Pag-asa ng bayan, Kabataan! Lakas, talas at kapangahasan, gawing makabuluhan, baguhin ang lipunan!
Read in: English
Ngayong buwan ng Pambansang Araw ng Kabataan, taas-kamaong nagpupugay ang Kabataang Makabayan – KM Bikol sa lahat ng kabataang Pilipino nangangahas lumaban at naninindigan para sa kapakanan ng sambayanan. Sa kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino, malaki ang ambag ng kabataan sa pagsusulong ng pagbabago at pagtatagumpay ng mga rebolusyon.
Mula sa panahon ng kolonyalistang Espanyol, pananakop ng hapon at ng imperyalistang US, ipinamalas ng mga kabataan ang kanilang tapang sa pagtatanggol laban sa mga naghaharing uri. Nang muling itayo ang Partido Komunista ng Pilipinas, nanguna ang mga kabataang kadre sa pagwawasto ng mga naging kahinaan ng lumang Partido at sa pagwawaksi ng burges na kaisipan upang ibayong isulong ang rebolusyong Pilipino. Sa pagbubuklod ng kanilang lakas sa lahat ng iba pang uring inaapi at pinagsasamantalahan, lumakas ang pwersa ng rebolusyon.
Nasa katangian ng kabataan ang pagiging mapangahas at matapang. Nariyan sa kanila ang talas at lakas. Sila ang tagapagtaguyod ng mga bagong ideya, kontra-agos at kritikal na mga pagsusuri. Ngayon, ang hamon sa bagong henerasyon ay balikan ang kasaysayan at ipagpatuloy nang buong giting ang mga ipinundar ng mga naunang salinlahi. Ang pagsusulong at pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon ang tanging wawasak sa tanikala ng kahirapan at kamangmangang pinananatili ng imperyalismong US, burukrata kapitalismo at pyudalismo. Hindi na dapat hayaan pang manahin ng mga susunod na henerasyon ang matinding krisis at kahirapan dulot ng pang-aapi’t pagsasamantala ng mga naghaharing uri.
Kabataan, tanganan ang armas, sumampa na sa Bagong Hukbong Bayan. Kilalanin ang dakilang papel sa lipunan at lumahok sa armadong pakikibaka ng mamamayan.
Kabataan, isulong ang digmang bayan!
Lumahok sa Armadong Pakikibaka!