NPA Rizal, matagumpay na inambus ang 80th IBPA!
Inambus ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-RIZAL) ang nag-ooperasyong tropa ng pinagsanib na 80thIBPA, sa sityo Ilas, Brgy. Puray, Montalban, ganap na 6:40 ng umaga noong ika-30 ng Septyembre 2021, sa Sityo Ilas , Brgy. Puray, Montalban. Dalawang pasista ang kumpirmadong killed in action (KIA) kabilang na si Private First Class Warren Fold Montebon.
Ang inambus na pasistang tropa ay kabilang sa mga reimporsment ng 2nd IDPA matapos na matagumpay na nireyd ng NPA-Rizal ang armadong goons ng panginoong maylupang si Arturo Robes noong Setyembre 27.
Tugon ito ng NPA-Rizal sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas na paigtingin ang digmang bayan at panagutin ang mga berdugong mersenaryong AFP-PNP na naghahasik ng terorismo. Pagtugon rin ito sa kahilingan ng mga biktima para sa rebolusyonaryong hustisya.
Ang matagumpay na ambus ay pagpapatunay sa kabiguan ng kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Duterte sa probinsya ng Rizal. Patuloy ang pagsulong ng digmang bayan at bigung-bigo naman ang mga mersenaryong AFP-PNP-CAFGU, ang NTF-ELCAC sa ilang taon ng pagpapatupad ng mga ito ng JCP-Kapanatagan sa balangkas ng EO70 at ng Anti Terror Law.
Ang desperadong kontra-rebolusyoanryong gyera ay walang ibang nakamit kundi ang pangungurakot sa kaban ng bayan at pambibiktima ng mga inosenteng sibilyan. Bigung-bigo naman ito sa kanilang pasistang layunin na patahimikin at pigilan sa paglaban ang taumbayan. Ang insidente sa Baras noong Disyembre 17, 2020 at ang Bloody Sunday noong Marso 7, 2021 ang nagpapatunay na mga sibilyan ang target ng anti-komunistang krusada ng Rehimeng US-Duterte.
Kasabay nito, malawakang nililinlang ang mga taumbaryo sa mga pekeng pagpapasuko bilang mga kasapi ng NPA o anumang rebolusyonaryong organisasyon. Sinasamantala ang krisis sa panahon ng pandemya upang gamitin ang pamamahagi ng ayuda bilang tabing sa kampanyang pagpapasuko. Sa pamamagitan nito, nagpapakalat ng fake news ang NTF-ELCAC na humihina na ang rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan.
Sukang-suka na ang mamamayan ng Rizal sa marahas at bulok na sistemang kinakatawan ng rehimeng US-Duterte. Lalo lamang nitong pinasisidhi ang pagnanais ng mamamayan para sa tunay na pagbabago na siyang di masasaid na bukal ng lakas ng rebolusyon.
Panawagan ng Narciso Antazo Aramil Command sa lahat ng mabubuting anak ng bayan ng Rizal at ng bansa na itakwil ang bulok na mala-kolonyal at mala-pyudal na sistemang panlipunan at sumulong sa landas ng tunay na pagbabago, tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan! Tanging sa pagpapabagsak sa bulok na sistemang ito sa pamamagitan ng armadong rebolusyon magwawakas ang pasistang pang-aapi sa masang anakpawis at lahat ng mamamayan.
Isulong ang Pambansa Demokratikong Rebolusyon na may sosyalistang perspektiba!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!###