NPA Mindoro, binigwasan ang 203rd Brigade-PNP MIMAROPA sa gitna ng matinding FMO at RCSPO
Pulang pagbati sa matatagumpay na opensiba ng Lucio de Guzman Command (LdGC) – NPA Mindoro sa gitna ng matitinding atake at tuluy-tuloy na focused military operations (FMO) at retooled community support program operations (RCSPO) ng 203rd Brigade at PNP MIMAROPA. Nagresulta ito sa limang kaswalti sa hanay ng pasistang tropa.
Noong Setyembre 28, bandang 11:35 ng tanghali, tinambangan ng LdGC ang mga nakasakay na pwersa ng 403rd Regional Mobile Force Battalion ng Philippine National Police MIMAROPA (403rd RMFB-PNP MIMAROPA) sa kahabaan ng national highway sa Sityo Mabajo, Barangay Sta. Teresita, Mansalay, Oriental Mindoro. Nang pumutok na ang command-detonated explosive, tumalilis ang mga nakalulang elemento ng RMFB at iniwan ang nasunog nilang sasakyan. Nagtamo ang ambus ng tatlong sugatan sa hanay ng RMFB.
Kasabay ng ambus, hinaras ng isang tim ng LdGC ang kampo ng 403rd Brigade sa Brgy. Cabalwa, Mansalay.
Isang sundalo naman ang bumulagta nang iisnayp ng tim ng NPA ang nakakampong 203rd Brigade sa Sityo Mantay, Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro noong Setyembre 16. Dahil hindi pa umaalis at nananatiling nakakampo sa Mantay, muling inisnayp ng mga Pulang mandirigma ang pasistang pwersa noong Setyembre 22 na nagresulta sa isa pang kaswalti. Isang putok ang pinakawalan ng mga Pulang mandirigma sa bawat operasyong isnayp. Sa galit ng 203rd Brigade, walang pakundangang nagpaputok ang mga nauulol nilang tropa matapos ang mga naturang operasyong isnayp.
Sampal sa mukha ng mga nag-ooperasyon at uhaw-sa-dugong 203rd Brigade-PNP MIMAROPA ang mga inilunsad na taktikal na opensiba ng NPA sa Mindoro habang walang humpay ang kanilang FMO sa mga bayan ng Mansalay at Bongabong sa Oriental Mindoro at sa mga bayan ng San Jose at Rizal sa Occidental Mindoro. Nadiskaril ang imbing plano ng mga teroristang pwersa na pinsalain ang mga yunit ng NPA sa isla sa kanilang bulag na isinasagawang pag-tugis sa NPA sa lugar.
Samantala, nagdiriwang ang rebolusyonaryong pwersa sa Timog Katagalugan at ang mamamayan ng Mindoro sa mga opensiba ng LdGC noong Setyembre. Ang mga taktikal na opensibang ito ay pagbibigay ng rebolusyonaryong hustisya sa mga biktima ng mga abuso ng AFP-PNP sa karapatang tao ng mga Mindoreño. Ibayong pasakit ang idinulot ng mga FMO at RCSPO ng 203rd Brigade-PNP MIMAROPA sa mga katutubong Mangyan. Simula Mayo hanggang sa kasalukuyan, walang tigil ang mga teroristang AFP-PNP sa pag-iinteroga, iligal na pang-aaresto at pagdedetine, pambubugbog, pambubulabog, pananakot at panggigipit sa mga Mangyan. May ginahasa pa ang mga tropa ng 76th IBPA na Mangyan na naging bantog na sa bansag na “rapist battalion”. Hindi pa nasapatan, matapos ng mga karahasang ito ay ipinrisenta sila ng mga pasistang tropa bilang mga sumukong NPA. Dahil dito, lumikas ang mga residente ng Mantay at mga karatig nitong Sityo Buswak at Sangay dahil sa takot at upang makaiwas sa mga pandarahas ng 203rd Brigade-PNP MIMAROPA.
Ang mga FMO at RCSPO ng AFP-PNP sa isla ng Mindoro at buong rehiyon na inilulunsad sa gitna ng pandemyang COVID-19 ay walang katuturang pagwawaldas ng rehimen ng pondo ng bayan para sa pasismo, imbes na ilaan sa serbisyong pangkalusugan. Kaguluhan at karahasan ang hatid ng mga covid-related missions na sa esensya’y mapanupil na mga FMO at RCSPO. Isinasapeligro pa ng mga nag-ooperasyong sundalo at pulis ang buhay ng mga lokal sa kanayunan dahil pumapasok ang mersenaryong tropa nang hindi nagkukwarantina, walang face mask at di-pagtupad ng physical distancing.
Marapat lamang na patuloy na bigwasan ng mga yunit ng NPA ang mga teroristang pwersa ng AFP-PNP. Inaatasan ng Melito Glor Command – NPA Southern Tagalog ang mga yunit ng NPA sa ilalim nito na maglunsad ng mas maraming malalaki at matutunog na taktikal na opensiba para labanan ang pasistang diktadurya ni Duterte at ang AFP-PNP. Pagbayarin ang terorista at mamamatay-taong rehimen sa mga krimen nito sa bayan.###