Pagbayarin ang pasistang rehimeng Duterte sa pamamaslang sa mag-inang Gregorio!
Taliwas sa sirang plakang palusot ni Duterte at ng mga galamay nito, ang walang habas na pagpatay ni PSMS Jonel Nuezca kay Sonya at Frank Gregorio sa Tarlac noong linggo, Disyembre 20, ay hindi isang natatanging kaso. Sa halip, ito ay malinaw na manipestasyon ng patuloy na pinayayabong ni Duterte na kulturang pumapabor sa berdugo at mamamatay-tao.
Si Nuezca ay inanak ng mersenaryong tradisyong naghahari at tumatagos sa institusyon ng pasistang AFP at PNP. Ang kanyang walang pag-aagam-agam na pamamaslang ng dalawang sibilyang nagmamakaawa para sa kanilang buhay ay tila isang maikling sulyap lang sa araw-araw na mga pangyayari sa kanayunan kung saan walang mga kamera at midyang nakahuhuli ng mga krimen ng mga berdugo.
Maging sa kalunsuran, ang ganitong mga eksena ay higit na dumalas sa ilalim ng militaristang Covid-19 lockdown ni Duterte. Hindi malilimutan ng mamamayan ang walang awang pagpatay kina Randy Echanis, Zara Alvarez, Eugenia Magpantay, Agaton Topacio, at iba pa, kasabay ng di mabilang na kaso ng iligal na pag-aresto. Sa likod nito ay ang walang sawang pagkunsinti ni Duterte sa mga paglabag at krimen ng kanyang mga nakaunipormeng alipores. Mula sa pagsasabing marapat lamang na harapang mamaril at pumatay ang pulisya, hanggang sa pangangakong puproteksyunan at di pababayaang makulong ang sinumang miyembro ng kapulisan—malinaw na binigyan ni Duterte ng lakas ng loob at tapang ang mga berdugo na lalong dahasin ang mamamayan at balewalain ang kanilang mga karapatang pantao.
Habang nananatili si Duterte sa kapangyarihan, walang maaasahan ang masa na pagbabago sa patakaran ng mga berdugo at pasista. Siguradong magpapatuloy ang pamamaslang at pandarahas—at lalong siguradong walang anumang porma ng tunay na hustisya ang makakamit para sa mga biktima ng rehimeng ito.
Sa harap ng nagkagrabeng mga paglapastangan ng pasistang rehimeng Duterte, ang nagpupuyos na galit ng taumbayan ang pinakamalakas na sandata nito laban sa pang-aabuso ng kapulisan at militar.
Dapat pagkaisahin ang lahat ng demokratiko at progresibong seksyon ng mamamayan. Lalong pasiglahin ang gawaing propaganda at pag-aaral laluna sa hanay ng mga Kabataang Makabayan upang maisalin ang galit ng kabataan sa kongkretong mga hakbang tulad pagbubuo at pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa. Maglunsad ng malakihang protesta at patuloy na kalampagin ang rehimeng Duterte para pagbayaran ang mga sala nito sa masang Pilipino.
Higit sa lahat, igiit ang makatarungang galit ng masa sa pamamagitan ng pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan. Malinaw na makauring dahas at pang-aabuso ang naganap sa krimen ni Nuezco dahil ang mga armadong tauhan ng estado mismo ang mga institusyong pumoprotekta at naglilingkod sa naghaharing uri. Hangga’t nananatili ang makauring oryentasyon sa ating malakolonyal at malapyudal na lipunan, hindi si Sonya at Frank ang magiging huling biktima ng pasistang AFP at PNP.
Hustisya para kay Sonya at Frank Gregorio!
Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!