Paalingawngawin ang panawagan nina Jomar at Marlon: DUTERTE, IBAGSAK!
Read in: English
Ipagpalagay ang isang mundong nakalukob ang kadiliman, kung saan ang lahat ng espasyo ay kontrolado at walang ibang kulay na maaaring umiral. Maaaring lahat ay makinis ngunit patay at pare-pareho lamang ang mga hugis. Ang malikhaing pamamahayag ay limitado. Ang pinta, tinta at papel ay monopolisado ng naghaharing-uri at ng estadong nagsisilbi sa kanila. Sinumang gumamit nito para sa ibang layunin ay inaalipusta. Sinumang magpahintulot na pumasok ang katiting na anino ng liwanag o bahid ng kulay na lumitaw ay lalamunin ng kadiliman.
Ito ang mundong ginagalawan ng mamamayang Pilipino sa kasalukuyan. At ang sistema sa mundong ito ang pumaslang kina Jomar Palero at Marlon Naperi, mga aktibistang mula sa Guinobatan, Albay.
Walang espasyo para sa kultura at sining ng mamamayan sa isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Hindi sina Jomar at Marlon ang mga unang biktima nito. Sa porma man ng isang graffiti, nobela, tula, larawan o mural – lahat ng artistang gumagamit ng kanilang talento upang tunay na maisalarawan ang pakikibaka ng mamamayan para sa katarungan, kalayaan at demokrasya ay inaapi, tinutugis at sinasakdal ng pasistang estado. Lahat ng artistang nangangahas na tumahak sa daang kontra-agos ng kanilang henerasyon ay binansagang erehe, mangkukulam, gerilya, terorista, kaaway, sinungaling at maraming iba pa. Mayroong ibang pinutulan ng dila. Mayroon ding mga sinunog nang buhay. Mayroong mga dinistyero. Mayroong mga humarap sa firing squad. Bagamat sa ibang porma, hanggang ngayon, sila ay pinapaslang at sinasakdal.
Sa Bikol, mayroong halos limang kagawad ng midya na pinaslang mula 2016. Marami pa sa kanila ang mayroong banta sa buhay dahil sa patuloy na presensya at pagmamanman ng militar at pulis. Ni-red tag at hindi rin ligtas mula sa panghaharas at mga banta mula sa mga ahente ng estado ang mga kasapi ng malilikhain at grupong pangkulturang naglalabas ng progresibong sining.
Ngunit ang ganito ring tipo ng lipunan ang higit na nagluluwal ng marami pang Jomar at Marlon. Sa bawat likhang sining na hindi natapos, mayroong isang artistang babangon para tapusin ito. Para sa bawat sigaw, tumitindig ang daan-daang libong iba upang tanggapin ang hamon at ipaglaban ang katarungan. Sa pinakamasisidhing krisis at yugto ng kasaysayan, humahalaw ng inspirasyon ang mamamayan mula sa kanilang pagngangalit upang makagawa ng magagandang obra. Sa gayon, naisasalarawan ng sining ang kwento ng mamamayan. Ito ay nagiging epektibong instrumento para ipakita ang tunay na estado ng bayan. Ang sining ay nariyan upang pagkakaisahin ang mamamayan. Tunay na hindi mapipigilan ng pagsasakdal at pang-aapi ang mamamayan.
Ang pinakamagagaling na artista ay kinikilala, hindi lamang dahil sa perpektong sukat at pagkamalikhain ng kanilang mga gawa o kung gaano kaganda ang pagkakalubid ng kanilang mga salita, kung hindi higit sa lahat sa kung paano ipinakita ng kanilang mga likha ang kultura at pakikibaka ng mamamayan. Sina Jomar at Marlon ay tanda na ang pinakamakahulugan at makabuluhang likhang sining ay yaong nagmumula sa puso ng masa.
Tungkulin ng bawat artista ng bayan na labanan ang kadiliman at punuin ang bawat sulok ng lipunan ng pinakamagaganda at pinakamakukulay na likhang sining na sumasalamin sa mga lehitimong kahingian ng masang inaapi’t pinagsasamantalahan. Hayaang pukawin ng bawat hagod ng pintura ang sentimyento ng mamamayan. Hayaan ang bawat larawang magsumigaw sinlakas ng hiyaw ng mamamayan para sa katarungan hanggang sa mabuhay ang mga ito mula kanayunan hanggang kalunsuran. Paunti-unti, mapapawi ang kadiliman. Sama-sama, mabubuo ng mga artista, ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan at iba pang aping sektor ng lipunan ang isang lipunang hindi na magkakait sa kanila ng mga pinta, tinta at papel. Sama-sama, mabubuo nila ang isang lipunang tunay na malaya.
Ang mundo ay ang kanbas, at ngayon, ang lahat ay mga artista. Pulutin ang bawat lata, pinsel, pluma at baril na naiwan ng mga artista, aktibista at Pulang mandirigmang bumagsak. Ipagpatuloy ang graffiti nina Jomar at Marlon. Higitan pa ang panawagang Duterte, Ibagsak! at tumugon sa lalong mataas na panawagang mag-armas. At kapag nagawa ito, hawakan nang mahigpit ang riple. Ipagtanggol ang sarili, ipagtanggol ang mamamayan. Tanging sa ganitong pamamaraan maisusulong at mapagtatagumpayan ng mamamayan ang laban para sa katarungan, kapayapaan at demokrasya. #