NPA-Mindoro binasag ang FMO, 2 ambus, matagumpay na inilunsad!
Pulang pagpupugay ang ipinaaabot ng Lucio de Guzman Command – New People’s Army-Mindoro (LDGC – NPA-Mindoro) sa lahat ng mga Pulang kumander at mandirigma sa isla sa matatagumpay na opensiba laban sa 4th Infantry Battalion-Philippine Army (4IBPA) na bumasag sa palalong focused military operations (FMO) nito sa timugang bahagi ng isla.
Noong Oktubre 23, inambus ng isang tim ng NPA ang mga nag-ooperasyong tropa ng 4IBPA sa Sitio Mantay, Brgy. Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro, kung saan isa sa mga militar ang napatay at dalawang iba pa ang nasugatan.
Noong Oktubre 28 naman, pinasabugan ng dalawang command-detonated explosives ang dalawang truck ng 4IBPA na may lulang di-bababa sa 60 tropa sa kalsada ng Sityo Amaling, Brgy. Manoot, Rizal, Occidental Mindoro. Napuruhan dito ang isang truck na may lulang mahigit sa 30 tropa. Hindi bababa sa 10 kaswalti ang natamo ng mersenaryong pwersa.
Walang anumang kaswalti at ligtas namang nakaatras ang mga Pulang mandirigma sa parehong opensiba.
Isinagawa ng LDGC – NPA-Mindoro ang parehong opensiba laban sa notoryus na 4IBPA upang parusahan ito sa kanilang tumitinding paglapastangan sa karapatang tao ng mamamayang Mangyan at magsasaka sa kanilang mga inilulunsad na FMO.
Mula pa noong Abril, naglulunsad na ng FMO ang AFP at PNP sa timugang bahagi ng isla na sumasaklaw sa Rizal, San Jose at Magsaysay sa Occidental Mindoro at sa Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao, Oriental Mindoro. Gayundin sa gitnang bahagi, partikular sa Sablayan at Calintaan, Occidental Mindoro at sa Victoria at Socorro, Oriental Mindoro.
Karaniwang mga Mangyan at magsasaka ang lubhang apektado ng mga FMO na ito. Noong Abril, nagsagawa ang 4IBPA ng walang patumanggang pambobomba mula sa himpapawid at istraping sa mga pamayanan sa kabundukang saklaw ng San Jose, Occidental Mindoro.
Noong Mayo, dinampot at dinala sa kampo ang apat na katutubong Tau-buid sa kampo sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Noong Hunyo, walang-awang minasaker ng 4IBPA si Prentice “Tatay Prentes” Guttierrez sa Calintaan, Occidental Mindoro. Malala pa’y binihisan ang kanyang mga labi ng camesa de chino, kinuhanan ng litrato katabi ng mga baril at bomba at binansagang NPA.
Noong Agosto naman, hinamlet ng 4IBPA ang mga pamayanang Mangyan sa Rizal at San Jose, Occidental Mindoro sa kabila ng paglaganap ng epidemya ng tigdas. Ikinasawi ito ng di-bababa sa 100 katutubo, halos lahat ay mga bata at sanggol.
Kasabay ng mga FMO sa kaliwang kamay ng Joint Campaign Plan (JCP) Kapanatagan ay tinatangka ring linlangin ang mamamayan sa pamamagitan ng mga Retooled Community Support Program Operations (RCSPO) sa kanang kamay nito. Dili iba rin ito sa mga civil military operations at psychological operations. Sa pamamagitan umano ng “whole-of-nation approach” at “indigenous people-centric approach,” sapilitang ginagamit ng AFP ang lokal na pamahalaan kasama ang kaban ng bayan na hawak nito para magpaambon ng mga serbisyo na matagal nang ipinagkakait ng bulok na gubyerno sa mamamayan. Malinaw na inasukalang bala ang mga RCSPO na sapilitang nagpapasuko ng mga sibilyan sa pagbabansag sa kanila bilang mga NPA o tagasuporta ng NPA kapalit ng pangakong serbisyong medikal, pagkain at maging pabuya na nagkakahalagang P60,000 bawat isa.
Gayunman, ginawang palabigasan ng mga pangunahing kapural ng AFP ang pekeng pagpapasuko. Mula noong Disyembre 2018 hanggang sa kasalukuyan, aabot na sa 170 ang mga sibilyang iprinisinta bilang fake surrenderees. Sa mga ito, iisa lamang ang nakatanggap ng pinangakong P65,000 na pabuya at wala pang sampu ang nakatanggap ng P15,000 bawat isa. Sa suma, aabot lamang sa P625,000 ang naibigay sa iilang may-natanggap na ipinresentang mga pekeng sukong NPA, kaya aabot sa halos P10.5 milyon ang napunta sa bulsa ng mga opisyal ng berdugong AFP.
Dahil sa mga notoryus na rekord na ito, iginawad ng Southern Luzon Command sa 4IBPA bilang “best battalion” at ang 203rd Brigade bilang “best brigade” sa rehiyon. Sa kabilang banda, pinakakasuklam-suklam sa mamamayan ang itinuturing ng AFP na pinakamahuhusay nilang brigada at batalyon.
Sa harap ng pinaiigting na kontra-mamamayang gyera sa balangkas ng JCP Kapanagatan, inihahanda lamang ng pasistang gubyernong Duterte ang kanayunan bilang malawak na libingan ng mga berdugong AFP-PNP. Kakamtin ng aping mamamayan ang katarungan sa pagpapaigting ng digmang bayan.
Basagin ang FMO at RCSPO!
Biguin ang JCP Kapanatagan!
Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang digmang bayan hanggang tagumpay!