Hinggil sa dobleng pagpapakatuta ni Duterte sa imperyalismong US at Chinese
Dobleng nagpapakatuta si Duterte sa imperyalismong US at China. Sa ngayon, tila nakikinabang sa pangangayupapa niya bawat kapangyarihan. Makikita natin kung anong krisis ang kahihinatnan ng naghaharing sistema ng Pilipinas at ng kanyang rehimen sa pag-igting ng inter-imperyalistang tunggalian sa pagitan ng US at China.
Salungat sa paminsan-minsan niyang pinalalabas na imahe, hindi naman talaga dumidistansya si Duterte sa US upang mapalapit sa China. Para sa kanyang makasariling kapakinabangan, sunud-sunuran siya sa kapwa imperyalistang kapangyarihan sa tiyak na paraan.
Duwag siyang hamunin o baguhin ang pinakadominanteng papel ng US sa buong Pilipinas. Pinanatili nya ang mga tratado, kasunduan, kaayusan na nagpahintulot sa US na maging pinakadominanteng kapangyarihan sa ekonomya, pulitika, kultura at seguridad ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema.
Alam na alam niyang kailangan niya ang suporta ng US upang manatili ang katapatan ng maka-US na upisyal ng militar at pulis. Sa katotohanan, sadyang kinuha niya ang suporta ng US sa kanyang paghahari sa pamamagitan ng patakaran ng mabangis na antikomunismo at inihayag na layuning gaipiin ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan.
Sumusunod siya at ang kanyang mga utusang pampulitika at panseguridad sa kumpas US kaugnay sa red-tagging ng mga patriyotiko at progresibong pwersa, pagparatang na terorista sa mga komunista at pagpaslang sa pinaghihinalaang rebolusyonaryo, mga aktibista at maging tagapagtanggol ng karapatang-tao.
Katunayan, ang rehimeng Duterte ay nakikipagsabwatan sa imperyalismong US sa malawakang paninindak at maramihang pamamaslang upang ipreserba ang naghaharing sistema ng malalaking kumprador, panginoong maylupa at kurap na mga opisyal na pinaghaharian ng US. Sa ilalim ng Oplan Pacific Eagle-
Philippines at sa ngalan ng anti-terorismo, tuwirang naglalagak ang US ng pondo at armas na lingid sa kaalaman ng US congressional oversight.
Habang nagpapakatuta si Duterte sa imperyalismong US dahil sa kanyang pagkaganid sa kapangyarihan at kagustuhang mailigtas sa banta ng pagpapatalsik, nagpapakatuta naman siya sa China pangunahin dahil sa kanyang kasakiman sa pakinabang at pagnanais na makuha ang opurtunidad para sa mabilis na pagkamal ng salapi mula sa matataas na interes sa pautang at mga pinatungang kontrata sa imprastraktura sa China gayundin sa pinalawak na drug smuggling at distribusyon sa pakikipagsabwatan sa kriminal na Chinese triad.
Sa parehong tipo ng pagpapakatuta, di maiwasan ng rehimeng Duterte ang kanyang makasaysayang papel bilang mamamatay at maramihang mamamaslang.
Madali lang para kay Duterte na patayin ang libu-libong mahihirap na drug suspect upang iluklok ang sarili bilang pinakamataas na protektor ng mga drug lords at maipailalim sa kontrol ng sindikatong Duterte ang lokal na bentahan ng droga. Pinatatahimik ang mahihirap na biktima at ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagpatay at banta ng mas higit na kapahamakan.
Sa malinaw na kadahilanan, mas mahirap na gamitin ang maramihang pagpatay laban sa mga organisadong aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao, pinaghihinalaang mga rebolusyonaryo mula sa intelihensya at maging mga manggagawa at aktibistang magsasaka na kasapi ng mga patriyotiko at progresibong organisasyon. Pero nagsimula na ang mga pagpatay at maari itong bumwelo. Sa gayun, dapat paigtingin ang kampanya para sa pagpapatigil ng pagpaslang ng rehimeng Duterte.
Mayroon na ngayong sistema ng malawakang paninindak at maramihang pagpaslang matatag at protektado ni Duterte at ngayo’y nagpapalitaw ng mga kriminal sa burukrasyang sibil at sa mga ahensyang panseguredad sa iba’t ibang antas. Lumalaganap ngayon ang terorismo ng estado at patungo na sa isang sukdulang pasistang diktador.
Ayon sa garapal na linya ng mga kontrarebolusyonaryo berdugo sa poder, lahat ng problema ng bansa ay hindi dahil sa dayuhang monopolyong kapitalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo kundi dahil sa mga rebolusonaryong komunista at ang paglaban ng mamamayan sa pang-aapi at pagsasamantala.
Sa lahat ng rehimen na lumitaw mula panahon ng pasistang diktadurang Marcos, ang rehimeng Duterte ang ganap na humahamak sa mamamayang Pilipino at sa kanilang rebolusyonaryong kilusan at determinadong gamitin ang walang pakundangang karahasan upang supilin sila.
Hindi na nakapagtataka na pinakamataas na pagkilala ang ibinibigay ni Duterte sa pasistang diktadurang Marcos. Bulag siya sa katotohanan na dahil mismo sa pasistang diktadurang Marcos at sa magkakasunod na estratehikong planong pang-operasyon na dinisenyo ng US na ipinapatupad ng kanilang mga tutang Pilipino, walang ibang mapamilian ang mga patriyotiko at progresibong mamamayan kundi ang tahakin ang daan ng armadong rebolusyon.
Habang nasa kapangyarihan, malaki ang panganib kay Duterte na mayanig at magapi ng sarili niyang pag-abuso sa kapangyarihang pampulitika tulad ng dinanas ni Marcos o sa idudulot na krisis at mapaminsalang resulta ng tumitinding kontradiksyon sa pagitan ng US at China sa mga usapin sa ekonomya, kalakalan, pinansya, at seguridad. ###