Pag-uutos ng higit pang pinatinding operasyong pulis sa Masbate, pag-amin ng kabiguan ng PNP at rehimeng US-Duterte na wakasan ang rebolusyonaryong kilusan
Read in: English
Abot-langit ang panggagalaiti ng rehimeng US-Duterte sa Masbate. Simula’t sapul, isa na ito sa mga tinutukan ng hambalos ng kanyang pasismo at terorismo. Ang pinakabagong atas ni PNP Chief Guillermo Eleazar na paigtingin pa ang mga operasyong pulis sa naturang prubinsya ay isa lamang sa napakarami nang atas na nagbibigay-basbas sa panghahalihaw at panliligalig sa masang Masbatenyo. Napilitan silang ipag-utos ang naturan kahit na katumbas ito ng pag-amin ng kanilang kabiguan dahil sa kabila ng pinakamararahas nilang operasyon, pinakamaiingay na pagyayabang ng mga pekeng engkwentro at paninira sa rebolusyonaryong kilusan, walang patlang na pagpaparada ng mga pekeng napasuko – kahit nang idamay na nila pati ang mga bata, bigo pa rin silang apulahin ang naglalagablab na paglaban ng mamamayan.
Isang patunay nito na sa kabila ng kaliwa’t kanang operasyong militar at pulis, kabilang na ang pagdumog ng higit sa 1,400 elemento ng pinagkumbinang pulis, militar at CAFGU sa Timog Masbate, walang ni isang depensibang labanan ang anumang yunit ng Jose Rapsing Command BHB-Masbate ngayong taon. Anupa’t alam nilang dahil ito sa mainit na pagyakap ng mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan at tunguhin.
Ngunit huli na ang PNP. Hindi na nila maaalis ang rebolusyon sa puso ng bawat Masbatenyo – sa puso ng bawat inaapi at pinagsasamantalahan saanmang sulok ng bansa. Matagal nang nakaugat at pinayabong ng ilang salinlahi ng mamamayang Pilipino ang makatwirang digma ng mamamayan. Marami nang mga pagsubok at salimuot na pinagdaanan at linampasan ang pagbibigkis ng masa at ng kanilang Pulang hukbo. Marami na ring mga nagdaang PNP Chief at punong pasista ang naghangad na wasakin ang pagkakaisang ito. Hindi ito kayang yanigin ni hadlangan ng mga papet na pasistang gaya ni Duterte at kanyang mga berdugong alagad tulad ni Eleazar.
Hindi sikreto kung paano nananatiling matatag at lalo pang lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan at ang BHB. Sila ay mula sa lahat ng magsasaka, manggagawa, kabataan, kababaihan, pambansang minorya, propesyunal at iba pang sektor ng mga inaapi’t pinagsasamantalahan. Sila yaong pinakamahuhusay at pinakatapat na mga anak ng bayan na labis na nagmamahal sa kagalingan ng nakararami, sa tunay na kasarinlan, katarungan at kapayapaan. Sila yaong hindi na makapapayag na magpaalipin o na maranasan pa ng mga susunod na henerasyon ang sagad-sa-butong kahirapan. At dahil sila ay mula sa masa, sila rin ay para sa masa. Sa lahat ng oras, nasa puso at isip ng bawat Pulang mandirigma at kumander ang kapakanan at interes ng mamamayan. Wala mang sweldo, hindi tulad ng mga pulis at militar na binubuhusan ng nakalulunod na pondo sa pasismo at korupsyon, walang kapagurang pinagsisilbihan ng mga kasama ang masa sa lahat nang paraang maaari – sa larangan man ng edukasyon, kalusugan, pagkamit ng hustisya, produksyon. Paano ito matatawaran ng mga pulis na walang ibang alam gawin kundi pumatay – kahit sa panahon ng pandemya?
Sa huli, panata ng bawat mandirigma at kumander ng BHB na mapagpasyang harapin ang lahat ng pang-aatake ng mersenaryong hukbo, ipagtanggol ang mamamayan mula sa terorismo ng estado at hawanin ang landas para sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at pagtatayo ng panibagong sistemang tunay nang magsisilbi at magpapalaya sa masang matagal nang nakakadena sa pang-aapi at pagsasamantala.