NTF-ELCAC, bahagi ng pinakamalaking kabiguan ng rehimeng Duterte

,

Purong kasinungalingan at rurok ng kahibangan ang pahayag ni Defense Undersecretary Cesar Yano noong Abril 14 na ang NTF-ELCAC ang “best thing that happened to the Philippines” o ang pinakamagandang bagay na nangyari sa Pilipinas. Pagbabaliktad ito sa malupit na katotohanan at garapal na pagtatangka na pagtakpan ang umaalingasaw na rekord ng pasistang anti-komunistang task force na pasimuno sa walang-habas na mga teroristang pag-atake sa mga sibilyan, paglabag sa mga batas ng digmaan at red-tagging sa lahat ng kritiko ng rehimeng Duterte.

Ang kalokohang ito ay reaksyon ng NTF-ELCAC sa serye ng pambabatikos na tinatanggap nito bunsod ng walang kapararakang red-tagging at pamamahayag ng spokesperson nitong si Lorraine Badoy, na nitong huli’y nagawa pang purihin ang berdugong si Palparan. Si Yano, na pinuno ng peace, law enforcement at development support cluster ng NTF-ELCAC, ay napilitang ipagtanggol ang task force mula sa di paborableng opinyong publiko sa task force. Kaya nga sabay ng pagdepensa sa madugong rekord ng NTF-ELCAC ay hinamak niya ang mga grupong tumututol sa red-tagging at minaliit ang kanilang reklamo. Pangitang pikon na ang mga opisyales ng NTF-ELCAC at nauubusan na ng maikakatwiran.

Walang maniniwala kay Yano sa pagmamalaki sa NTF-ELCAC kundi mga kapwa niya opisyal militar, mga pasista at panatikong anti-komunista tulad ni Badoy dahil itinatakwil at ibinabasura ng sambayanan ang NTF-ELCAC at ang paghahari ng rehimeng US-Duterte. Isinusuka ang NTF-ELCAC ng mga Pilipino dahil sa pagyurak nito sa mga demokratikong karapatan, walang pakundangang red-tagging, pagkubabaw sa mga sibilyang otoridad at pangungurakot ng bilyun-bilyong piso. Ang NTF-ELCAC ang siya ring promotor ng mga pasistang hakbang sa pagsupil sa kalayaan sa pag-iisip ng mga Pilipino. Ipinatanggal nito ang mga libro sa mga eskwelahang lumilinang sa kritikal na pag-iisip ng mga estudyante, binubusalan ang kalayaan sa pamamahayag ng mga progresibo’t kritiko, nilalason ang isip ng publiko gamit ang trolls at makinarya sa disinformation at napakarami pang ibang anti-demokratikong hakbangin. Sa tindi ng pagkakalat ng lason ng NTF-ELCAC ay naitulak ang mga dating tahimik na mamamayan na pumalag at magrehistro ng diskuntento sa rehimen.

Pinagtatakpan ni Yano ang pagkamuhi ng buong bayan sa NTF-ELCAC dahil ang malawak na disgusto sa task force ay katumbas ng pagtakwil sa kontra-rebolusyonaryong isterya na pilit isinusubo ng mga pasista sa taumbayan. Desperadong hakbang ito sa harap ng kabi-kabilang pagbatikos at panawagan ng sambayanan na buwagin na ang teroristang ahensya at papanagutin ang mga kriminal na heneral at rehimeng US-Duterte.

Karima-rimarim para sa rehimeng US-Duterte ang pagbuhos ng napakalaking pondo, oras at enerhiya sa kontra-rebolusyonaryong kampanya. Bigo ito sa layuning pigilan ang pagkilos ng bayan sa pamamagitan ng pagbabansag sa mga lehitimong pakikibaka bilang teroristang aktibidad na malisyosong idinidirehe ng CPP-NPA-NDFP. Imbes na mahiwalay ang rebolusyonaryong kilusan sa mamamayan, ang tunay na nahiwalay at higit na nalantad ang pagkademonyo ay ang rehimeng US-Duterte.

Sa pagtatapos ng termino ni Duterte, magsisilbi ang NTF-ELCAC na paalala at pananda ng pinakamalaki nitong kabiguan. Ito ay ang kabiguang durugin ang CPP-NPA-NDFP at wakasan ang paglaban ng mamamayan. ###

NTF-ELCAC, bahagi ng pinakamalaking kabiguan ng rehimeng Duterte