Pagbayarin ang mga pumaslang kay Dandy Miguel! Katarungan para sa lahat ng mga biktima ng pamamaslang ng pasistang rehimeng US-Duterte sa mga mamamayan ng Timog-Katagalugan!
Mariing kinukondena ng NDFP-ST ang karumal-dumal na pagpatay kay Dandy Miguel, Vice Chairman ng Pagkakaisa ng mga Mangggagawa sa Timog Katalugan – Kilusang Mayo Uno (PAMANTIK-KMU) at pangulo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa ng Fuji Electric-OLALIA-KMU. Si Dandy Miguel ay tinambangan at pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga operatiba sa paniktik ng AFP noong gabi ng Marso 28, 2021 sa may ASIA 1, Canlubang, Calamba, Laguna habang sakay ng kanyang motorsiklo papauwi sa kanilang bahay mula sa pinagtatrabahuhang pabrika.
Si Duterte at ang kanyang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang walang ibang nasa likod ng pagpaslang kay Dandy Miguel tulad sa mga nakaraang mga pagpatay sa hanay ng mga aktibista, organisador at unyonista, mga tagapagtanggol sa karapatang pantao, dyornalista, abugado at iba pang mga indibidwal na pinararatangan ng rehimeng Duterte na banta sa pambansang seguridad at kaaway ng estado. Si Dandy Miguel, tulad ng ibang biktima ng summary execution ng mga pulis at militar ay dumanas muna ng paninira at red-tagging bago pinaslang.
Bago pa nangyari ang mga pag-aresto, Bloody Sunday at pagpatay kay Dandy Miguel, napaulat na ang pagtindi ng red-tagging, paninira, harasment at pananakot sa mga lider at unyonista na kabilang sa Organized Labor in Line Industry and Agriculture – Kilusang Mayo Uno (OLALIA-KMU) at ilang mga independent unions. Halimbawa nito ang ginawa sa mga manggagawa ng Coca Cola na isa-isang tinakot at pwersahang pinasuko bilang mga “myembro” daw ng New People’s Army. Labas sa nangyari sa Coke, aktibo ding nagsagawa ang mga ahente ni Duterte ng pagbabahay-bahay upang manakot at magbanta na kakasuhan nila ang mga lider at unyonista kapag hindi sila kumalas sa kinabibilangang unyon at pederasyong OLALIA. Noong Marso 4, 2021 una nang dinakip at ikinulong, batay sa mga gawa-gawang kaso at modus na tanim-ebidensya, sina Arnedo Lagunias ng Alyansa ng mga Manggagawa sa Enklabo (AMEN) at Ramir Corcolon ng Water System Employees Response (WATER).
Walong bala ang tumama sa iba’t bahagi ng katawan ni Dandy na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay. Pinatay si Dandy Miguel tatlong linggo pa lamang ang nagdaan matapos mangyari ang tinaguriang Bloody Sunday noong Marso 7, 2021 kung saan siyam (9) na mga lider-aktibista at tagapagtanggol sa karapatang pantao ang pinaslang ng mga berdugong militar at pulis ni Duterte. Ayon sa balita, si Dandy ay isa sa mga nakasama sa ginanap na presscon noong Marso 9, 2021 sa opisina ng Commission on Human Rights (CHR) para kondenahin ang naganap na Bloody Sunday. Sa naturang presscon at sa nangyaring panayam ng midya kay Dandy, ipinahayag niya ang kanyang labis na pangamba sa kanyang buhay dahil sa ginagawang red-tagging sa kanya ng mga ahente sa paniktik ng gubyernong Duterte.
Ayon sa ulat ng KARAPATAN-ST, si Dandy ang ika 31 na mga aktibistang pinaslang sa rehiyon mula Hulyo 1, 2016 hanggang sa Marso 2021. Si Dandy ang isa sa dalawang kilalang lider manggagawa sa rehiyon na pinaslang sa panahon ni Duterte sunod kay Rey Malaborbor. Pansampu (10) si Dandy na pinaslang ng mga death squads ni Duterte sa loob lamang ng buwan ng Marso.
Sadyang itinaon ang pagpatay kay Dandy ng mga armadong ahente ni Duterte bilang regalo at para paligayahin ang kanilang amo sa kaarawan nito. Habang nagluluksa ang mga manggagawa at mamamayan ng rehiyon sa pagkamatay ni Dandy, nagdiriwang naman ang mga pasista, berdugo, at mamamatay-taong AFP at PNP sa kaarawan ng kanilang among kriminal na si Duterte.
Marapat lamang na kondenahin at kasuklaman ng taumbayan si Duterte dahil sa lisensya at impyunidad na pinagkakaloob nito sa AFP at PNP na pumaslang ng mga inaakusahan nitong mga “kalaban ng estado”. Sa kabila ng katotohan na patuloy ang pagsirit ng bilang ng mga nagkakasakit at namamatay na Pilipino sa Covid-19, imbes na seryosong pagtuuunan ang paglaban sa Covid-19, mas abala at nakatuon ang pansin ng pasistang Duterte sa pagpapatahimik at nyutralisasyon ng mga aktibista at kritiko ng kanyang tiwali, palpak at inutil na gubyerno. Sa kabiguan ni Duterte na papanghinain ang rebolusyonaryong kilusan at armadong paglaban ng mga mamamayan sa bansa at rehiyon, pinagbabalingan ni Duterte ang mga walang kalaban-labang sibilyan at kasapi ng ligal na kilusang demokratiko’t progresibong organisasyon na naghahapag ng mga lehitimong kahilingan at agenda para sa interes at kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng mga mamamayan ng rehiyon lalo na sa mga manggagawa na higit na palakasin ang hanay, magpakatatag at huwag matakot. Nasa panig ninyo ang katotohanan at katwiran. Makatarungan lamang na kayo’y kumilos para labanan ang mga pasistang atake ni Duterte sa kilusang paggawa. Dapat patuloy ninyong igiit ang inyong mga demokratikong karapatan para sa pagtatayo ng unyon, sa regularisasyon at kaseguruhan sa trabaho, para sa nakabubuhay na sahod, at ng ligtas at maayos na kundisyon sa paggawa.
Ngayong panahon ng pandemya, patuloy na igiit sa gubyernong Duterte ang kahilingan para sa libre at malawakang testing, agresibong contact tracing, epektibong isolation and treatment at sapat na ayuda sa lahat ng mga mahihirap lalo ngayong sumasailalim na naman sa militaristang lockdown na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang rehiyon. Kailangan din ang malakas na tinig at panawagan para mariing igiit ang pagbubuwag sa inutil at walang silbing Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at magbuo ng bagong task force na binubuo at kinabibilangan pangunahin ng mga manggagawang pangkalusugan na dalubhasa sa syensya, medisina at sa nakahahawang sakit (infectious diseases). Patuloy na igiit ang panawagan ng lahat para sa libre at ligtas na bakuna para sa lahat ng mamamayang Pilipino.
Ang NDFP-ST ay hindi maglulubay sa pagsusulong at pagtatanggol sa interes at kapakanan ng uring anakpawis. Hahabulin nito at papapanagutin ang mga may kinalaman at sangkot sa mga pagpaslang at mga malalalang paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan sa rehiyon mula sa hanay ng AFP at PNP. Hindi pahihintulutan ng rebolusyonaryong kilusan na makakawala sa pananagutan ang mga may utang na dugo sa bayan mula sa mahabang kamay ng hustisya nito. Sa tamang panahon, ipapailalim at pananagutin sa sariling batas at hustisya ng rebolusyonaryong kilusan ang mga opisyal ng AFP at PNP dahil sa nagawa nilang karumal-dumal na krimen, paglabag sa karapatang pantao at pagsasalaula sa internasyunal makataong batas sa digma.
Katarungan para kay Dandy Miguel!
Katarungan para sa lahat ng biktima ng Bloody Sunday at pamamaslang sa rehiyon!
Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!