Pagbisita ni Duterte at mga alipures sa mapaminsalang Bicol International Airport, garapalang paglalako ng sarili bilang hari ng neoliberalismo
Hindi pa nga natatapos ang aplikasyon sa kandidatura, para nang sinisilaban ang pangkating Duterte sa pagkakandaugagang ilako ang mga sarili. Hindi pa nasapatan si Duterte sa pag-hijack ng lingguhang Talk to the People para sa sariling adyenda at sa hindi matapus-tapos na pag-iikot ng kanyang mga alipures sa mga rehiyon. Ngayon naman, muli nilang sinusunggaban ang pagbubukas ng Bicol International Airport (BIA) upang makapagpabango sa mga Bikolano at maghambog ng kanila umanong nagawa. Ngunit ano naman ang ipagyayabang nila sa isang proyektong hindi kapaki-pakinabang para sa ordinaryong mamamayan at masahol pa’y, sumira ng ekta-ektaryang taniman ng mga magsasaka sa mga karatig na erya? Ang tanging pinatutunayan nito ay ang legasiya ni Duterte sa pagiging hari ng neoliberalismo at taksil sa interes ng masa.
Sa halip na kaunlaran, higit na pinatindi ng pagtatayo ng BIA ang kahirapan at pagsasamantalang sinasapit ng mamamayang Albayano. Kamakailan lang, muling irineklamo ng mga magsasaka sa mga barangay ng Alobo at Mabini sa bayan ng Daraga ang pagbaha sa kanilang mga sinasakang palayan dahil sa tubig na nanggagaling sa BIA. Bago pa nito, sa panahon pa lamang ng konstruksyon ng naturang airport ay marami nang mga magsasaka ang sapilitang napalayas sa kanilang mga komunidad at bumagsak ang mga kabuhayan. Hindi bababa sa 6,956 residente sa 408 ektaryang lupain ng mga baryo ng Alobo, Burgos, Kinawitan at Gapo sa bayan ng Daraga at Del Rosario sa bayan ng Camalig ang naapektuhan ng naturang proyekto.
Dahil sa neoliberal na proyektong BIA, tahasang inalisan ng karapatan ang mga magbubukid sa lupang kanilang binubungkal. Lalong napalayo ang mga magsasaka at maralita sa kanilang mithiing magkaroon ng sariling lupa. Muli na namang nagkakaroon ng rekonsentrasyon at bagong sentralisasyon ng lupa sa kamay ng mga kumprador, panginoong maylupa at dayuhang kapitalista.
Gayundin, kakambal nito ang matinding militarisasyon dahil kinakailangang mapanatili ang kaaya-ayang klima para sa mga turista, lokal at dayuhang mamumuhunan at mapigilan ang pagsambulat ng mga pakikibakang masa laban sa proyekto. Sa katunayan, eksklusibong ipinakat para sa Task Force Alobo Airport ang Charlie Company ng 31st IBPA. Katumbas ito ng patung-patong na paglabag sa karapatang tao at pandarahas. Mula nang magsimula ang konstruksyon ng BIA, nakapagtala sa bayan ng Daraga ng isang kaso ng masaker na may apat na biktima, isang kaso ng pamamaslang at isang kaso ng iligal na pag-aresto.
Dagdag pa, tiyak na magiging suliranin ng mga Albayano ang problema sa iligal na droga, prostitusyon, kriminalidad at ibang anti-sosyal na gawaing paaalagwahin ng mga kapitalista sa layuning humatak ng maraming turista at humuthot ng labis-labis na tubo.
Nakikiisa ang NDF-Bikol sa mariing pagtuligsa ng masang Bikolano sa lahat ng mga neoliberal na proyektong wumawasak sa kanilang mga komunidad at kabuhayan. Marapat lamang na patuloy na manindigan at kumilos upang labanan ang iba pang mga proyektong gaya nito. Hindi maloloko ng kahit ilanlibong pa-presscon at pagkaway-kaway ni Duterte sa kamera ang masang kongkretong nararamdaman ang malupit na epekto ng neoliberal na disenyo at kawalan ng makabuluhang sosyoekonomikong programang tunay na magsisilbi sa kanila.