Pagbati sa 52 taon ng rebolusyonaryong pakikidigma para sa karapatan, kalayaan, at kagalingan ng masang api
Pinakamataas na pagpupugay ang inihahandog ng Kabataang Makabayan (KM) sa pagsalubong sa ika-52 taon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)―mahigit limang dekada ng sakripisyo, pagpupunyagi, at pagsulong para wakasan ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.
Sa loob ng 52 taon—sa ilalim sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP)—ang BHB ang nagsilbing armas ng mamamayan laban sa pang-aapi at pagsasamantala ng reaskyunaryong estado. Mula sa militarisasyon ng mga komunidad, pandarahas sa pambansang minorya, iligal na panghihimasok at pangangamkam ng lupa ng mga malalaking kumpanya sa pagmimina at mga paninoong maylupa, hanggang sa malawakang paninira sa kalikasan, ang BHB ang tumayong una at at huling depensa ng masa sa kanayunan.
Hanggang sa kasalukuyan—sa pagharap sa pasistang lagim ng rehimeng Duterte—walang humpay ang puspusang pakikibaka ng mga Pulang Mandirigma at Kumander laban sa terorismo ng estado.
Kaya naman, hindi nakapagtatakang mula nang maupo sa pwesto si Duterte noong 2016, naging pangunahing adyenda ng kanyang rehimen ang tangkang paglansag sa rebolusyonaryong kilusan.
Malinaw kay Duterte at sa kanyang mga heneral na malaking banta sa kanilang pananatili sa poder ang tuloy-tuloy na paglakas ng Hukbo ng mamamayan. Lalong malinaw sa kanila na sa tatag ng suportang masa na nararanasan ng Hukbo—kakabit ng pagkabihasa nito sa paggamit sa taktikang gerilya sa pakikidigma—hindi malulupig ng anumang abanteng mga armas o teknolohiya sa gera ang BHB.
Sa halip, ibinubuhos ng teroristang rehimeng Duterte ang lakas, oras, at limpak-limpak na pondo nito sa paninira at panlalansi sa mga rebolusyonaryong organisasyon, kakambal ng pagtugis at pagsupil sa ligal na mga pangmasang organisasyon.
Ginagawang pangunahing target ng pasismo ang mga lider masa na tumatayo bilang nagkakaisang boses ng masang api. Lahatang panig na ginigipit at iniipit ang mga grupong naglalayong organisahin ang pinakamalawak na hanay ng mamamayang yamot sa kapalpakan at karahasan ni Duterte. Pinararatangang mga rebolusyonaryo ang mga sibilyan habang tuloy-tuloy ang pamamaslang sa kanila ng estado sa lilim ng gabi. Walang tigil ang paninibasib ng rehimen sa bawat antas at aspeto ng buhay ng mamamayang Pilipino.
Sa kabilang banda, samu’t sari rin ang kahangalan na pinaandar ng rehimen laban sa Partido at Hukbo. Naglulunsad ng kampanyang “persona non grata” at sapilitang “peace rally” sa masa. Pwersahang pinasusurender ang mga sibilyan bilang miyembro o tagasuporta ng BHB. Dinudungisan ang alaaala ng mga martir ng sambayanan na nag-alay ng pinakamalaking sakripisyo para sa rebolusyon. Binabansagang terorista ang mamamayang nakikibaka para sa kanilang karapatan.
Maging sa kasagsagan ng krisis at pandemya ay binubuno ni Duterte ang kanyang kapangyarihan sa tunguhing ito. Gayunpaman, malinaw sa masang Pilipino kung sino ang tunay na terorista, at sino ang tunay na naglilingkod sa sambayanan.
Ang ika-52 taon ng BHB ay paalala at patunay na nananatiling wasto ang linya at tunguhin ng digmang bayan at pangkabuuang programa ng pambansa demokratikong rebolusyon.
Ang mainit na pagtanggap at pagyakap ng masa sa kanayunan sa kanyang Hukbo saanman ito maparoon ay nagpapakita na hindi mabubura ng anumang kasinungalingan ng rehimen ang ilang dekadang makatarungang pakikidigma at pakikibaka ng Hukbo at Partido. Kasabay nito, ang lalong lumalakas na rebolusyonaryong kilusang lihim hanggang sa kalungsuran ay pruweba na mas matingkad pa rin ang ulyaw ng rebolusyon kahit sa mga sentro ng kapangyarihang pampulitika ng estado.
Sa pamamagitan ng armadong pakikibaka ng BHB—at sa suporta ng baseng masa—tuloy-tuloy na maglulunsad ng agraryong rebolusyon sa kanayunan, mula minimum hanggang maksimum, na siyang daan patungo sa tuluyang pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan mula sa naghaharing iilan.
Sa pag-igting ng terorismo ni Duterte, ang Hukbo rin ang mapagkakatiwalaan na maghatid ng tunay na hustisya at kabayaran ng mga berdugong may inutang na dugo sa masa. Gayundin, maaasahan ang mga larangan at yunit ng BHB na magsilbing kanlungan at magbigay ng agarang kaligtasan sa mga mamamayang tinatarget ng rehimen.
Sa pagdiriwang ng anibersaryo ng BHB ngayong araw, pinararangalan at pinagpupugayan ng KM ang lahat ng rebolusyonaryong martir na nag-alay ng buhay, pawis, at dugo para pandayin ang daan patungo sa tagumpay ng mamamayan.
Salungat sa pangyuyurak ng rehimen, kayo ang mga bayani na habambuhay pakamamahalin ng masang inyong pinaglingkuran. Ang buhay ninyo ang halimbawa na titingalain ng mga kasama at itatanghal na modelo ng buong-buong rebolusyonaryo at komunistang pakikibaka. Ang alaala ninyo ang kwentong laging dadampi sa mga labi at isip ng bawat mamamayang naghahangad ng kanilang demokratikong mga karapatan at tunay na kalayaan.
Hindi mababago ng anumang panlilinlang ng reaksyunaryong estado ang mayamang kasaysayan ng pakikibakang ito ng masang api. At sa paglala ng krisis sa lipunang malakolonyal at malapyudal, lalo rin lamang lalakas ang pwersa ng rebolusyonaryong Pilipino.
Tinatawagan ng KM ang lahat ng demokratiko at patriyotikong kabataan na sagpangan ang hinog na kalagayan para sa pagbabalikwas: dagat-dagatang tumungo sa kanayunan at tumangan ng armas!
Ipagbunyi ang mga tagumpay ng Hukbo ng masa at makiisa sa paglikha ng panibagong mga pagsulong sa digmang bayan!
Lumahok sa pinakamataas na antas ng pakikibaka at imartsa ang pambansa demokratikong rebolusyon tungo sa ganap na tagumpay!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!