Hydrolectric powerplant sa Oriental Mindoro, pinaralisa ng NPA
Matagumpay na isinagawa ng mga pulang mandirigma sa ilalim ng Lucio de Guzman Command – New People’s Army-Mindoro ang isang aksyong pamamarusa laban sa Sta. Clara Power Corporation (SCPC) sa Brgy. Malvar, Naujan, Oriental Mindoro kaninang hapon.
Malinaw ang mensahe ng aksyong ito sa iba pang mga mapanirang kumpanya ng mina at enerhiya: ipinagbabawal ng NPA ang pandarambong at pagsira sa kalikasan sa isla ng Mindoro.
Nagsimula ang pamamarusa bandang alas-3 ng hapon nang mapasok ng Pulang hukbo ang erya ng SCPC. Upang epektibong maparalisa ang operasyon ng plantang hydro, sinunog ang batching plant at 44 piraso ng mahahalagang heavy equipment kabilang ang isang backhoe, limang bigfoot truck, dalawang payloader truck, isang crusher, at isang cement mixer.
Kinumpiska rin ng mga kasama ang isang 9 mm pistol, isang factory made shotgun, 8 icom radio at tatlong laptop computer.
Naganap ang aksyong pamamarusa nang walang putok. Tinipon ang mga manggagawa ng SCPC at pinaliwanagan tungkol sa dahilan ng pamamarusa. Wala ni isa mang nasaktan sa buong operasyon.
Ang pamamarusa ay kongkretong tugon ng NPA sa panawagan ng mga Mindoreño para sa katarungan bunsod ng labis-labis na pinsalang dala ng proyektong hydro ng SCPC sa Naujan at Baco, Oriental Mindoro.
Ramdam na ramdam ng mamamayan ang negatibong epekto ng plantang hydro ng SCPC nang salantahin ng Typhoon Nona ang Oriental Mindoro noong 2015.
Malaki ang kasalanan ng SCPC sa naganap na matinding pagbaha noong panahon ng Typhoon Nona na nakaaepekto sa higit 3/4 ng populasyon ng Oriental Mindoro. Dahil sa tuluy-tuloy na underground blasting at logging ng SCPC, nabuwal ang lupain sa mga kabundukan at nagkaroon ng malalaking mudflood o “banlik”. Higit 10 tao ang namatay dahil sa mudflood na sumira rin sa higit P1.5 bilyong-halaga ng imprastraktura at P2.5 bilyong halaga ng produkto at kagamitan sa agrikultura.
Nagprotesta ang higit 6,000 Mindoreño sa Calapan City noong Pebrero 27, 2017 upang humingi ng hustisya para sa mga biktima ng trahedyang dala ng SCPC subalit hindi sila pinakinggan ng reaksyunaryong gubyerno. Kinampihan pa ng Mines and Geosciences Bureau Region-4B ang SCPC at sinabing ang sobra-sobrang ulan ng Typhoon Nona ang dahilan ng pagbaha.
Hanggang ngayon ay walang naaninag na katarungan ni danyos perwisyo mula sa SCPC ang mga magsasakang biktima ng pagbaha. Wala ring ginawa ang reaksyunaryong gubyerno mula sa lokal hanggang sa pambansang antas upang singilin ang SCPC at tugunan ang panawagan ng mga biktima.
Patunay ang kasong ito na ang posturang makatao at makakalikasan ni Duterte at ng kanyang mga kasapakat ay pawang kasinungalingan. Nabubunyag ang tunay nilang interes sa patuloy nilang pagpoprotekta sa malalaki, dayuhan at mapanirang kumpanya ng mina, agro-business, at enerhiya. Kung pamamarusa ang tugon ng NPA sa mga mapanirang minero at mga katulad na korporasyon, pulos pabor at insentibo sa buwis naman ang ibinibigay ni Duterte sa mga ito.
Kaiba sa mga reaksyunaryo, nakahanda ang rebolusyonaryong gubyerno sa pamamagitan ng NPA na patawan ng parusa ang mga tulad ng SCPC na may malaking atraso sa mamamayan at singilin ang mga ito para sa kanilang krimen.
Ipinapakita ng aksyong pamamarusa ng NPA laban sa SCPC ang solidong posisyon ng rebolusyonaryong kilusan laban sa dayuhan, malakihan, at mapanirang proyekto sa mina at enerhiya. Inililinaw namin na hindi kontra ang rebolusyonaryong kilusan sa renewable energy at mga proyektong nagsusulong nito. Ang amin lamang tinutulan ay mga renewable energy projects na lumalabag sa karapatang tao, sumisira sa kabuhayan ng mamamayan, at wumawasak sa kalikasan gaya ng plantang hydro ng SCPC.
Ang pamamarusang ito ay isinagawa isang buwan bago ang selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng pagtatatag ng NPA sa darating na Marso 29 at sa gitna ng pinapakalat na fake news ng gubyernong Duterte na paubos na ang NPA sa Mindoro.
Ngayong panahon ng eleksyon, dapat magkaisa ang mga Mindoreño at lahat ng taong naninindigan para sa kalikasan at kapakanan ng bayan sa pagsusulong ng isang tunay na makabayang programa tulad ng nakasaad sa papel ng National Democratic Front of the Philippines na Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER).
Dapat ring ilantad at pigilang makakuha ng pwesto ang mga kandidatong may rekord sa pagpapapasok sa mga dayuhang kumpanyang mandarambong sa isla ng Mindoro at sa buong bansa.
Kailanman ay hindi magbibigay pag-asa sa naghihirap na Mindoreño at sambayanang Pilipino ang bulok na reaksyunaryong eleksyon. Makakamit lamang ang ninanais nating magandang bukas sa pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon na naglalayong palitan ang kasalukuyang naagnas na atrasadong sistemang panlipunan ng isang maunlad at panibagong kaayusan na nakabatay sa panlipunang hustisya at tunay na demokrasya.
Sagot sa Kahirapan: Rebolusyon, Hindi Eleksyon!
Pulang saludo sa lahat ng mandirigma at kumander ng NPA sa paparating na ika-50 anibersaryo!
Maglingkod sa sambayanan, sumapi sa New People’s Army!
Para sa mga katanungan, makipag-ugnayan sa LDGC press relations sa 09653856739 o [email protected]
Reference:
Ka Madaay Gasic
Spokesperson
Lucio De Guzman Command
New People’s Army-Mindoro
[email protected]
Public Relations: 09653856739