Pagbayarin nang mahal ang mamamatay-taong rehimeng US-Duterte sa naganap na Bloody Sunday!
Nagpupuyos sa galit at sumisigaw ng katarungan ang MGC-NPA ST para sa karumal-dumal na pagpatay sa siyam na aktibista at pagdakip sa anim na iba pa ng PNP CALABARZON noong Marso 7. Kaisa ito ng mamamayan ng TK sa paniningil kay Duterte at sa AFP-PNP sa kanilang utang na dugo sa bayan.
Sagad sa buto ang pagiging mamamatay-tao ng PNP na walang kahihiyang tawagin ang kanilang krimen bilang mga lehitimong operasyong kontra-terorismo. Walang anumang “lehitimo” sa ginawa ng PNP. Ang warrant of arrest na ipinagmamalaki ni PNP Chief Debold Sinas ay basurang papel na pinuno ng mga gawa-gawang kaso at binili mula sa kamay ng mga kurap na huwes na sina Laguna Judge Divinagracia Bustos-Ongkeko, Judge Jose Lorenzo dela Rosa ng Regional Trial Court Branch 4-Manila at Judge Jason Zapanta ng Manila RTC Branch 174. Pulos din taliwas sa batas at labag sa karapatang tao ang kondukta ng mga pulis sa operasyon. Ayon sa asawa ng isa sa mga pinaslang na aktibista sa Rizal, pinadapa ang kanyang mister at binaril nang walang kalaban-laban. Matapos nito’y tinamnan ng ebidensyang baril upang masabing “nanlaban” ang target.
Hindi rin katanggap-tanggap na paglaban sa terorismo ang pakay ng mga pulis. Ang ginawa ng PNP ang mismong akto ng terorismo. Bukod sa nyutralisasyon sa mga binansagang kalaban ng estado, layunin din ng ganitong mga operasyon na paralisahin sa teror ang mamamayan at supilin ang kanilang pakikibaka para sa karapatan at kagalingan.
Dapat tumimo sa mamamayan na ang nag-uudyok ng malalagim na pamamaslang sa TK at sa buong bansa ay ang desperasyon ng rehimeng Duterte na pulbusin ang rebolusyonaryong kilusan. Hindi nito magawang gupuin ang hukbong bayan kaya ibinabaling ang dahas sa mga aktibista, progresibo, mga kritiko—mga karaniwang mamamayan na nagsusulong ng parlamentaryong pakikibaka at tinik sa lalamunan ni Duterte dahil sa kanilang maingay at pursigidong paglaban sa ligal na pamamaraan.
Sila ang pangunahing target ng malupit at orkestradong operasyong SEMPO na ipinatutupad kung saan man may pursigidong pagtutol. Nauna nang nilatag ng rehimen ang mga kundisyon para ipatanggap sa publiko ang makahayup na panunugis sa mga aktibista sa pamamagitan ng Anti-Terrorism Law at pagbabasbas sa SEMPO bilang pagpapatupad ng PNP sa patakaran ng inisponsor-ng-estado na mga pagpatay.
Mahigpit ang paniningil ng taumbayan sa mga utak ng tinaguriang Bloody Sunday. Namumuhi sila sa tiranong pangulo na daig pa ang sirang plaka sa pag-uutos na “patayin lahat ng komunista at NPA.” Si Duterte ang pangunahing nakikinabang sa paglikida sa mga kritiko ng pamahalaan. Suklam na suklam din ang mamamayan ng TK sa PNP Calabarzon na nagsilbing tagakatay ng pasistang rehimen sa mga kaso ng pagpatay kina Mario Caraig, Eugenia Magpantay, Agaton Topacio, Ermin Bellen at pagmasaker sa Baras 5. Instrumento sila sa marahas na mga pag-aresto at pagkukulong sa mga inosenteng magsasaka, manggagawa, at maralita.
Nakagagalit na malayang gumagala ang mga berdugong pulis ng PNP Calabarzon na sangkot sa Bloody Sunday at iba pang malalagim na krimen buhat ng grabeng kultura ng impyunidad sa bansa.
Sa harap ng kawalang katarungan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, lalong nag-iibayo ang determinasyon ng mga Pulang mandirigma na ilunsad ang mga taktikal na opensiba na babasag sa nakalukob na terorismo ng estado sa buong bayan. Ibinubukas din ng NPA ST ang mga larangang gerilya nito sa lahat ng mamamayang nagnanais nang wakasan ang teroristang paghahari ni Duterte. Hinihikayat kayong sumapi sa NPA at mag-ambag ng buong kaya sa digmang bayan. Ito ang pinakamataas na paraan ng pagpaparangal sa mamamayang nakikibaka para sa kanilang pambansa-demokratikong aspirasyon na walang pakundangang pinapatay at pinagdurusa ng mga berdugo’t pasista.#