Pag-ibayuhin ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya


Isang malaking kataksilan sa soberanya at kalayaan ng Pilipinas ang pagpasok ng rehimeng Duterte sa mga tagibang na kasunduan sa gubyernong Tsina. Sa pagpasok sa mga di pantay na kasunduan sa Tsina, walang pakundangang inilagay ni Duterte ang kapalaran ng bansa sa dayuhang kapangyarihan na naglalayong dominahin ang buong rehiyong Asya sa larangan ng ekonomiya at militar. Singkahulugan na isinuko nito ang karapatan ng Pilipinas na angkinin ang mga isla sa Spratly na nauna nang naipanalo ng Pilipinas sa internasyunal na korte ng The United Nations Permanent Court of Arbitration in The Hague.

Inilagay ni Duterte ang ekonomiya ng bansa sa balag ng alanganin. Hindi kaunlaran ang hatid ng mga kasunduang inialok ni Xi Jin Ping ng Tsina sa bansa kundi ibayong kahirapan at higit na pagkabaon sa pandaigdigang pagkakautang. Matagal nang baon ang bansa sa lumolobong pagkakautang sa IMF-World Bank na dominado ng imperyalismong US; JICA ng Hapon, bukod pa sa malalaking pagkakautang sa iba pang mga imperyalista at kapitalistang bansa sa Europa, Canada at Australia. Higit na mas mataas ang interes (3%) ang ipinataw ng Tsina kumpara sa 1.2% at 2.5% ng ibang pandaigdigang institusyon sa pagpapautang. Babayaran ito sa balangkas ng mga short at long term na kasunduan subalit sa kaibuturan, mamamayan lamang ang magpapasan nito. Ang malaking bulto ng buwis ng mamamayang Pilipino ay ginagawang pambayad utang lamang sa nilulumot na pagkakautang sa mga dayuhan. Imbes na gamitin sa pagpapaunlad ng ekonomya at pagbibigay ng tamang serbisyong sosyal ang napakataas na buwis na ibinabayad ng mamamayan sa reaksyunaryong gubyerno, malaking porsyento nito ay nagiging pambayad sa dayuhang utang, gastos sa militar at ang iba’y sa kamay at bulsa ng mga bulok, tiwali at kurap na upisyal ng reaksyunaryong gubyerno napupunta.

Tulad ng Build, Build, Build, kung saan ang mga proyektong pang-imprastraktura ay popondohan pangunahin ng Tsina, paimbabaw ang kaunlarang dulot nito at pakikinabangan lamang ng Tsina at mga lokal na burukrata kapitalista at mga burgesya komprador na makakasosyo ng mga negosyanteng Tsino. Habang nagpapakasasa sa yaman at rekurso ang mga naghaharing-uri, pagsasamantalahan nila ang lakas-paggawa ng mamamayan at aagawan ng lupain ang mga magsasaka sa kanayunan at maralita sa komunidad upang bigyang daan ang mga itatayong imprastraktura. Sa 29 na kasunduang nilagdaan ng Pilipinas sa mga pautang sa Tsina, kabilang na rin ang Joint Exploration sa West Philippine Sea, mistulang ipinagkaloob na ni Duterte ang Pilipinas sa Tsina.

Sa pagpasok ng Pilipinas sa Tsina sa isang kasunduan para sa Joint Exploration sa West Philippine Sea, pinahintulutan nito ang panghihimasok ng Tsina sa teritoryo ng Pilipinas. Batid ng Tsina na estratehiko ang halaga ng posisyon ng Pilipinas sa pandaigdigang pagpapalawak ng imperyalistang kapangyarihan sa rehiyong Asya partikular sa South China Sea. Kung kaya’t gayun na lamang ang kagustuhan ni Xi at ng mga naghaharing burges sa Tsina na maging mayor na imperyalistang kapangyarihang nagdodomina sa Pilipinas. Mahalaga ito upang epektibo nitong malabanan ang imperyalismong US bilang kanyang pangunahing imperyalistang karibal sa agawan sa kapangyarihan sa Asya Pasipiko at sa buong mundo.

Ang maluwag na pagbibigay ng ayudang pinansyal, material, mga kagamitang militar at malakihang pagpapautang ng Tsina sa rehimeng US-Duterte ay naglalayong ibulid sa matinding pagkakabaon ng Pilipinas sa utang at sa hinaharap ay makontrol at maipailalim ang Pilipinas sa dikta ng sumusulpot na bagong imperyalistang Tsina. Kung gayon, nararapat na tutulan at labanan ng mamamayang Pilipino ang mga proyekto at kasunduang pinasok ng taksil na si Duterte. Hindi papayag ang sambayanan na muling kubabawan ng dagdag na dayuhang kapangyarihan, bagkus, patuloy na lalaban para sa pambansang pagpapalaya at kasarinlan. Nararapat na samantalahin ng sambayanang Pilipino ang matinding banggaan ng imperyalismong US laban sa Tsina upang ibayong isulong at palakasin ang pambansa-demokratikong rebolusyon. ###

Pag-ibayuhin ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya