuloy ang pagsisikap ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na mag-ambag ng ganang kaya nito sa paglaban at pagsugpo sa pandemikong Covid-19. Subalit kasabay nito, kailangang isagawa ng NPA-ST ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang parusahan at pagbayarin nang mahal ang mga abusadong pasistang tropa ni Duterte na walang ginagawa kundi ang maghahasik ng kalupitan at karahasan sa mga mamamayan ng rehiyon. Mula’t sapul, nang manalasa sa bansa ang nakamamatay na Covid-19, ang pokus ng pasistang rehimeng US-Duterte ay wala sa paglaban at pagsugpo sa paglaganap ng Covid-19 kundi sa pagpapaigting ng kanyang kontra-rebolusyonaryong digma laban sa CPP-NPA-NDFP. Sa katunayan, ginagamit ng AFP at PNP ang di umanong paglaban sa Covid-19 bilang tabing sa lalong pagpapaigting ng kanyang mga Focused Military Operations at Retooled Community Support Program kung saan ang mga inosenteng sibilyan ang pangunahing biktima ng kanilang mga pang-aabuso at karahasang militar.
Isang ilusyon at produkto ng imahinasyon ang ambisyon ng pasistang rehimeng US-Duterte na durugin ang CPP-NPA-NDFP pagsapit ng Hunyo 2022 sa pamamagitan ng estratehiyang whole of nation approach to end communist armed conflict alinsunod sa Executive Order No. 70 na lumikha sa National Task Force to End Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at sa pinatutupad na Joint Campaign Plan Kapanatagan (JCP-Kapanatagan). Tiyak na mabibigo lang ang gubyernong Duterte, tulad ng mga nagdaang mga rehimen, sa inilulunsad nilang kontra-rebolusyonaryong gera sa CPP-NPA-NDFP at sambayanan.
Ang sitwasyon sa daigdig at ang napakasahol na kalagayan ng bansa, na lalo pang pinalala ng pandemikong Covid-19, ay mga paborableng salik para sa ibayong paglakas ng rebolusyonaryong kilusan at pag-igting ng paglaban ng mamamayan sa korap, traydor, kriminal at inutil na pasistang rehimeng US-Duterte. Makakaasa ang mamamayan na hindi maglulubay ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa kanyang mga tungkulin na isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa Timog Katagalugan sa isang bago at mas mataas na antas. Patuloy na hahabulin at papananagutin ng rebolusyonaryong kilusan ang mga taksil at may kriminal na pananagutan sa mga mamamayan ng rehiyon at igagawad sa kanila ang angkop at nararapat na kaparusahan. Anumang pagkakataon titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan na mapanagot hanggang sa mapuksa ang mga halimaw at salot na nananalasa at nagdudulot ng malaking sigalot sa buhay ng mga mamamayan ng rehiyon.
###