Pagbabago sa mga probisyong pang-ekonomya lang, hindi nakababawas sa kasamaan ng chacha
Read in: English
Hindi nababawasan ang kasamaan ng “chacha” kahit pa sabihin ng mga pinuno sa Mababang Kapulungan na mga prubisyon sa ekonomya lang ang kanilang babaguhin sa konstitusyong 1987.
Ang planong idambana sa konstitusyon ng Pilipinas ang pang-ekonomyang liberalisasyon, sa katunayan, ay mas mapaminsala sa pangmatagalan, kaysa sa tinutuligsang pag-amyenda sa mga prubisyong pampulitika para palawigin ang tiraniya ni Duterte at ang termino ng mga pulitiko, gayundin para patayin ang sistemang party-list.
Ang deklaradong layuning pagbibigay sa mga kapitalistang dayuhan ng karapatang buong pagmay-ariin ang lupa, natural na yaman at mga negosyo ay, sa katunayan, katumbas ng buu-buong pagkubabaw sa ekonomya. Nagtatraydor si House Speaker Velasco at kanyang mga kasapakat sa pagsusulong ng buu-buong kolonisasyon sa Pilipinas ng mga multinasyunal na korporasyon, sa pakikipagsabwatan sa mga lokal na kumpanya ng mga malalaking burgesyang kumprador.
Walang batayan ang mga nagsasabing ang ganap liberalisasyon ng ekonomya ay magpapaunlad sa ekonomya. Ang opensiba sa liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan simula dekada 1990 ay nagpahina lamang sa lokal na ekonomya, pinalaki ang depisito sa kalakalan at higit na itinali ang bansa sa pangungutang.
Sa loob ng 75 taon, ang ekonomya ng Pilipinas ay kinubabawan ng mga multinasyunal na korporasyon na kumakamal ng superganansya sa pandarambong at pagsasamantala sa rekursong natural at mamamayan ng bansa. Ang naghaharing uring malaking burgesyang kumprador sa Pilipinas—ang mga Cojuangco, Ayala, Zobel, Pangilinan, Sy, Villar at iba pa—ay nagsisilbing mga lokal na ahente ng dayuhang kapital at kumokontrol sa estado ng Pilipinas.
Batayang patakaran ng sunud-sunod na mga burukrata-kapitalistang gubyerno, na nagsisilbing ahente ng malalaking burgesyang kumprador, ang pag-akit sa mas maraming dayuhang pamumuhunan sa pamamagitan ng liberalisasyon. Bigo silang lahat na patindigin sa sariling paa ang lokal na ekonomya. Walang idinulot ang liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, gayundin ang pagbibigay ng insentibo sa dayuhang kapital, kundi ang pagpatay sa mga lokal na industriya at paglulugmok sa mga prodyuser sa agrikultura.
Bigo ang mga mamumuhunang dayuhan na itaas ang kapasidad ng ekonomya ng Pilipinas na hanggang ngayo’y hindi makalikha ng kahit pinakabatayang pangangailangan sa produksyon at konsumo. Sinampal tayo ng katotohanang ito sa panahon ng pandemyang Covid-19 na naglantad sa kawalan ng kakayahan ng bansa na lumikha ng hilaw na materyales para sa pagmamanupaktura ng personal protective equipment at face mask, laluna ang mga ventilator o higit na importante, ang mga testing kit at bakuna. Maging ang pinakamaliit na karayom ay kailangang pang iangkat.
Nagresulta lamang ang higit na dayuhang kapital sa pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural para sa malalaking multinasyunal na agribisnes na nagpoprodyus ng tanim para ieksport, na lubhang nakaaapekto sa lokal na produksyon ng palay, gulay at mga tanim pangkain, nagpapahamak sa seguridad sa pagkain, pinasisirit ang presyo ng pagkain at ginagawang palaasa ang bansa sa pag-aangkat ng pagkain.
Kahit kailan ay hindi tinulungan ng dayong kapital na maging industriyalisado ang Pilipinas. Namumuhunan lamang sila sa mga pagawaan na lumilikha ng kalakal na hindi kailangan o hindi kayang bilhin ng mga Pilipino. Bahagi ang mga ito ng internasyunal na asembliya ng mga multinasyunal na korporasyon kung saan gusto nilang samantalahin ang pinakamababang makikitang sahod. Ang nililikha nitong trabaho ay kontraktwal o panandalian lamang kasabay ng pagkadalubhasa ng mga multinasyunal na ilipat-lipat ng bansa ang produksyon depende sa kung saan pinakamalaki itong kikita.
Hindi sinusukat ng sinasabing pag-unlad sa ekonomya sa nagdaang mga taon ang aktwal na kalagayan ng lokal na ekonomya ni ang kabuhayan ng mamamayang Pilipino. Hindi nito tinitingnan kung ang lokal na produksyon ay nagsisilbi sa pangangailangan ng mamamayan (higit lalo sa pagkain) o nagpapataas sa kakayahan sa produksyon ng ekonomya. Habang ang Pilipinas ay nagpoprodyus ng mga piyesang elektrikal at pang-elektronik para sa pandaigdigang asembliya ng sasakyan at semiconductor, walang batayan at integradong lokal na industriya para sa produksyon ng bakal at ibang kapital na kalakal.
Ang pagdadambana ng todong liberalisasyon sa konstitusyong 1987 ay lalo lamang magtutulak sa bansa karera paatras sa pagitan ng mga atrasadong bansa na para “mang-akit ng dayuhang mamumuhunan” ay nag-aalok ng pinakabarat na sahod ng mangagawa at pinakamaluwag na regulasyon para dambungin ang rekursong lokal. Magreresulta ito sa mas malulubhang porma ng pagsasamantala sa mga manggagawa katulad ng pagpako sa sahod, plesibilisasyon para palawigin ang araw ng paggawa, abuso sa karapatan ng manggagawa at kawalang katiyakan sa trabaho. Magreresulta rin ito sa mas malubhang pandarambong at paglason sa kalikasan dahil sa malakihang pagmimina, mga plantasyon at operasyon sa mga sonang pang-ekonomiko.
Patriyotikong tungkulin ng mamamayang Pilipino na labanan ang tinaguriang “pang-ekonomikong chacha” at depensahan ang patrimonya ng bansa. Dapat pandayin ang isang malapad na nagkakaisang patriyotikong prente para pigilan ang mga plano na amyendahan ang konstitusyong 1987 pabor sa malalaking dayuhang kapitalista at kanilang kasosyong malalaking lokal na negosyo.
Tinutuligsa ng mamamayang Pilipino, laluna ng malapad na masang manggagawa at magsasaka, kasama ang maliit at pambansang burgesya, ang “pang-ekonomikong chacha” at ipinapanawagan na wakasan ang malakolonyal at malapyudal na sistema na nagpapanatili sa atrasadong ekonomya, pang-aapi at pagsasamantala.