Pagbati sa ika-109 anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan
Kababaihan, tumungo sa kanayunan, sumapi sa NPA!
Malugod na binabati at binibigyang pagpupugay ng Melito Glor Command – NPA Southern Tagalog ang nagpapatuloy na pakikibaka ng kababaihang Pilipino sa harap ng karahasan at mga atake ng rehimeng US-Duterte. Patunay itong hindi kailanman humina ang nag-aalab na diwa ng kababaihan sa gitna ng masidhing krisis panlipunan na pinalala pa ng sobinismo at pasismo ni Duterte.
Sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, higit na lumalala ang kalagayan ng kababaihang Pilipino laluna ang mayoryang mula sa uring magsasaka at manggagawa. Nananatili ang monopolyo at pangangamkam sa lupang agrikultural habang hinahambalos ng mga neoliberal na iskema ang kabuhayan ng magsasaka. Pinagkakaitan ng mga kapitalista ang mga babaeng manggagawa ng tamang sahod, benepisyo at seguridad sa trabaho. Wala ring maayos na trabaho para sa mga kababaihang petiburges na napipilitang magpaalipin sa mga kumpanya kapalit ng napakababang sahod.
Pinalala pa ito ng inihahasik na takot at teror ng rehimeng US-Duterte sa mamamayang Pilipino. Sa pamamagitan ng AFP-PNP, nanalasa ang mga berdugong pwersa sa kanayunan at kalunsuran. Dinadaing ng kababaihan sa kanayunan ang hagupit ng mga operasyong militar at pulis. Habang sa kalunsuran, patuloy na sinusupil ang boses ng kababaihan, lalo ang masusugid na kritiko ng rehimen tulad nina Leila de Lima, Ma. Lourdes Serreno, Maria Ressa at Leni Robredo.
Ang nabubulok na kalagayan ng lipunan ang nagtulak sa paparaming bilang ng kababaihan na sumasampa sa kanayunan at humawak ng sandata para isulong ang matagalang digmang bayan. Dumarami ang kababaihang NPA na inspirasyon sa mga nakikibakang masa na ipagpatuloy at isulong ang rebolusyon. Noong 2018, tinatayang 2 sa 10 mandirigma ng MGC-NPA ST ay babae—isang malaking pag-igpaw mula sa dating iilang babae lamang na nangangahas maging NPA.
Ang paglahok mismo ng mga kababaihan sa armadong pakikibaka ay simbolo ng pagbali ng kababaihan sa tradisyunal na pagtingin sa kanila at pag-igpaw sa steryotipikal na papel sa lipunang ipinataw ng estado. Higit na dumaraming kababaihang NPA ang nabibihasa sa iba’t ibang larangan ng gawain — sa larangan ng pulitika at militar.
Tulad ng pag-aaruga ng isang ina, nagagawa ng mga kababaihang NPA na ipagtanggol ang mga baseng gerilya laban sa nagaganap ngayong marahas na operasyong militar at pulis sa kanayunan. Binibigo ng NPA ngayon, katuwang ang mga kababaihang kasapi nito, ang largado at tuluy-tuloy na FMO at RCSPO ng rehimeng US-Duterte. Kalahok ang mga kababaihan sa mga taktikal na opensiba na pumipinsala at bumibigwas sa ulo at katawan ng kaaway sa kanayunan, nang sa gayo’y humina sila hanggang sa mawalan ng kapasyahang lumaban. Kalahok rin ang mga kababaihan sa pagtatayo ng gubyernong bayan sa iba’t ibang antas at hakbang-hakbang na pinalalawak ang mga ito hanggang sa ganap na maitayo ng mamamayan ang isang makatarungan at malayang lipunan.
Ang laban ng kababaihan ay kadugtong ng pagrerebolusyon ng mamamayang Pilipino. Ang kababaihan ngayon ay nangunguna sa pagsusulong ng rebolusyon at nasa unahan ng mismong labanan para ihatid ang ating digmang bayan mula sa estratehikong depensiba tungo sa pagkapatas hanggang sa tagumpay nito. Maaliwalas ang hinaharap ng sambayanang Pilipino sa lahatang panig na paglahok ng kababaihan at lahat ng inaaping uri at sektor para sa pagtatayo ng isang malaya, masagana at demokratikong lipunan na may sosyalistang perspektiba. ###