NPA-Mindoro: Pagpupugay kina Kasamang Lorelyn at Kasamang Elmar, mga martir, tunay na Hukbo at bayani ng rebolusyon at sambayanang Pilipino!
Iginagawad ng Lucio de Guzman Command NPA – Mindoro ang pinakamataas na pagpupugay kina Ka Lorelyn Saligumba aka Ka DF/Fara at Ka Elmar Murillo aka Ka Gino/Jorel na nagbuwis ng kanilang buhay sa magiting na pakikipaglaban sa pasistang pwersa ng 203rd Brigade sa dalawang pinakahuling labanan sa isla ng Mindoro noong Mayo 31 at Hunyo 4.
Ang unang labanan ay naganap noong 31 Mayo bandang 6:30 ng hapon sa Sityo Camilian, Barangay Bugtong na Tuog, Socorro, Oriental Mindoro kung saan nasawi si Ka Jorel. Dahil sa tinamong malaking pinsala dulot ng mahusay na paglaban ng yunit ng BHB, walang pakundangang gumamit ng FA-50 Fighter Jet ang 203rd Brigade at binomba ang pangkalahatang erya ng pinaglabanan sa loob ng dalawang araw. Nagdulot ito ng matinding pinsala at matinding takot sa hanay ng mamamayan.
Ang ikalawang insidente ng labanan na ikinasawi ni Ka Fara ay naganap noong 4 Hunyo bandang alas-4 ng hapon sa Barangay Mangangan 1 , Baco, Oriental Mindoro. Walang pakundangang pinaputukan ng kaaway ang base nina Ka Fara nang walang pagsasaalang-alang sa mga sibilyan. Resulta nito, nasugatan ang isang sibilyan. Hinuli din ng 203rd Brigade ang isa sa kasamahan ni Ka Fara at hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw.
Si Ka Fara ay nakilala bilang isa sa Morong 43 na hinuli ng pasistang militar noong taong 2010 habang nagsasanay sa gawaing medikal bilang volunteer health worker. Matapos lumaya sa pagkakapiit at dulot ng pananakot at panggigipit ng mga militar, nagpasya itong kumilos nang fulltime sa isang yunit ng LDGC upang ipagpatuloy ang kanyang nasimulang gawain bilang medical health worker.
Sa panahon ng kanilang pagkakapaslang nasa yugto ang mga yunit ni Ka Jorel at Ka Fara ng paggampan ng kanilang misyon na pagtugon sa atas ng LDGC na magbigay ng serbisyong medikal sa mamamayang Mindoreño upang labanan ang Covid19 at siyasatin ang problema ng mga magsasaka, katutubo at mamamayan. Sa proseso nito, magiting nilang hinarap ang pananalasa ng Focused Military Operation ng 203rd Brigade sa mga barangay at bayan na kanilang kinikilusan.
Sina Ka Fara at Ka Jorel ay mga tunay na Hukbo at bayani ng sambayanang Pilipino. Walang pag-iimbot na inialay nila ang kanilang lakas, talino at kaisa-isang buhay upang ipagtanggol ang mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan at ipaglaban ang pambansang kalayaan at demokrasya. Ginugol ni Ka Fara ang halos kalahati ng kanyang buhay at ng halos isang dekada ng buhay ni Ka Jorel sa walang sawang paglilingkod sa sambayanang Pilipino at pagsusulong ng rebolusyon. Nilampasan nila ang makitid na makasariling interes at niyakap ang interes ng sambayanan at ng nakararaming naghihirap, inaapi at pinagsasamantalahan. Kaya naman malapit sila sa masa at lubos silang minahal ng mga ito saanman silang mga baryo at bayan mapapunta. Sila ang mga tunay na anak ng bayan at bagong Andres Bonifacio at Gabriela Silang ng kasalukuyang panahon.
Dapat natin silang pag-ukulan ng pinakamataas na pagpupugay at parangal. Ang kanilang kamatayan ang magtutulak sa sambayanang Pilipino at kasalukuyang henerasyon ng mga rebolusyonaryong Pilipino upang mamulat at higit na maging matatag, masigla at determinado sa pagsusulong ng rebolusyon.
Sa kabilang banda, nakakagalit ang walang pakundangang atake sa buhay at ari-arian ng mga sibilyan na ginagawa ng AFP sa pamamagitan ng 203rd Brigade at ng kanyang Airforce. Mariing kinukundena ng LDGC ang pambobomba ng AFP at pamamaril sa mga sibilyan. Dapat na bigyan ng katarungan ang mga ito at ang pagkamartir nina Ka Jorel at Ka Fara. Dapat singilin ng sambayanan at ng mga yunit ng NPA nang mahal ang pasistang tropa ng 203rd Brigade at ang rehimeng US-Duterte para sa kanilang mga krimen.
Nangangarap nang gising ang 203rd Brigade, ang 2nd IDPA at ang rehimeng US-Duterte na mawawasak nila ang NPA at ang rebolusyonaryong paglaban ng mamamayan. Kabaliktaran, higit na mas marami ang sasampa at sasapi sa NPA. Higit na mas maraming mamamayan ang hahawak ng armas at susunod sa yapak na tinahak nina Ka Jorel at Ka Fara.
Hindi kailanman matatakot ang NPA at ang sambayanan sa dahas na ginagamit ng rehimeng US-Duterte. Tutumbasan ito ng sambayanan ng rebolusyonaryong dahas sa pamamagitan ng pagdadala sa bago at mas mataas na antas ng digmang bayan na ibayong sumusulong at lumalakas ngayon sa Mindoro, rehiyong Timog Katagalugan at sa buong bansa.
Pagbayarin ang 203rd Brigade at Rehimeng US- Duterte sa kanilang panibagong krimen laban sa sambayanang Mindoreño!
Ka Fara at Ka Jorel, tunay na Hukbo at bayani ng sambayanan at rebolusyong Pilipino!
Panagutin at pagbayarin ang 203rd Brigade!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Mamamayang Pilipino, sumampa at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
Digmang Bayan, sagot sa dahas at de-facto Martial Law ng rehimeng US-Duterte!