Pagbayarin ang rehimen para sa masaker sa TK! Hustisya para sa mga biktima!
Pagbayarin ang rehimen para sa masaker sa TK! Hustisya para sa mga biktima!
Kinukundena ng Kabataang Makabayan (KM) ang naganap na mala-Tokhang na pagpatay at iligal na pang-aaresto sa mga lider masa at aktibista sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon ng Timog Katagalugan (TK).
Sa maskara ng Synchronized Enhanced Management of Police Operations (SEMPO) ng Armed Force of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), koordinadong mga raid at atake ang isinagawa sa madaling araw ng Marso 7 sa nagresulta sa pagpaslang sa anim at pag-aresto sa siyam na iba pa sa Laguna, Cavite, Rizal, at Batangas. Ito ay dalawang araw lamang matapos ang utos ni Duterte sa militar at pulis na patayin ang lahat ng “komunistang rebelde.”
Nitong nakaraang dalawang linggo, walang humpay ang red-tagging at pagbabanta ng mga elemento ng estado sa iba’t ibang mga progresibong grupo sa buong bansa—mula sa pagpaslang sa upisyal ng barangay na naglabas ng katotohanan ukol sa Tumandok massacre pati sa abugado mula sa National Union of People’s Lawyers (NUPL) Panay na humawak ng kaso, hanggang sa pagbabanta ng kampanyang mala-Tokhang laban sa hinihinalang mga komunista sa Cordillera at kasunod na pangangampanya ng PNP na ideklarang “persona non grata” ang ilang mga organisasyon sa rehiyon.
Wala itong pinagkaiba sa mga teroristang pakana ng pasistang alipores ni Duterte na si PNP Chief Debold Sinas. Nagsimulang lumaganap ang ganitong uri ng sunod-sunod na mga extrajudicial killing laban sa mga aktibista noong termino ni Sinas sa Central Visayas. Bilang hepe ng berdugong makinarya ng rehimen ngayon, hindi mapantayan ang kasahulan ng mga karimarimarim na paglabag sa karapatang pantao na nagaganap sa buong bansa.
Katambal nito, nakabibingi ang kumpas ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na numero unong salarin sa mga kaso ng red-tagging at pamemeligro sa masa. Dapat panagutin ng mamamayan ng TK si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. bilang Southern Luzon Command (Solcom) Chief at tagapagsalita ng NTF-ELCAC. Si Parlade ay isa sa mga nangungunang tagapamandila ng malisyosong mga akusasyong walang basehan at ebidensya laban sa mga pang-masang organisasyon.
Ang mga karumal-dumal na krimeng ito ng estado ay patuloy na manipestasyon ng pagkabalisa ni Duterte sa nalalapit na pagtatapos ng kanyang termino. Nagkukumahog siya sa pagpapatindi ng kanyang pasistang lagim sa layuning mapagtibay at maselyuhan ang paghalili sa kanya sa pwesto ng isa sa mga miyembro ng kanyang pangkatin.
Alam ni Duterte na anumang tapang ng pagbabanta ay hindi nito magagawang durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan. Sa halip, sa tulong ng Anti-Terror Act ay pinagtatakpan ni Duterte at ng mga heneral niya ang kabulukan ng rehimen sa pamamagitan ng pamumuntirya sa mga ligal na pang-masang organisasyon at mga patriyotikong mamamayan na sawa na at walang humpay na nakikibaka laban sa terorismo ng estado.
Sa lalong pagsidhi ng krisis pang-ekonomya at kaakibat nitong pagkayamot ng masang Pilipino, siguradong lulubha din ang terorismo ng rehimeng Duterte. Sa panahon ng ligalig, magiging makasaysayan ang tungkilin ng lahat ng demokratikong kabataan at mamamayan sa pagpapatalsik kay Duterte at pagpapanalo ng laban ng kilusang masa.
Hustisya sa mga biktima ng crackdown! Palayain ang mga bilanggong pulitikal!