NPA-Palawan: Sino si Alimar ‘Ahas’ Toting?
Si Alimar Toting ang pinakabagong alagang ahas ng WESCOM at TF-ELCAC sa Palawan. Isang nabulok na elemento na ilang panahong naging bahagi ng rebolusyonaryong kilusan na matapos tangkilikin, bihisan at pakainin ng masa ay siya pala ang tutuklaw at pipinsala sa kanila.
Talagang hindi mababali ang lumang kasabihan na “huwag kang mag-aalaga ng makamandag na ahas, dahil sa dakong huli, ito din ang tutuklaw sa iyo.”
Pinagmumukhang santo ng WESCOM at PTF-ELCAC si Toting Ahas sa media upang bihisan ng matayog na kaanyuhan ang kanyang ibinubugang kamandag at lason ng kasinungalingan laban sa masa at rebolusyonaryong kilusan. Suko hanggang langit ang pagpuri nya sa mga pasista at reaksyunaryo. Dini-Diyos nya ang mapang-api at mapagsamantalang sistema at hinihimod nya ang puwet ng mga matataas na upisyal ng WESCOM/JTF-Peacock at mga burukratang tulad ni Jose Chavez Alvarez.
Si Toting Ahas ay naiibang klase ng ahas—madaling itong magpalit ng balat at tulad ng hungyanggo ay madaling magpalit ng kulay. Kaya hindi kataka-taka na matapos maging bahagi ng rebolusyonaryong kilusan ng kung ilang taon, madali nitong itakwil ang prinsipyong natutunan sa rebolusyon at ang masa na tumangkilik sa kanya nang maraming taon. Madali itong nalasing sa katungkulan at inaboso ang pusisyon upang gumawa ng mga gawaing kriminal at anti-sosyal.
Lihim na tumanggap si Toting Ahas ng Php 50,000 upang patayin ang isang pulis Aborlan na si SPO2 Nelzahib Aiso subalit nagawa nya itong imaniubra at palabasin bilang isang lehitimong operasyon ng NPA sa mata ng Bienvenido Valleber Command (BVC). Nakiapid at inagaw nya ang asawa ng isang sibilyan na labag sa disiplina ng NPA. Gumawa siya ng panghahati at intriga sa loob ng hukbong bayan. Ginamit nya sa pansariling pakinabang ang tulong pinansyal ng mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan.
Batid ni Toting Ahas na sa malao’t madali ay matutuklasan ng BVC ang mga anomalya at krimeng kanyang ginawa at upang matakasan ang mabigat na pananagutan ay maagap siyang bumaligtad sa panig ng kaaway. Kataksilan ang isinukli nya sa magandang-loob na ipinadama ng masa sa kanya. Kataksilan ang isinukli nya sa mga kasamang kasalo nya sa buhay-at-kamatayang pakikibaka laban sa mga pasista!
Nasisiyahan ang WESCOM, PTF-ELCAC at JTF-Peacock sa kamandag na ibinubuga ni Toting Ahas upang sirain ang rebolusyonaryong kilusan sa Palawan. Subalit bawat ibinubugang lason nito ay higit lamang nagpapatibay sa kapasyahan ng masa na magrebolusyon at lumahok sa armadong pakikibaka. Hindi matatabunan ng pakunwaring pagmamagandang-loob ng mga pasistang sundalo ang tunay na marahas at mapanupil na mukha ng WESCOM, PTF-ELCAC at JTF-Peacock.
Ang hindi kayang pagtakpang katotohanan ay ang mga kasinungalingan at kayabangan ng mga taong katulad ni Toting na naging taksil sa bayan at kilusan. Sino nga ba ang naniniwala sa mga tinuran ng isang Toting Ahas na bulok ang prinsipyo at paninindigan? Walang iba kundi ang mga kapwa niya taksil at hudas, ang kanyang mga bagong among magnanakaw sa gobyerno at mga ganid sa kapangyarihan. Bakit sa kabila ng pag-amin mismo ni Toting sa mga krimen ng pagpaslang ay nakakapamuhay siya ng marangya? Dahil ang WESCOM at si Jose Chavez Alvarez mismo ay protektor ng mga kriminal!
Habang marami ang dumaraing sa kawalan ng ayuda, pagkain at hindi nakinabang sa Social Amelioration Program, ang kriminal at taksil na tulad ni Alimar Toting at kanyang pamilya pa ang binubuhusan ngayon ng pera ng gobyerno na mula sa buwis ng mga Palawenyo.
Kamakailan, muli na namang sumanga ang dila ni Toting Ahas sa pagpusturang maalam nang sabihin nitong magkakaugnay ang balitang ambus sa San Vicente at ang pagsalakay sa ditatsment ng 18th SFC/CAA sa Bunog, Rizal. Ang dramang ambus sa San Vicente ay gawa-gawa lamang ng WESCOM at JTF-Peacock upang pagtakpan ang malaking anomalya sa pamamahagi ng SAP. Isang lehitmong operasyon naman ng NPA Palawan ang ginawang pagsalakay sa ditatsment ng 18th SFC/CAA sa Mantayog Falls, Bunog, Rizal upang tugunan ang hinaing ng mga biktima ng karahasang militar sa lugar.
Isang malaking insulto at nasaktan ang mga katutubo at magsasaka sa simpleng pagmamaliit ni Toting sa isyu ng ‘pribatisasyon’ kabilang ang pagkawala ng akses sa tubig na isa diumanong mababaw na dahilan. Pinuri pa ni Toting Ahas si JCA sa kanyang anti-katutubo’t anti-mamamayang proyektong patubig sa ngalan ng panlalawigang pamahalaan na sa esensya ay isang porma ng Build Operate and Transfer (BOT).
Ang tubig at lupang ninuno ay likas-yamang ipagkakait sa libu-libong mamamayang Palawenyo dulot ng proyektong ito. Nakalatag sa buong probinsya ang proyektong ito kung saan libu-libo ang dumadaing dahil sa mga problemang kaakibat nito. Hindi simpleng pribatisasyon ito dahil nakaturol ito sa pangkalahatang mga neo-liberal na polisyang ipinapatupad ng rehimeng US-Duterte mula sa kanyang mga amo sa IMF-Worldbank at iba pang institusyong pampinansya ng dayuhan. Hindi kataka-taka kung nakalimutan na ni Toting na ang imperyalismo at lokal na naghaharing-uri ang ugat ng proyektong ito dahil nakulapulan na ng salapi at luho ang kanyang pagkatao.
Matibay ang paninindigan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-Palawan na hanggat hindi natatanggal ang salot na imperyalistang pandarambong at paninibasib sa likas yaman ng Palawan, kasapakat ang mga lokal na naghaharing-uri, hinding-hindi matatamo ng masang Palawenyo ang ganap na kaunlaran at kasaganaan.
Kahit gaano pa karaming lason ng kasinungalingan ang ibuga ni Alimar ‘Ahas’ Toting, hindi nito maasukalan ang kanyang mga kasalanan tulad ng pagtalikod sa tungkulin, pakikiapid at pagtangay sa asawa ng iba, pagpapahamak sa mga sibilyan, pagpapagamit at pagpapasuko sa mga pinagsususpetsahang may kaugnayan sa rebolusyunaryong kilusan at pagwawaldas ng mga rekurso ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Palawan na ipinagkatiwala sa kanya. Hindi man niya kagyat na nararamdaman ngunit ang lasong ibinubuga niya ang sya na ring lason na unti-unting pumapatay sa kanya. Dahil sa labis na galit ng masa at ng rebolusyunaryong kilusan sa ginawa niyang pagtataksil sa interes ng sambayanan ay itinuring na siya ngayong kaaway ng mamamayan kasama sina JCA, ang WESCOM at ang bumubuo ng PTF-ELCAC, sapagkat matagal nang wala sa kanila ang suporta ng masa.
Sa katunayan, sa gitna ng Focused Military Operations(FMO) at RCSP ng JTF-Peacock, yumayabong ang rebolusyunaryong kilusan sa Palawan at buong Timog Katagalugan. Ang pagyabong na ito ay higit pang pinabibilis ng pagsidhi ng krisis dulot ng pandemyang CoVid19, kapabayaan at kainutilan ng buong bulok na reaksyunaryong gobyerno.
Mabuhay ang Sambayanang lumalaban!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!
Mabuhay ang Rebolusyon!