On the Reciprocal and Unilateral Ceasefire between GRP and NDFP
Ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog ay lubos na nakikiisa at sumusuporta sa magkatugong pagdedeklara ng tigil putukan sa pagitan ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP/NPA) at ng Government of the Republic of the Philippines (GRP). Ang pagdedeklara ng Komite Sentral ng CPP ng tigil putukan ay alinsunod sa rekomendasyon ng Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines na magpatupad ng reciprocal and unilateral ceasefire (RUCF) upang lumikha ng magandang klima paborable sa pagdaraos ng mga impormal na pag-uusap at bilang paghahanda sa pagdaraos ng pormal na pulong sa pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan.
Iniutos ng sentral na pamunuan ng CPP sa lahat ng mga komand at yunit ng NPA at ng mga yunit ng milisyang bayan na ipatupad ang atas ng tigil putukan sa buong bansa mula 00:00H 23 ng Disyembre 2019 hanggang 23:59H ng 7 Enero 2020. Kaalinsabay nito, naglinaw din ang CPP na magkakabisa lamang ang sariling unilateral ceasefire sa oras na maglabas ng katugong utos ng tigil putukan ang GRP sa anyo ng Suspension of Military Operations (SOMO) ng AFP at Suspension of Police Operations (SOPO) ng PNP.
Inilabas ng CPP ang kanyang kautusan nuong Disyembre 22, 2019 ng umaga at noong gabi naman ang kautusan ni Duterte. Umaga naman ng Disyembre 23, 2019 ibinalita na naglabas ng magkasunod na order ng SOMO ang AFP at SOPO ng PNP subalit walang nailalathala ng mismong kautusan sa mayor na mga dyaryo at website ng AFP at PNP bilang pruweba sa pagtalima ng mga ito sa kautusan ni Duterte.
Bilang pagpapakita ng sinseridad at pagtugon sa kautusan ng sentral na pamunuan ng CPP, ang pamunuan ng CPP sa rehiyon ng Timog Katagalugan sa pamamagitan ng Melitor Glor Command ng NPA sa rehiyon ay naglabas ng atas sa lahat ng mga komand at yunit ng NPA na istriktong ipatupad ang kautusan ng tigil putukan. Sa panahon ng tigil putukan, ang lahat ng mga komand at yunit ng NPA at milisyang bayan ay dapat ihinto at isuspinde ang mga opensibang militar laban sa mga armadong yunit at tauhan ng AFP at PNP at iba pang grupong paramilitar na nakapailalim sa AFP.
Samantala, ipapatupad ang depensibang moda kapwa sa taktikal at estratehikong lebel. Panatilihin sa anumang panahon ang mataas na alerto at militansya laban sa patraydor na pag-atake ng kaaway at iba pang pagkilos na labag sa kasunduan ng tigil putukan. Tinagubilinan na magpapatupad lamang ng aktibong depensya kapag nahaharap sa malinaw at napipintong panganib at sa aktwal na armadong pag-atake ng mga kalabang pwersa.
Sa nasabing atas ng CPP, tinagubilinan din ang lahat ng mga sangay at komite ng Partido, mga yunit ng NPA, milisyang bayan at maging mga rebolusyonaryong organisasyong masa na mahigpit na i-monitor ang mga galaw at aksyon ng mga armadong yunit at tauhan ng GRP na taliwas at labag sa kasunduang reciprocal and unilateral ceasefire. Ang mga impormasyon na makakalap ay dapat i-ulat sa mga kinaukulang mga komand ng NPA at liderato ng Partido.
Sa harap ito ng mga pumapasok na mga nakababahalang ulat mula sa mga kumander at yunit ng NPA na nagpapatuloy ang mga focused military operations ng AFP at PNP sa mga larangang gerilya sa kabila ng kanilang kautusang SOMO at SOPO—isang malinaw na paglabag sa RUCF.
Sa Palawan, naglulunsad ng operasyong militar ang dalawang kolum ng 18th Special Forces Company ng Philippine Army sa ilalim ng SOCOM sa So. Bayabas, Brgy. Quenlugan, Quezon simula pa kahapon, Disyembre 23. Nagpapatuloy din ang isinasagawang operasyong militar ng laking platung pwersa ng 85th IBPA sa Brgy. Villa Nacaub at ng isang iskwad nito sa Brgy. San Francisco B, kapwa sa Lopez, Quezon.
Patuloy na inaalam pa sa ibang mga larangang gerilya ng NPA ang katulad na mga probokasyong militar ng AFP at PNP.
Pinabubulaanan nito ang mga malisyosong pag-iingay at pagkakalat ng mga balita at kasinungalingan ng mga mananabotahe at peace spoilers upang hadlangan ang posibilidad na muling maipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. ###