NPA-Albay: Batas Militar na Pakana sa Muling Pagpapailalim ng Albay sa Enhanced Community Quarantine (ECQ)
Malamang na hindi kagalingan ng masang Albayano ang pinagkukunutan ngayon ng noo ng mga upisyal ng prubinsya, kundi kung paano igigiit ang mala-Batas Militar na pakay ng RTF-ELCAC sa ilalim ng EO 70.
Nagsisilbiing instrumento ang IATF-Albay sa nagpapatuloy na operasyong militar ng AFP at PNP sa mga komunidad. Sunud-sunuran ang provincial task force sa pakana ng Joint Task Force Bicolandia na pagsilbihin ang pamimigay ng ayuda sa kontra-insurhensyang kampanya. Sa ilang mga bayan, ginagamit ang pamimigay ng SAP para takutin ng militar ang mga taumbaryo at pwersahin silang sumurender sa ilalim ng ECLIP. Nagpapalabas rin ng mga orkestradong engkwentro para bigyang-matwid ng 9th IDPA ang pananalakay sa BHB at pagkontrol sa pondong pang-ayuda, tulad ng naganap na pananambang ng Concepcion Group sa tim na namimigay ng SAP sa Libon, Albay.
Hindi mapagtatakpan ng pakanang ito ang pumapalpak at magulong pagtugon hindi lang ng IATF -Albay kundi ng buong rehimen sa krisis pangkalusugang hatid ng COVID-19. Walang poder ang IATF-Albay at si Duterte na ipailalim muli ang prubinsya sa ECQ sa harap ng magulo at militarista nilang pagtugon sa krisis. Walang saysay ang lockdown dahil dalawang linggo matapos magsimula ang unang ipinatupad na lockdown noong Abril, nagkaroon pa rin ng kaso ng paglaganap ng virus sa prubinsya. Kahina-hinala rin ang makailang beses na pagbabalik ng virus sa kabila ng ilang beses na rin nitong pagkawala. Nakailang ekstensyon na lamang, hindi pa rin naisasagawa ang malawakang mass testing, screening at contact tracing sa prubinsya.
Sa halip, higit lamang na nilalantad ng muling pagbabalik sa ECQ ang kawalang-kahandaan ng IATF-Albay na harapin ang paggigiit ng mamamayang Albayano sa kanilang karapatan sa trabaho, kabuhayan at makatwirang ayuda at relief. Ipinalalabas na halos kumpleto na umano ang nabigyan ng Social Amelioration Program (SAP), subalit ang totoo’y kakarampot at kulang ang ayudang iilan man lang din ang tinatarget na mabigyan. Itinutulak lamang ng kampanyang paninisi sa kawalang disiplina ng taumbayan na ipagtanggol ang kanilang hanay at higit pang igiit ang kanilang karapatang mabuhay.
Nananawagan ang SBC-BHB Albay sa masang Albayano na tutulan ang pagpapatuloy ng pasistang lockdown at magkaisang igiit at ipaglaban ang kanilang karapatan sa gitna ng malaganap na paglabag nito. Kundenahin at ilantad ang anumang pang-aabuso ng militar at pulis. Iulat ang mapanlokong pamimigay ng ayuda at relief. Dapat nilang paghandaan at biguin ang pakana ni Duterte na ipatupad ang Batas Militar. Tiyak na magiging katuwang at tagapagtanggol ng masang Albayano ang BHB Albay sa paglaban sa pinatinding pasismo ng rehimeng US-Duterte sa gitna ng krisis na hatid ng COVID-19.