NTF-ELCAC, parang asong ulol na pinakawalan ng rehimeng US-Duterte, desperadong tuluyang alisin sa ere ang ABS-CBN

Kitang-kita ang pagkapikon ni Rodrigo Duterte sa ABS-CBN. Ginagamit nya ang buong makinarya ng rehimeng US-Duterte upang ipawalang bisa ang prangkisa sa free airwave frequency na nakalaan sa kumpanyang pag-aari ng pamilya Lopez. Hindi na kayang pagtakpan, saan mang angolo tingnan na punong kapural ang pangulo sa sistematikong pagpapawalang bisa ng prangkisa nang ABS-CBN.

Dahil sa pagkadesperado ng gobyerno ni Rodrigo Duterte, maging ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay inatasan nyang gumawa ng mga kasinungalingan para birahin ang ABS-CBN. Noong Mayo 9, gumawa na naman ng “FAKE NEWS” ang ubod ng sinungaling na si National Security Adviser at Vice chairman NTF-ELCAC na si Hermogenes C. Esperon Jr. Inilabas nila sa facebook account ng NTF-ELCAC, ang mga kasinungalingan na ang may kasalanan daw sa pagkakasara ng ABS-CBN ay ang mismong kumpanya at sumasawsaw daw sa isyu ang mga komunista kaya kinakailangang mag-ingat ang mga tao. Ilang segundo lang, dagliang nag share ang PCOO na pinamumunuan ni Sec. Martin Andanar at maging sa Philippine News Agency.

Hindi na bago at mahaba na ang listahan sa paglulubid ng kasinungalingan ang NTF-ELCAC at AFP. Ngayong buwan lamang dahil sa desperasyon at para pagtakpan ang kanilang pagkatalo ay patuloy na gumagawa ng FAKE NEWS gaya ng sumusunod: pagyayabang na libo-libo na ang sumukong NPA dahil sa E-CLIP, ang katotohanan- mga inosenteng masa na tinakot at pwersahang pinasuko gaya nang mga manggagawa ng Coca-Cola para sabihing mga sumukong kasapi ng NPA, pagsasabing may naganap na labanan sa Sorsogon sa pagitan ng mga NPA at AFP kahit wala namang naging labanan, ang katotohanan – malinaw na biktima ng masaker ang 5 kawawang magsasaka; at ang ibinalita nilang inagaw daw ng mga NPA ang relief goods para sa mamamayan ng Leyte, ang katotohanan – wala sa bokabularyo ng NPA sa 51 taon ng pakikibaka nito ang kumuha ng gahiblang sinulid sa masa, at kaya naman itinanggi ng mismong mga opisyales ng bayan na walang naganap na pang-aagaw ng relief at walang labanang naganap noong araw na tinutukoy.

Ang ginawa nilang pagpapakalat ng FAKE NEWS, ay hindi isang simpleng paglalabas lamang ng kanilang paninindigan. Inilabas nila ito, para gumawa ng isang scenario na ang may kasalanan ay ABS-CBN at ang pagdidikit nila sa NPA, upang maisagawa nila ang mas matinding karahasan laban sa mga empleyado, may-ari at taga suporta ng network.

Malinaw pa sa sikat ng araw na ang gustong ipakita ni Esperon ay takutin ang may-ari ng kumpanya, mga tagasuporta at milyon-milyong manunuod o parokyano ng network sa pamamagitan ng red-tagging sa ABS-CBN dahil wala naman dapat paki-alam ang militar sa usapin. Kilala ang NTF-ELCAC sa pagiging pasista, kapag napag-initan ka nito ang kasunod na ay ang panghaharas at kalauna’y pamamaslang kagaya ng ginagawa nila sa mga aktibista at lider masa. Walang kinikilalang proseso ng batas ang mga berdugong heneral na ito ni Rodrigo Duterte, ang tanging alam nito ay mangharas at pumaslang.

May ibat-ibang tipo nang harasment na ginagawa ang NTF-ELCAC sa pamamagitan ng militar at mga kapulisan sa ABS-CBN. Pinuntahan ng 2 intelligence officer ng militar ang istasyon nito sa Davao City, nagtatanong kung sino-sino ang mga taong kinakausap doon, ilan sila at iba pa.. Ang ginagawang panghaharang sa mga crews at reporter ng ABS-CBN sa mga nakalatag na checkpoints sa Bikol at Mandaue City para mainterview ang mga biktima ng Covid-19 ay pagsikil sa karapatan sa malayang pamamahayag at karapatan sa tamang impormasyon. Kahit na mga nagpakilala at nagpakita ng ID’s ang mga crews at reporter ay hindi agad sila pinalagpas sa checkpoint dahil daw wala na silang prangkisa at yon daw ang utos sa taas.

Sino nga ba ang may kasalanan sa hindi pagkakarenew ng prangkisa ng ABS-CBN? Tama ba si Esperon at Andanar na ang “may kasalanan ay ABS-CBN” gaya ng gustong palabasin ng gobyerno ni Rodrigo Duterte? MALINAW NA FAKE NEWS AT KASINUNGALINGAN ANG LAHAT NG ITO. Alam ng milyon-milyong mamamayan na 2014 pa lang ay may ilang kongresista nang nakapag file ng bill para sa prangkisa nito, katunayan umabot na ito ng 11 panukalang batas. Pero dahil sa kawalang aksiyon ng kongreso at ni Speaker Allan Cayetano ay nanatiling nasa antas lamang ito ng committee on franchise na pinamumunuan ni Cong. France Alvarez.

Binobola lamang ng gobyerno ang taong bayan, si Rodrigo Duterte mismo ang may kagagawan sa pagkakabinbin ng prangkisa. Alam nya ang lahat ng kaganapan, sinusunod lamang ng kanyang mga alipures sa kongreso at ni Spkr. Cayetano, NTC, Sol.Gen. Calida at NTF-ELCAC ang kanyang utos na alisin na ang prangkisa ng ABS-CBN. Utos ni Duterte na ibinbin at upuan na lamang ng kongreso ang mga ipinasang panukalang batas para sa prangkisa ng ABS-CBN. Alisin ito sa prayoridad ng kongreso, kaya naman hindi na ito naka-usad sa franchise committee na pinamumunuan ni Cong. France Alvarez.

Ang pagpasa ng kongreso sa National Telecommunication Commission (NTC) para maglabas ng probisyunal na prangkisa ay pag-iwas sa responsibilidad nito na gumawa ng batas para sa prangkisa. Habang sa kabilang banda, ang inilabas naman ng NTC na Cease and Desist Order at pagbibigay lamang ng 10 days to appeal para sa ABS-CBN kahit walang due process ay malinaw na isang “prior restraint”. Bilang alter ego ni Rodrigo Duterte, pinabantayan nya kay Sol.Gen. Jose Calida ang NTC sa pamamagitan ng pananakot na sasampahan ng kasong graft & corruption.

Ang kapritso mismo ni Rodrigo Duterte na kontrolin ang media para sa kanyang tiranikong paghahari at agawin sa ABS-CBN ang kanilang prangkisa ang pangunahing dahilan sa pagbawi sa prangkisa. Nakatitiyak kami na alam nya ang ginawang sulat ni Calida na nag-uutos sa NTC na maglabas ng cease and desist order sa layunin na maipasa na nila sa kagyat ang frequency nito kay Dennis Uy at China Telecom na may-ari ng DITO Telecom.

Nagkakamali ang NTF-ELCAC at Duterte na aatras ang CPP-NPA-NDF sa pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan sa malayang pamamahayag, karapatan sa impormasyon, pagsuporta at pagtatanggol sa interes at kagalingan ng 11,017 manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa ginawa ng gobyernong alisin ang prangkisa ng ABS-CBN. Naniniwala ang RCTU-NDF-ST, na gagamitin ni Duterte ang buong lakas at makinarya ng rehimeng US-Duterte para makamit nya ang kanyang kapritso – haharangan ito ng malakas at nagkakaisang pagkilos ng mamamayang sawang-sawa na sa tiraniko, pasista, pahirap, korap, pabaya at mamamatay taong gobyerno ni Duterte.

MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!
MABUHAY ANG CPP – NPA – NDF! MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

NTF-ELCAC, parang asong ulol na pinakawalan ng rehimeng US-Duterte, desperadong tuluyang alisin sa ere ang ABS-CBN