Never Again to Martial Law!
Apatnapung siyam (49) na taon na ang nakakalipas nang ideklara ni Marcos ang Batas Militar sa bansa. Hindi malilimutan ng sambayanan ang mapait at madugong kasaysayan ng panunupil ng mga Marcos sa mamamayang Pilipino na hanggang sa ngayon ay maaalala pa natin sa mga kwento at testimonya ng mga pamilya at biktima ng karahasang militar. Patuloy silang naghahangad na makamit ang katarungan.
Ang iniwang sugat at pilat ng mga Marcos ay hindi kayang tapalan ng kahit anumang salapi at danyos sapagkat nagmarka na sa puso’t isipan ng mamamayan ang delubyo na inihatid nito. Magiting nilang hinarap sa buhay-at-kamatayang pakikihamok ang isang papet, bulok, pasista at korap na gobyerno.
Higit pa itong pinalala at sinariwa nang mabalatan ang tunay na kulay ni Rodrigo Roa Duterte bilang tagapagmana ng kamay-na-bakal ng mga Marcos.
Ipinakita ni Digong na mas mahusay siyang diktador sa namayapang idolo.
Walang pangingimi na hinigitan ni Duterte si Marcos sa rekord ng pagpaslang at pagdukot sa pamamagitan ng madugong gera kontra droga na bumiktima ng higit sa 30,000 sibilyan.
Hindi pa kasama rito ang milyong mamamayan na saksi sa mala-demonyong pagwasak ni Duterte sa Marawi nang ilunsad niya ang gera kontra-Moro sa Mindanao.
Pataksil naman nitong pinutol ang usapang pangkapayapaan mula nang bastusin nito ang mga napagkasunduan ng GRP at NDFP sa peace talks at walang pigil na tinugis ang mga kinatawan ng NDFP.
Sa lalawigan, halos 30,000 ang naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng rehimen sa nakalipas na 5 taon. Wala pa sa talaan ang mga biktima’t naapektuhang mga Quezonin sa pagpapatupad ng lockdown at pagkontrol sa arawang aktibidad ng masang magbubukid sa kanayunan. Ni-red tag at sinupil nito ang mga kritiko’t kasapi ng mga progresibong organisasyon gaya ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM) sa probinsya.
Malala pa, ginamit din nitong pambala ang masang magniniyog sa kanyang programang E-CLIP upang pagmukhaing nananalo siya sa laban sa rebolusyonaryong kilusan sa Quezon.
Kunsabagay, walang bago sa karahasang dulot ng isang takaw na pangulo kaya walang aasahan ang sambayanan sa pagkakamit ng hustisya at pangmatagalang kapayapaan sa ipinagyabang ni Digong Duterte na “change is coming”.
Gamitin natin ang nalalabing sandali ni Digong Duterte para tiyakin na hindi siya makakatakas sa kanyang krimen sa sangkatauhan. Uusigin at papanagutin siya at natitiyak ko na hindi siya maaabswelto sa lakas ng nag-aarmas na sambayanan.###