Ninanakaw ni Duterte at Marcos ang eleksyon
Kasabwat ang mga tauhan ng tirano sa Commission on Elections (Comelec), harap-harapang ninanakaw ng mga Marcos at Duterte ang eleksyong 2022 sa mamamayang Pilipino. Walang-hiyan ang pandaraya sa dekompyuter na elekyon at “unofficial quick count” ng Comelec na isinusubo sa midya, para panatilihin ang anim na taong tiraniya ni Duterte at ibalik sa kapangyarihan ang mandurugas na pamilyang Marcos.
Ang halos gabi-gabing raling pangmasa ng ilandaang libong mamamayan sa buong bansa at ang malawakang pagbuhos ng suporta kapwa mula sa panggitnang uri at masang anakpawis sa panahong ng nagdaaang ilang mga buwan ay patunay na ang tambalan sa oposisyon na Robredo-Pangilinan ang tunay na nagwagi sa botohan.
Gayon, makatwiran ang galit ng malaking bilang ng mamamayan laban sa Comelec dahil sa ilanlibong naglokong vote counting machine (mga makinang bumibilangng boto). Ang mas malaking pandaraya, gayunpaman, ay ginawa ng mga tauhan ni Duterte sa Comelec sa pamamagitan ng mga makinang ng Smartmatic na nakaprograma na magdagdag-bawas sa mga boto pabor kay Marcos. Kinumbinahan ito ng maramihang pagbili sa boto, pre-shading (o pagmamarka) ng mga balota, gayundin ng armadong pamimilit, panghaharas at red-tagging laluna sa kanayunan.
Sa absolutong kontrol sa sistema sa eleksyon, ninanakaw ni Duterte nang walang kahirap-hirap ang eleksyong 2022 tulad nang ninakaw niya ang eleksyong 2019. Tulad nang nauna namin nabanggit, ang eleksyong Mayo 2022 ay nakaplastar na pabor kay Marcos dahil ang sistema ng “awtomatikong pagbibilang” sa hawak ni Duterte, ng kanyang mga tauhan sa Comelec at kanilang mga taga-programa sa Smartmatic.
Ang resulta ay preprogrammed (o inayos na sa kompyuter) para pagmukhaing nanalo si Marcos nang “malaki ang agwat” at palabasing “walang kaduda-duda” ang kanyang “pagkapanalo.” Ang mabilis na paglabas ng “hindi pa upisyal” na resulta ay may layuning lunurin at gulantangin ang mamamayan, at unahan ang mga protesta sa eleksyon at mga aksyong protesta sa lansangan.
Pero sobra-sobra ang paghahabi ni Duterte at ng Comelecg ng ilusyon ng “landslide victory” ni Marcos laban sa lider ng oposisyon na si Leni Robredo. Hindi naniniwala rito ang mamamayan. Ang mga eksperto sa estadistika na tumitingin sa resultang inilalabas ng “transparent” na mga server ng Comelec ay nakakakita ng mga padron sa pagdami at distribusyon ng boto, na pinaniniwalaan nilang hindi alinsunod sa mga batas ng matematika.
Labis na tinatabunan ng nakaprograma nang “pagkapanalo” ni Marcos ang katotohanang ang ayaw ng mamamayang Pilipino sa tiraniya at diktadura, at sawang-sawa na sa mapang-aping mga patakaran at panunupil ng rehimeng Duterte na itinataguyod at pinupuri ni Marcos Jr. Ang malawak na masa ng manggagawa at magsasaka, ang masang walang trabaho, ang mga ordinaryong empleyado at maliliit na propesyunal, na silang nasa unahan ng kilusang anti-tiranya, ay sawang-sawa na sa korapsyon, labis-labis na paggastos ng militar at pulis, ekstrahudisyal na pagpaslang, pagdukot, tortyur, labag sa batas na mga pag-aresto, red-tagging at pagbabansag na terorista, pambansang pagtataksil, walang-habas na pangungutang ng gubyerno, paparaming pabigat na buwis, mababang sahod at kawalang-trabaho, nagtataasang presyo at krisis sa ekonomya dulot ng mga patakarang neoliberal.
Dahil ipinagkait ng dekompyuter na eleksyon ang karapatan nilang bilangin ang boto, ang taumbayan, pampulitikang mga partidong oposisyon at midya ay wala nang paraan para independyenteng patunayan o hamunin ang resulta ng eleksyon. Dismayado ang marami, laluna sa hanay ng petiburgesya (panggitnang mga uri) sa resulta ng “quick count” ng Comelec. Bumabaling sila sa pagsisi sa “masa” sa “pagboto sa isang magnanakaw.” Tinataglay nila ang ilusyon ng “patas na eleksyon” sa ilalim ng tiraniya ni Duterte. Hindi nila isinasaalang-alang ang batayang katotohanan na ang eleksyon ay ninakaw, at kung tutuusin, walang saysay kung sino talaga ang binoto ng taumbayan. Dapat silang hikayatin na lumabas sa kanilang makitid na kinalalagyan, sumapi sa mga organisasyon, makipagkaisa sa mas malawak na kilusan ng mga manggagawa at magsasaka at tumulong sa paglulunsad ng laganap na pakikibakang masa.
Habang kinukwestyon ng malapad na demokratikong mga sektor ang resulta ng eleksyon, dapat silang magsama-sama para ipahayag ang kolektibong poot ng bayan sa banta ng panunumbalik ni Marcos sa kapangyarihan sa pamamagitan ng panloloko at disimpormasyon. Dapat nilang tuligsain si Duterte at ang Comelect at magsumikap na biguin ang kanilang mga tangka na ihatid si Marcos sa kapangyarihan.
Sa nakalipas na mga taon, pinahintulutan ng naghaharing reaksyunaryong sistema ang mga Marcos na makabalik sa pulitika at mabawi ang yaman. Sa ilang dekada na, at lalo sa nagdaang ilang taon, binaluktot ang kasaysayan at isinubo sa taumbayan ang huwad na impormasyon hindi lamang sa social media, kundi itinaguyod din sa mga aklat na lumalason sa kaisipan ng mga batang estudyante tungkol sa “ginintuang mga araw” noong diktadurang Marcos. Nakatakas si Imelda at ang pamilyang Marcos sa mga parusa sa kabila ng hatol sa kanila sa ilang kaso ng korapsyon at paglabag sa karapatang-tao. Ang tiranong si Duterte mismo ang naging susing tagapaglako ng kasinungalingan ng mga Marcos.
Hindi pa tapos ang laban para pigilan makapanumbalik ang mga Marcos sa poder. Dahil alam ng bayan kung sino ang nanalo sa eleksyong May 9, dapat silang imulat, organisahin at pakilusin para ilantad at labanan ang pagnanakaw sa eleksyon at pigilan ang mga mandaraya na humawak ng kapangyarihan.
Dapat ipunin ng malapad na demokratikong mga sektor ang kanilang lakas at tapang para magkaisa at magpakilos ng pinakamaraming bilang ng mamamayan sa mga martsa at demonstrasyon para hadlangan ang daan ng mga Marcos pabalik sa Malacañang. Dapat hindi sila mapagod at miltanteng ipursige ang kanilang adhikaing pagbayarin ang mga Marcos at Duterte sa ilang taon na pandarambong at pang-aapi.
Ang pagnanakaw ng Marcos-Duterte sa eleksyon ay malinaw na nagpapakita ng lalong pagkabulok ng nagnanaknak na naghaharing sistema. Kaya naman nakikita ng mamamayan na dapat lumahok sa rebolusyon. Simula kagabi, nakatatanggap kami ng mga ulat na maraming kabataang nagtatanong paanong sumapi sa rebolusyonaryong kilusang lihim at sa Bagong Hukbong Bayan. Umuusbong ang mga kundisyon para sa paglawak ng digmang sibil sa bansa. Determinado ang Partido na makipagkaisa at pamunuan ang mamamayang Pilipino sa kanilang pakikibaka para sa demokrasya laban sa tiranya at diktadura, at isulong nang buong tatag ang pambansa-demokratikong rebolusyon.