Pagbawi ng “Red October”, resulta ng kabiguang takutin ang sambayanan


Jaime “Ka Diego” Padilla
Tagapagsalita
Melito Glor Command
New People’s Army – Southern Tagalog

Hinimod ni Lorenzana ang sariling dura. Nalantad na pakana ang Red October Destabilization Plot ng mga eksperto sa saywar ng AFP-PNP nang ipahayag ni Lorenzana na “nalusaw” na ito. Naobliga ang rehimeng bawiin ang kanilang fake news dahil walang ebidensyang mailabas ang AFP-PNP na magpapatunay sa pekeng Red October.

Simula’t sapul kathang-isip lamang ng AFP ang diumano’y pagpapabagsak kay Duterte ngayong buwan. Ang pinapalaganap na sabwatan sa pagitan ng CPP-NPA-NDF, Senador Antonio Trillanes IV, grupong Magdalo at Liberal Party, sa katunayan, ay bahagi lamang ng patuloy na pambubuladas at panlilinlang. Ginawa ito sa ngalan ng inilulunsad na saywar ng AFP upang iabante ang interes nila at ng kanilang mga amo – ang malalaking burgesya-komprador, panginoong maylupa at ang imperyalistang US.

Isa lamang itong malaking sarswela ng pangkating Duterte upang ilihis at libangin ang mamamayan sa matinding krisis na nararanasan nila dulot ng labis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas at mga produktong petrolyo. Sa kagustuhang takutin ang mamamayan at supilin ang sinumang tumutuligsa sa kanyang rehimen, pinalaganap ni Duterte at ng AFP ang mga haka-hakang sabwatan at tulungan. Ginamit rin ang bantang “Red October” upang bigyang-katwiran ang kanilang pananakot at intimidasyon sa mga progresibong pwersa at kritiko ng rehimen.

Subalit nabigo ang mind-setting ng rehimen para madulas na maideklara ang Batas Militar. Hindi natinag at mariing tinuligsa ng iba’t ibang sektor ang mga kasinungalingan at pananakot ng rehimen. Kabilang dito ang administrasyon at estudyante ng mga unibersidad, mga unyon ng manggagawa, mga gumagawa ng pelikula at iba pa.

Totoong mithiin ng sambayanan na pabagsakin ang pasistang paghahari ni Duterte sa Pilipinas, ngunit hindi ito mangyayari sa sinasabi nilang Red October. Kinakailangan ang pagpapaigting at tuluy-tuloy na pagsulong ng digmang bayan, kaalinsabay ng pagdaluyong ng mga pagkilos ng mamamayan sa kalunsuran upang tunay na maibagsak ang kasalakuyang mapanupil na sistema.

Nanawagan ang Melito Glor Command, New People’s Army-Southern Tagalog (MGC NPA-ST) sa lahat ng demokratikong uri at sektor na ilantad ang kasinungalingan at kabulukan ng rehimen at labanan ang nilulunsad nitong saywar. Hamon sa ating lahat na pag-ibayuhin ang ating rebolusyonaryong diwa at kapasyahang ibagsak ang rehimeng US-Duterte hanggang sa maitayo natin sa buong bansa ang demokratikong gobyernong bayan na tunay na nmagsisilbi sa interes ng malawak na masang api ng sambayanang Pilipino. ###

Pagbawi ng “Red October”, resulta ng kabiguang takutin ang sambayanan