₱35 dagdag sahod sa MIMAROPA, limos at pangungutya para sa mga manggagawa!
Isang malaking insulto para sa mga manggagawa sa lalawigan ng Palawan ang ipinagmamalaking P35 dagdag-sahod na ipinag-utos ng National Wages and Productivity Commission ng Department of Labor and Employment nitong Mayo 20. Mistulang pangungutya ito sa mahirap na sitwasyon ng pamumuhay ng mga manggagawa at maralita sa probinsya at buong rehiyon ng MIMAROPA. Kung sabagay, halos ginawa na ngang pulubi ng rehimen ang sektor,ng paggawa sa buong bansa sa ilang taong pagkikibit-balikat nito sa malakas na panawaganang itaas ang sahod ng mga manggagawa. Ito ay sa kabila ng pananalasa ng pandemyang COVID-19 sa buong bansa na nagdulot ng ibayong pagbulusok ng kabuhayan ng mamamayan, laluna ng uring anakpawis.
Mula 2019, nananawagan na ng dagdag na sahod ang mga manggagawa sa rehiyon. Ngunit kakarampot na at baryang-barya lamang ang pumapatak para madagdagan ang dating P294 sahod ng mga manggagawa sa mga establisimyentong mas mababa sa 10-katao ang manggagawa, at ang dating P320 sahod sa mga establisimyentong may 10 pataas na manggagawa. Sa taas ng presyo ng bilihin sa lalawigan, kulang pa ang P35 na pambili ng pinakamurang bigas sa palengke.
Kung ikukumpara sa P537 minimum na sahod sa NCR at P400 na pinakamataas na minimum na sahod sa CALABARZON, di hamak na napakalayo ng minimum na sahod ng mga manggagawa sa MIMAROPA gayong halos hindi naglalayo at mas mahal pa nga ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa Palawan kaysa sa ibang probinsya sa rehiyon at sa NCR. Tulad na lamang ng presyo ng produktong petrolyo na mas mahal ng P5-10 kada litro kumpara sa presyo sa NCR at maging sa ibang probinsya sa MIMAROPA. Kaya naman para sa mga manggagawang Palaweño, hindi katanggap-tanggap ang napakaliit na dagdag sahod na inilimos ng rehimeng Duterte sa kanila.
Katulad ng manggagawa sa buong bansa, nananatiling mailap sa mga manggagawang Palaweño ang pagtataas ng sahod tungong P750 sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa buong panahon ng kanyang panunungkulan, tatlong beses lamang nagbigay ang rehimen ng umento sa sahod sa rehiyon: noong Nobyembre 2017 na P15-47, Oktubre 2018 na P20-23 at ngayong Mayo 2022 na P35. Kung pagsasama-samahin, wala pang P100 ang idinagdag sa sahod sa buong anim na taong pag-upo ni Duterte sa estado poder. Baryang-barya lamang ito kumpara sa bilyun-bilyong pisong kinakamal ng mga kumpanya ng langis at halagang nilulustay ng pasistang rehimen sa madugong gera nito laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Hindi pa kasama rito ang bilyong kinurakot ni Duterte at ng kanyang mga alipures.
Talagang wala nang aasahan pa ang mamamayang Palaweño sa rehimeng Duterte na numero-unong korap, inutil at pasista. Tatapusin niya ang kanyang termino sa Hunyo nang labis na hikahos ang mamamayan at bagsak ang kabuhayan ng mamamayan at buong bansa. Dapat patuloy na magpunyagi ang mamamayang Palaweño sa paggigiit ng kanilang mga interes at kahilingan. Hindi matatapos ang pakikibaka para sa pambansa-demokratikong adhikain ng mamamayan kabilang ang nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa. Kaisa ng mamamayang Palaweño ang buong rebolusyonaryong kilusan sa isla sa labang ito at hindi tayo titigil hangga’t hindi tayo nagwawagi.###