NTF-ELCAC ng rehimeng US-Duterte: Pabrika ng pekeng balita, kasinungalingan at dis-impormasyon
Kabi-kabilaan na ang mga tanggihan. Kanya-kanya nang mga palusot at paghuhugas ng kamay ang naglalabasan sa bibig nina General Gilbert Gapay pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at General Camilo Cascolan ng Philippine National Police (PNP) matapos tanggalin ng Facebook (FB) ang 57 FB accounts, 31 Pages at 20 Instagram accounts dahil sa pagpapakalat ng mga dis-impormasyon, pekeng balita at kasinungalingan sa kanilang social media platform. Nadiskubre ng FB na ang naturang mga pekeng accounts ay may malinaw na may kaugnayan sa AFP at PNP.
Ang iba pang mga tinanggal na FB accounts ay mula sa mga indibidwal na nakabase sa Fujian, China.
Tinanggal ng FB ang nabanggit na mga accounts dahil sa kasong “coordinated inauthentic behavior” (CIB) na paglabag sa pinatutupad nilang Community Standards (CS). Alinsunod sa CS ng FB ang CIB ay ang paggamit sa FB at Instagram para manlinlang ng tao o sa mismong FB kaugnay sa totoong identidad, saan nagmula ang account at layunin nito. Nadiskubre ng FB na nagkukunwari ang mga accounts na ito na may malawak na tagatangkilik sa pamamagitan di umano ng mga pekeng daang libong tagasunod (followers). Ayon sa FB, hindi nila pahihintulutan na gamitin ang kanilang platform sa mis-representasyon, pagtatago ng tunay na identidad at paggamit ng mga pekeng accounts para lumikha ng artipisyal na popularidad at suporta sa mga mensahe na pinopost sa kanilang social media platform.
Tugon din ito ng FB sa mga pinadalang reklamo ng Rappler, mga progresibong grupo at iba pang civil society group na biktima ng mga paninira, pananakot at red-tagging na pinaniniwalaan mula sa NTF-ELCAC, AFP at PNP sa pamamagitan ng mga pekeng accounts nito sa FB, Instagram at iba pang social media platforms.
Hindi na maniniwala ang taumbayan anuman ang gawing pagtanggi at mga palusot nina General Gapay at General Cascolan na walang kinalaman ang AFP at PNP sa tinanggal na mga accounts ng FB. Ilang beses nang nailathala sa mga pahayagan ang mga ginagawang red-tagging at pahayag ng NTF-ELCAC, AFP at PNP laban sa mga aktibista, taong simbahan, mga tagapagtaguyod at tagapagtanggol sa karapatang pantao, mga progresibong grupo at maging ang mga mambabatas na kabilang sa Makabayan Bloc sa Kamara. Naglabasan sa ilang mga presinto ng pulis at kalsada ang mga tarpaulins at posters na nanininira at nagpaparatang sa mga nasabing grupo bilang mga “terorista”, kasapi at taga suporta ng CPP-NPA-NDFP. Marami na rin sa kanila ang pinaslang (extra judicial killings ejk’s) ng mga ahente ng estado matapos dumanas ng paninira, red-tagging at ipaskel ang mga pangalan at larawan sa social media at mga pampublikong lugar bilang di umano’y mga terorista at kaaway ng estado.
Subalit sa kalilipas lamang na pagdinig sa Kamara kaugnay hinihinging pondo ng National Defence, mariin ang ginawang pagtatanggol ni Secretary Delfin Lorenzana sa official social media account ng isang command ng Philippine Army na naglabas sa social media na nag-aakusa sa mga mambabatas na kabilang sa Makabayan Bloc sa mababang kapulungan ng Kongreso bilang kasapi at mataas na opisyal ng CPP-NPA-NDFP.
Mas nauna pa ang ginawa ni Usec Lorraine Marie T. Badoy ng Presidential Communications Operation Office (PCOO) sa pagdinig sa Kamara kaugnay sa hinihinging badget ng ahensya na hayagang nag-aakusa sa mga mambabatas na kabilang sa Makabayan Bloc bilang mga matataas na lider ng CPP-NPA-NDFP. Dahil dito, sa kahilingan ng Makabayan Bloc, pansamantalang itinigil ng budget commitee sa Kamara ang pagdinig sa hinihiling na pondo ng PCOO para sa taong 2021.
Pero ang isang napakalakas na dagok ang tumama sa ulo ng NTF-ELCAC, AFP at PNP ay ang inilabas na ulat ng Rappler ngayong Setyembre 23, 2020, na tumutukoy kay Captain Alexandre F. Cabales hepe ng Philippine Army Social Media Center bilang isa sa mga opereytor ng network of pages na tinanggal ng Facebook dahil sa “coordinated inauthentic behavior” (CIB) kung saan ang pangunahing pinuntirya ng mga pag-atake ay ang mga aktibista at mga ligal at progresibong organisasyon.
Ang ulat ng Rappler ay ibinatay sa inilabas ng The Atlantic Council’s Digital Forensic Research Lab (DFRLab) na nakabase sa Estados Unidos. Nadiskubre ng DFRLab na si Captain Alexandre F. Cabales ang siyang nakarehistrong nagmamay-ari ng Kalinaw News Website na kung saan inaako din sa publiko ng Civil-Military Operations Regiment of the Philippine Army na sa kanila nga ang naturang website. Ayon din sa ulat ng Rappler, napag-alaman ng DFRLab na si Captain Cabales ay may kaugnayan sa Facebook account ng Hands Off Our Children (HOOC) group bilang administrator ng private pages nito at isa sa mga tinanggal ng FB. Ayon sa DFRLab, habang ipinipresenta ng HOOC ang sarili bilang nagsasariling organisasyon ng mga concerned parents of radicalized youth, ang katotohanan, ayon sa DFRLab, mas malaki ang kinalaman at kaugnayan nito sa Civil Military Operations Regiment kaysa sa ipinalalabas nila sa publiko bilang isang nagsasariling organisasyon.
Kabilang din sa ulat ng DFRLab bilang mga administrador o opereytor ng mga pekeng accounts ay sina Bruce G. Mayam-o at Ricky Boy Castro na pinaghihinalaan nilang mga sundalo. Silang tatlo, ayon sa DFRLab, ang mga administrador ng SOCIAL MEDIA OPERATION TRAINING CL-02-18 na isa din sa mga tinanggal na account ng FB.
Pero sa kabila ng nagdudumilat na katotohanan at pagkakalantad ng kamay ng NTF-ELCAC, AFP at PNP bilang nasa likod ng pagkakabuo ng HOOC at pekeng account nito sa FB, walang kahihiyang itinatanggi pa rin ng berdugo at masugid na anti-komunistang si General Antonio Parlade, pinuno ng Southern Luzon Command (SOLCOM) at isa sa mga tagapagsalita ng NTF-ELCAC, na may kaugnayan (affiliated) sa militar ang HOOC. Hinihikayat pa niyang magsampa ng kaso ang HOOC laban sa FB dahil sa pagsasara ng kanilang pages account.
Dahil sa masugid na pagtatanggol ni General Parlade sa HOOC lalo lamang niyang pinatutunayan na ang NTF-ELCAC ang lumikha, nagpopondo at nagpapatakbo sa HOOC. Bantog ang NTF-ELCAC sa pagkakalat ng mga dis-impormasyon at siyang nangangalaga at nagpopondo ng mga anti-komunistang grupo, mga bayarang troll armies at mga vlogers na ang pangunahing trabaho ay magpakalat ng mga kasinungalingan, mag red tagged at manira ng mga personalidad at kilalang kritiko ni Duterte. Kaya naman ganon sila kamahal ng despotiko at pasistang si Rodrigo Roa Duterte para paglaanan ng 16.4 Bilyong badget para sa taong 2021 na tinagurian bilang The General’s Pork Barrel. Siguradong ang malaking bahagi ng pondong ito ay mapupunta lamang sa bulsa ng mga tiwali at paboritong opisyal militar at pulis ni Duterte bilang suhol at gantimpala sa kanilang katapatan kay Duterte. Ang iba sa pondong matitira ay gagamitin sa paghahasik ng lason at kasinungalingan sa kaisipan ng publiko.
Ayon din sa FB, ang mga tinanggal nilang account ay gumagastos ng $1,100 o katumbas na P 53,421 para lamang mag advertise ng dis-impormasyon sa platform. Hindi malayong ang mahigit sa 4 na bilyong halaga na discretionary at intelligence funds ng Office of the President ay siyang ginagamit sa pagpopondo ng mga pro-Duterte Bloggers, troll armies at iba pang makinarya ng pasistang estado sa pagpapakalat ng mga kasinungalingan at dis-impormasyon.
Kailangan patuloy na ilantad, tutulan at labanan ng taumbayan ang mga katiwalian sa loob ng pasistang rehimeng US-Duterte. Sa paggamit sa pondo ng bayan para sa panunupil sa kalayaan at demokrasya, sa pagpapakalat ng kasinungalingan at dis-impormasyon, sa paghahasik ng takot at teror, sa paninira at red-tagging ng mga lehitimong organisasyon.
Ilantad at labanan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ng pasistang rehimeng US-Duterte bilang numero unong tagahatid ng mga pekeng balita at pangunahing nagpakalat ng kasinungalingan at dis-impormasyon sa bayan. ###