NPA-Southern Tagalog: Pinabagsik na militarisasyon sa kanayunan, pruweba ng de facto Martial Law ng rehimeng Duterte
Ibayong nagiging mabalasik ang pangil ng berdugong rehimeng US-Duterte at mersenaryong AFP-PNP sa walang tigil nilang panghahalihaw at paghahasik ng teror sa kanayunan ng TK sa kapinsalaan ng mamamayan. Ang sunud-sunod na labanan sa pagitan ng mga yunit ng NPA at AFP-PNP sa buong rehiyon ay resulta ng mas malalawak at mas mababagsik na operasyong militar na patunay ng pagpapatupad ng di-deklaradong Batas Militar sa buong bansa. Buong giting itong hinaharap ng NPA-ST alang-alang sa pagtatanggol sa mamamayang pangunahing biktima ng pasismo ng kurap, inutil at utak-pulburang rehimeng Duterte.
Walang awat ang mga operasyong militar at hayok na pagtugis ng mga sundalo’t pulis sa NPA sa gitna ng krisis sa pampublikong pangkalusugan at lumalalang kahirapan dahil sa kapabayaan ng reaksyunaryong gubyerno. Inaatasan ng Melito Glor Command ang lahat ng yunit ng NPA sa rehiyon na buong tapang na harapin ang pananalakay ng AFP-PNP habang nagsisikhay na pahigpitin pa ang ugnayan ng Hukbo sa masa. Mahigpit ding nananawagan ang MGC sa taumbayan na labanan ang Batas Militar ng rehimen at igiit ang pagpapalayas ng mga tropa ng AFP-PNP sa kanayunan na nagdadagdag ng pasakit sa naghihirap at nagugutom na mamamayan dito.
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad na NPA-ST sa mga rebolusyonaryong martir na nagbuwis ng buhay habang nakikihamok sa pinatinding pasismo ni Duterte. Habambuhay na dadakilain ng sambayanang Pilipino si Lorelyn “Ka Farah” Saligumba, 33, na napaslang sa labanan sa Barangay Mangangan 1, Baco, Oriental Mindoro noong Hunyo 4; Elmar “Ka Jorel” Morillo, 29, na nasawi habang nilalabanan ang sumalakay na 76th IB sa Barangay Bugtong na Tuog, Socorro, Oriental Mindoro noong Mayo 31. Ang kanilang buhay na lipos sa sakripisyo at paglilingkod sa masa ay simbigat ng malalapad na kabundukan ng isla ng Mindoro at hindi kayang tumbasan kahit pa ng ibabayad na buhay ng libu-libong reaksyunaryo at gahaman.
Ang umiigting na militarisasyon sa kanayunan sa tabing ng diumano’y ‘COVID-related missions’ ang dahilan ng magkakasunod na labanan mula Mayo hanggang Hunyo. Sa lahat ng insidente, tampok ang paggamit ng rehimeng US-Duterte ng labis-labis na pwersang militar, paglabag sa mga batas ng digma at tahasang paglabag sa karapatang tao. Kasuklam-suklam ang pagpatay ng 18th SFC kay Jeferson Abella na isang sibilyan bilang ganting aksyon sa matagumpay na opensiba ng NPA-Palawan sa detatsment ng 18th SFC at 3rd MBLT noong Mayo 28. Nakagagalit din ang pambobomba ng 203rd Brigade gamit ang FA-50 fighter jet sa bayan ng Socorro noong Mayo 31 at Hunyo 1 na hindi nagsaalang-alang sa kaligtasan ng mga sibilyan. Nagdulot ang teroristang pag-atakeng panghimpapawid ng matinding trauma sa mga residente laluna sa mga bata. Napilitan din silang lumikas para makaiwas sa pambobomba at panghaharas ng mga tropa ng AFP-PNP na patuloy na naghahanap sa nakasagupang yunit ng NPA.
Isang mukha lamang ng Batas Militar ng rehimeng US-Duterte ang terorismong ipinadadanas ng AFP-PNP sa mamamayan ng kanayunan. Katambal nito ang tusong pag-apruba ng Anti-Terror Bill na magdadagdag ng pangil at kapangyarihan sa reaksyunaryong estado na supilin ang karapatan ng mamamayan. Bahagi rin ng pagpapairal ng di-deklaradong Batas Militar ang pagpapataw ng mga hakbanging pangkontrol sa populasyon tulad ng lockdown at pagtatakda ng mga restriksyon at samu’t saring dokumento sa pagbyahe kung saan maluwag na nakukuha ng mga sundalo’t pulis ang identidad ng karaniwang mamamayan. Sinisikil ng mga ito ang kalayaan ng mamamayan sa pagkilos, pagtitipon at paglulunsad ng mga aktibidad at pagpaparating ng mga karaingan. Dagdag na senyal ng Batas Militar ang pagpapasara ng pangkating Duterte sa ABS-CBN na itinuturing nitong tagasuporta ng mga kalaban nito sa pulitika at kumpetensya sa negosyo ng kroni ni Duterte na si Dennis Uy.
Malinaw sa ganitong mga akto ng rehimen na matigas nitong binabalewala ang panawagan ng mamamayan at United Nations na bigyang prayoridad ang sama-samang pagpuksa sa COVID-19 na hanggang ngayon ay patuloy na lumalaganap sa bansa. Sa itim ng budhi ng rehimen ay ginagamit nito ang isyu ng COVID-19 upang tuparin ang pasistang hangarin tulad ng pagdedeploy ng dagdag na tropang sundalo’t pulis sa mga liblib na lugar para kunwang magsagawa ng operasyong relief at medikal kaugnay ng COVID-19. Binabaliktad pa nito ang sitwasyon at paulit-ulit na pinaparatangan ang rebolusyonaryong kilusan na sumasakay sa isyu ng COVID-19 upang mang-upat ng gera. Ang totoo’y sila ang walang konsensyang gumagamit sa isyung pangkalusugan upang bigyang-katwiran ang kanilang terorismo. Higit nitong pinag-aalab ang galit ng sambayanan at pinalakakas ang panawagang buwagin ang Inter-Agency Task Force na sa esensya’y anino lamang ng civil-military junta ng rehimeng Duterte.
Ang pagpapatindi ng pasismo ng rehimen ang magtutulak sa mas mabilis na pagbagsak nito. Ang mamamayan sa mga bayan at baryong nagdurusa dahil sa mabagsik na mga operasyong militar ang kauna-unahang namumulat sa kapalaluan at anti-mamamayang kalikasan ng reaksyunaryong hukbo. Nagngangalit ang kanilang damdamin at pagnanais na magkamit ng hustisyang panlipunan. Isinisigaw nila ang pagpapabagsak sa rehimeng Duterte at pagpapanagot sa lahat ng krimen nito. Ang NPA, na tunay na hukbo ng mamamayan, ang kanilang sandata. Buong pusong tutupdin ng NPA ang tungkulin nitong labanan ang estado at durugin ang AFP-PNP hanggang sa malansag ang itinatayong pasistang diktadura ng rehimeng US-Duterte.###