NPA Quezon: Huwag palakpakan, huwag tawanan, huwag magpapalinlang, huwag magsawalang-kibo – sa anumang buladas at pananakot ni Duterte!
Isang rebolusyonaryong pagbati sa mga minamahal naming masang Quezonin!
Sa ikalimang SONA ng pasistang Duterte, tiyak na ipagmamalaki niya kahit palpak ang mga programa ng kanyang gubyerno gayong ang totoo ay kasalukuyang humaharap sa krisis-pangkalusugan ang ating bansa at ramdam ng masang Pilipino ang kapabayaan ni Duterte at mga ahensya nito.
Huwag daw mabahala sabi ng Malacañang sa mahigit 70,000 na bilang ng apektado ng sakit na COVID-19 sa Pilipinas! Mas mabilis kaysa inaasahan ang paglaki ng bilang kumpara sa naunang pagtaya na pagtatapos ng taong 2020 ay aabot sa 75,000 ang magkakasakit. Malaki ang pananagutan ng gubyernong Duterte sa pangyayaring ito!
Sa pagsugpo sa COVID-19, militaristang lockdown na walang anumang siyentipikong batayan ang solusyon ng gubyernong Duterte kaya pulis at sundalo ang nasa prontera na dapat ay mga doktor at nars.
Lalong ibinaon sa utang ang bayan nang humiram si Duterte ng 200 bilyong piso para sa ayuda sa anyo ng SAP o Social Amelioration Program at pagbili ng mga kagamitang medikal. Sa katunayan, hindi ito nakakaabot sa mga tunay na nangangailangang maralitang Pilipino. Naging daluyan ito ng malawak na korapsyon mula pambansa hanggang lokal na pamahalaan.
Kabikabila ang napapaulat sa amin na pang-aabuso ng lokal na pamahalaan sa barangay at munisipyo kaugnay ng pamamahagi ng SAP. Tampok ang pagsuot-sa-butas ng karayom bago ka mapabilang sa listahan ng benepisyaryo, pinakamalala ay ang paniningil ng bayad sa diumanong application form sa mga barangay ng Macalelon.
Sa rehiyon ng Timog Katagalugan, umabot sa higit 5,000 ang kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19. Sa lalawigan ng Quezon, naitala ang nasa 273 kumpirmadong kaso at 15 na ang namatay. Kasabay ng malalang kalagayan sa ating probinsya, ang kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang pantao ni Duterte at ng kanyang mga sundalo at pulis. Sa datos na nakalap ng mga grupong nagsusulong ng karapatang pantao, sa unang tatlong buwan lamang ng taong 2020 ay may 195 na bilang ng kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Ito ay sa porma ng iligal na paghahalughog ng bahay, pagpapalikas, iligal na pag-aresto at detensyon, pagbabanta, pandarahas, intimidasyon, pagpapasuko, red tagging at iba pa.
Masugid na tagasunod at tagapagpatupad ng military lockdown si Gov. Danny Suzrez. Wala siyang anumang pagtatangka na pigilan ang malawakan at maigting na presensya ng sundalo at pulis sa buong lalawigan palibhasa’y numero uno rin siyang suporter ng Task Force to End Local Communist Armed Conflict, programang anti-insurhensya ni Duterte na ang nagiging target at biktima aY sibilyang populasyon.
Noong Mayo, sa mga bayan ng Lopez at Catanauan, nagkakailang insidente ang naitala ng di makataong pamamarusa sa mga residenteng itinuring na lumabag sa lockdown at physical distancing habang ang mga sundalo at pulis na nag-ooperasyon ay walang pangingiming nag-iinuman, nagsasabong, nagsusugal at ni hindi man lamang naka-face mask.
Sa unang linggo ng Hunyo, anim na residente mula sa Barangay Mabini ng Lopez at Barangay Malabahay ng Macalelon ang iligal na inaresto at arbitraryong ikinulong sa kampo militar dahil pinagsuspetsahang kasapi ng rebolusyunaryong kilusan.
Noong Hunyo rin, isang platun ng 85IB ang nagmintine sa komunidad ng magsasaka sa Sityo Cagascasin ng Barangay Sta Maria-Dao sa bayan ng Lopez ng kung ilang linggo sa pagsasabing inabot sila ng quarantine gayong walang anumang health protocol na ipinatupad ang mga sundalong ito at tuluy-tuloy sa pag-ooperasyon.
Lantaran ang ginawang surveillance at intimidasyon sa kamag-anak ni Joseph “Ka Ken” delos Santos, kumander ng AMC-NPA. Noong Marso 8, 2018, biktima na ang nanay ni Ka Ken ng pamamaril ng mga elemento ng militar na ikinamatay nito.
Kamakailan, napabalita rin na may nakahandang warrant of arrest laban kay Gng. Jenny Dichoso ng Karapatan-Quezon sa di pa malamang kaso.
Sa pag-iral ng de facto Martial Law sa tabing ng lockdown, nagresulta ito ng maraming manggagawang nawalan ng trabaho, paralisadong transportasyon, hindi maipirming simula ng klase ng mga mag-aaral, pagpapabalik sa probinsya ng mga nasa lungsod at napauwing OFW na walang tiyak na pagkakakitaan at hindi makapaghanapbuhay na mga magsasaka at manggagawang bukid sa kanayunan.
Sa kalahating taon ng krisis pangkalusugan sa ating bayan, pinatunayan ng gubyernong Duterte ang pagiging inutil sa pagharap sa problema. May mga bansa tulad ng Canada, Vietnam at Cuba na hindi nagpatupad ng total lockdown ngunit napababa ang bilang ng apektado ng sakit sa kanilang bayan. Patunay na hindi militaristang lockdown ang solusyon. Matagal nang panawagan ng mamamayan na maglaan ng pondong pangkalusugan upang maisagawa ang “test, isolate and treat” at nang maiwasan ang paglala ng krisis.
Ngunit hindi ito pinakikinggan ng gubyerno kaya ang sambayanang Pilipino ang nagdurusa ngayon. Balewala sa gubyernong Duterte ang pagkakasakit at pagkamatay ng libu-libong Pilipino dahil ang prayoridad nito ay mga kontra-rebolusyonaryong programa at giyera.
Katunayan, sa gitna ng krisis ng COVID-19, niratsada ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Bill. Hindi makatao at makatarungan ang hakbang na ito ni Duterte. Layunin nito ay pahupain at ituring na terorismo ang anumang paglaban ng mamamayan. Binabalak ding ilusot ang pagbabago ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas. Sa kaibuturan ng mga ito ay ang kontra-rebolusyonaryong programa ng gubyerno na Joint Campaign Plan-Kapanatagan para sa hibang na pangarap na sugpuin ang rebolusyonaryo at armadong kilusan kahit hindi nalulutas ang pundamental na suliranin ng bayan na kawalan ng lupang masasaka at industriyang pinatatakbo ng bansa..
Habang palyado ang gubyerno ni Duterte, naglulunsad naman ang Bagong Hukbong Bayan ng Quezon ng programang edukasyon at serbisyong medikal sa iba’t ibang baryo at bayan.
Mga mahal naming kababayan, hindi pa man idinideklara ang pandemya sa buong mundo ay nagseserbisyo na ang inyong Pulang Hukbo sa mamamayan para tugunan ang inyong kagalingang pang-ekonomya at pampulitika. Upang ipakita ang aming katapatan sa pakikiisa sa nagaganap na krisis, tumugon ang Partido Komunista ng Pilipinas at ang buong rebolusyunaryong kilusan sa panawagan ng United Nations na magdeklara ng tigil-putukan para lalong mailaan ng Pulang Hukbo ang panahon sa pagharap sa pandemya.
Tumatalima ang Bagong Hukbong Bayan sa ceasefire at patuloy na naglilingkod sa mamamayan ng Quezon sa kabila ng nagpapatuloy na operasyong kombat ng mga bayarang sundalo at pulis na humantong sa mga labanan noong buwan ng Marso sa mga bayan ng Catanauan, Gumaca at San Narciso. Kailanman ay hindi naging tapat ang reaksyunaryong gubyerno sa kanilang deklarasyon ng tigil-putukan. Sa halip na ilaan ang pondo ng taumbayan sa pagsugpo sa sakit ay winawaldas ito sa giyera at kontra-rebolusyonaryong programa.
Malinaw ang paglabag sa batas ng digma ng armadong tropa ng gubyernong Duterte.. Taksil sila sa mamamayang nangangailangan ng tulong-medikal sa panahon ng pandemya.
Kaisa ninyo ang Bagong Hukbong Bayan at buong rebolusyunaryong kilusan sa pagtutol at paglaban sa mga imbing pakana ng rehimeng US Duterte ngayong panahon ng pandemya at lampas pa rito.
Kailangang wakasan ang paghahari ng rehimeng US-Duterte!
Labis-labis na ang paglabag sa karapatan ng mamamayan. Wasto at makatarungan ang panawagan ng mamamayang Pilipino na patalsikin na si Duterte. Walang kakayahan at anumang dahilan na mamuno ang diktador, papet, pasista at mamamatay-taong si Duterte.
Ang paghihirap na nararanasan ng mamamayan ay walang ibang patutunguhan kundi ang paglaban at paghawak ng armas. Ang paglulunsad ng digmang bayan at pagtatagumpay nito ang maghahatid sa bansa sa tunay na pagbabago – isang lipunang may tunay na demokrasya at pagkalinga sa mamamayan, kung gayon ay isang bayan na handang humarap sa anumang krisis panlipunan.
Nananawagan kami sa mamamayan ng Quezon at sa buong sambayanan na sa ikalimang SONA ng pasistang si Duterte, huwag palakpakan, huwag tawanan, huwag magpapalinlang, huwag magsawalang-kibo – sa anumang buladas at pananakot ni Duterte! Sa halip, salubungin ng maalab na pagtutol at paglaban para biguin ang militaristang paghahari ng rehimeng US-Duterte!
Tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Ngayon ang tamang panahon!#