Pagbayarin ang mga berdugong 76th IB at teroristang estado
Dapat parusahan ang teroristang 76th IB sa ilalim ng 203rd Brigade sa walang awang pagpatay kay Kapitan Dante Yumanaw sa Sityo Tiyabong, Brgy. Ligaya, Sablayan, Occidental Mindoro noong Hulyo 15, 2022. Idinamay ng mga pasista si Yumanaw nang maka-engkwentro nila ang isang yunit ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro sa araw na iyon. Lalo nitong inilalantad ang 76th IB at buong AFP bilang pugad ng mga mamamatay-tao at teroristang walang mabuting idudulot sa bayan.
Nagpupuyos sa galit ang NPA-ST at rebolusyonaryong mamamayan sa rehiyon sa panibagong krimen ng AFP. Paulit-ulit na pinutukan ng militar si Yumanaw at kanyang kasama nang makasalubong ang mga ito sa daan. Imposibleng hindi nakilala ang mga biktimang sibilyan dahil nalapitan na sila ng mga militar. Nasawi si Yumanaw sa dami ng tinamong tama ng bala sa katawan. Si Yumanaw ay katutubong Mangyan-Batangan at residente ng Sityo Tiyabong.
Walang habas ding namaril ang 76th IB sa pamayanan ng Mangyan-Batangan na nagdulot ng labis na takot at trauma sa mga katutubo sa lugar at maging sa ibang residente ng Barangay Ligaya.
Hustisya ang sigaw ng rebolusyonaryong mamamayan sa sinapit ni Yumanaw at ng mga sibilyang dinadahas ng estado. Sa buwang ito, dalawang sibilyan na ang namatay sa Mindoro bunsod ng walang patumanggang pamamaril ng mga tropa ng 203rd Brigade. Noong Hulyo 3, nag-amok ang 4th IB at PNP-SAF at pinagbabaril ang bahayan sa Sityo Tauga Daka, Brgy. San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro. Namatay ang isang menor-de-edad sa insidente.
Sagad din ang kawalanghiyaan ng militar sa paggamit sa mga krimeng ito para isulong ang kanilang mga kontra-rebolusyonaryong pakana. Ibinibintang nila ang pagkamatay ng mga sibilyan sa NPA at ginagamit itong tuntungan upang patindihin ang mga operasyong militar sa lugar. Malaking kasinungalingan ito na itinatakwil ng mamamayan. Malinaw sa mamamayang Mindoreño kung sino ang tunay na kaaway—ang hindi na mabilang na kaso ng paglabag sa karapatang tao sa nakaraang tatlong taon ang hindi maitatangging ebidensya ng pagiging terorista ng 203rd Brigade sa ilalim ni Col. Jose Augusto Villareal.
Nagnanaknak ang malalim na sugat na dulot ng karahasan ng estado, subalit sa halip na pahinain ang kanilang loob ay lalong nagngangalit ang mamamayan. Marubdob silang naghahangad ng hustisya para sa mga tulad ni Yumanaw at mga sibilyan na karumaldumal na pinaslang ng AFP. Nakahanda nilang suungin ang armadong pakikibaka para bigyang katarungan si Yumanaw at ang bayang matagal nang binubusabos ng teroristang estado. Puputok ang mga opensiba ng Pulang Hukbo para kamtin ang rebolusyonaryong hustisya at bigwasan ang mga pasista.###