Pabagsakin ang pasistang rehimeng US-Duterte! Manindigan para sa karapatang-tao!
December 11, 2019
Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang-Tao ngayong Disyembre 10, kaisa ng masang Bikolano ang buong rebolusyonaryong kilusan sa panawagan para sa hustisya at sa pagpapanagot sa numero unong mamamatay-tao at tagasalaula ng karapatang-tao – ang rehimeng US-Duterte. Walang kasingtindi ang brutalidad at karahasan ng rehimeng US-Duterte. Pangunahing target nito ang mga sibilyan laluna ang masang magsasaka. Tahasang sinusupil ang paglaban ng mamamayan para sa kanilang mga lehitimo at demokratikong kahingian. Inuudyukan at ibayo pang itinutulak ng mga lokal na naghaharing-uri at imperyalista ang paghigpit ng paghaharing militar upang mabilis na maisagad ang pagpapatupad ng mga kontramamamayang patakarang neoliberal.
Sa atas ni Duterte, ipinailalim ang buong bansa sa Batas Militar – kapwa de facto at deklarado. Sa loob ng kanyang lampas tatlong taon sa termino, dahan-dahan niyang pinunan ng mga militar at pulis ang matataas at kritikal na pusisyon sa 46 ahensya ng gubyerno. Sa ngayon, umaabot na sa 73 militar at pulis ang nakaupo sa mga susing pusisyon sa gubyernong Duterte – pinakamalaki mula pa noong panahon ng diktaduryang Marcos. Magtatatlong taon nang nakalukob sa buong Mindanao ang Batas Militar. Milyun-milyong masa ang biktima ng kaliwa’t kanang abusong militar, malawakang pagpapabakwit, pagkaantala ng pang-araw-araw na aktibidad at pagkawasak ng mga kabuhayan. Sa bisa naman ng MO 32, pinagharian ng militar ang Kabikulan, Negros at Samar. Gayundin, sa lahat ng panig ng bansa nananalasa ang militaristang atas na EO 70. Mula nang ipatupad ito, ang lahat ng rekurso at ahensya ng gubyerno, maging ang mga non-government organizations ay sapilitang pinalalahok sa kampanyang kontrainsurhensya. Nanaig ang kapangyarihang militar sa lahat ng antas ng gubyerno.
Malawakang patayan din ang pinakawalan ni Duterte sa tabing ng kanyang gera kontra-droga. Higit 30,000 pamamaslang na ang naitala mula nang simulan ang Oplan Tokhang. Sa pagkukumahog niyang gapiin sa pinakamaagang panahon ang lahat ng tipo ng paglaban ng mamamayan, ginamit niya ang estilong-Tokhang sa pagtarget sa mga aktibista at progresibong organisasyon. Sa Negros, makailang ulit nagsagawa ng Oplan Sauron-Synchronized Enhanced Management Police Operations (SEMPO), kung saan ilang daang aktibista ang iligal na inaresto, tinortyur at pinaslang.
Linalason din ni Duterte ang madla ng kanyang atrasado at pasistang ideolohiya at kultura ng karahasan. Araw-araw binabaha ang midya ng kanyang mga pahayag na pulos peke, sumasalaula sa karapatang-tao, bumabastos sa kababaihan, walang pagrespeto sa relihiyon at kontra-maralita. Pilit niyang isinusubo sa masa na ang kanyang pasismo at bulok na paninindigan ay ‘para sa taumbayan’. Makailang ulit nang nalantad sa publiko ang sala-salabat na eskandalong kinasasangkutan ni Duterte. Nariyan ang pagkalantad niya bilang drug overlord sa kabila ng kanyang mga pahayag na siya ay ‘kontra-droga’. Magkakasunod na eskandalo ang yumanig sa kanyang rehimen: pagbuhay sa pork barrel funds, korupsyon sa Southeast Asian (SEA) Games, anomalya sa pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA), ninja cops, tangkang pagpatay sa mga karibal sa pulitika at iba pa.
Ang lahat ng pasistang bigwas na ito ay ramdam sa Kabikulan. Pilit na kinukubabawan ng militar ang mga lokal na paggugubyerno at ang daloy ng impormasyon upang ilihis ang masa mula sa tunay na estado ng karapatang-tao sa rehiyon at bansa. Kasabay nito ang lantarang paggamit ng karahasan upang supilin ang mamamayang naninindigan para sa karapatang-tao. Halos walang midya ang naglalakas-loob magbalita ng umaabot sa 100 pamamaslang sa rehiyon mula nang maupo sa pwesto si Duterte. Sa halip na ibalita ang sunud-sunod na kaso ng paglabag sa karapatang-tao, nagmimistulang tagapagsalita ng militar ang ilang mga istasyon ng radyo, pahayagan at iba pang daluyan sa pagpapabaha ng mga pekeng paghahambog at pagpapabango ng AFP-PNP-CAFGU. Ang mga balita ng masaker tulad ng naganap sa Catanduanes, eskandalo ng isang militar na ipinarada bilang nahuling NPA, pambubomba sa Camarines Sur ay mabilis na pinatatahimik at nawawala sa ere. Mayroon man, kalakhan sa kanila ay nakatatanggap ng pambabanta sa buhay o kaya ay pinararatangang mayroong kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan. Ang sinumang manindigan para sa katotohanan at patas na pagbabalita ay itinutumbas kaagad sa pagiging komunista.
Samantala, ang mga LGU naman ay sapilitang pinaglalabas ng mga deklarasyong persona non grata laban sa rebolusyonaryong kilusan, pinalalahok sa mapanlinlang na Retooled Community Support Program (RCSP) at pinupwersang gumawa ng mga samu’t saring dokumentong tulad ng certificate of non-residency upang mabilis na makahakot ang militar ng mga sibilyang palalabasin nilang sumukong NPA.
Ngayong Pandaigdigang Araw ng Karapatang-Tao, nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng masang Bikolano – magsasaka, manggagawa, estudyante’t propesyunal na mangahas manindigan para sa kanilang karapatan at sa karapatan ng kanilang kapwa. Ang pananahimik sa panahon ng walang humpay na pang-aatake sa karapatang-tao ay isang krimen. Kung ang lahat ay pipikit na lamang sa harap ng inhustisya, sino ang magtatanggol sa interes ng nakararami? Kung ang lahat ay mabubusalan ang bibig, sino ang aalala sa lahat ng buhay na winaldas ng pasistang rehimeng US-Duterte? Anong lipunan ang aabutan ng susunod na henerasyon – isang lipunang walang tunay na demokrasya at ang paglaban para sa karapatan ay isang krimen?
Mistula mang makapangyarihan ang pasistang rehimen, walang hihigit pa sa nagkakaisang lakas ng sambayanan. Ngayon higit kailanman marapat dumaluyong ang pinagkaisang lakas ng masang anakpawis, progresibo at demokratikong pwersa upang itaguyod ang karapatang-tao laban sa mga mapang-api at mapagsamantala. Dapat nang pabagsakin ang pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte at isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba upang wakasan ang kawalang katarungan, kawalang kalayaan, kawalang kasaganaan at kawalang kaunlaran sa bansa.
Manindigan para sa karapatan, manindigan para sa sambayanan!
Pabagsakin ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Pabagsakin ang pasistang rehimeng US-Duterte! Manindigan para sa karapatang-tao!