Pagbubunyi ni Sec. Roque sa aniya’y pagkapanalo laban sa “UP Projection”, insulto sa mamamayang Pilipinong biktima ng kapabayaan ng gubyerno

“PANALO NA TAYO! WE BEAT THE UP PROJECTION NA 40,000 CASES! PANALO NA ANG MGA PILIPINO!” Yan ang ipinagsigawan at halos napatalon pa sa tuwang deklarasyon ng madaldal at sinungaling na si Sec. Roque.

Mariing kinokondena ng Revolutionary Council for Trade Union-NDF-ST (RCTU-NDF-ST) kasama ng Sambayanang Pilipino ang rehimeng US-Duterte sa IRESPONSABLENG PAHAYAG at pagiging INSENSITIBO ng tagapagsalita nito sa mapait at pighating nararamdaman ng mga nagkasakit at pamilya ng mga namatay sanhi ng Covid-19 at sa mamamayang biktima ng kahirapan at kagutuman dulot ng militarista o ala Martial Law na lockdown.

Insulto ito sa sambayanang Pilipino na dumanas at patuloy na nagdurusa sa walang kaparis na kahirapan dahil sa pandemic at sa militaristang lockdown. Ipinapakita lamang nito ang kawalan nang komprehensibong plano ng rehimeng US-Duterte kung paano nito nireresolba ang pandemik na Covid-19, kaya naman imbes na tingnan sa isang makatotohanan at siyentipikong pagtugon ang inilabas na pag-aaral ng mga ekspertong taga UP sa patuloy na pagtaas ng nahahawa at namamatay sa bayrus na Covid-19 ay itinuturing lamang nilang isang laro na may panalo at natatalo.

Hindi lamang insensitibo, kundi makitid ng utak o di kaya ay kabulastugan ang sabihing natalo na nating mga Pilipino ang UP, dahil ang malinaw na kalaban ng mga Pilipino ay ang nakamamatay na Covid-19 at hindi ang mga eksperto na taga University of the Phils. Hindi pa rin humuhupa o di kaya ay nasasawata ang pagkalat at mabilis na pagdami ng nagpopositibo, namamatay at paglawak sa ibang erya ng Covid-19 sa bansa. Maliban sa Metro Manila, humaharap na ngayon sa matinding contagion ang Metro Cebu at nakakaranas na ng matinding kahirapan ang mga mamamayan doon dahil sa implementasyon ng MILITARISTA o ala Martial Law na lockdown.

Malinaw na ang layunin lamang pala ng Gobyernong Duterte ay ang talunin lamang ang inilabas na projection ng mga eksperto sa University of the Philippines (UP), at hindi ang pagsugpo sa Covid-19!

Kaya naman pala, patuloy ang pagtaas ng datos ng nahahawa at namamatay na Pilipino sa bayrus na ito. Sa datos ngayong araw (June 30) umabot na sa 37,514 ang nagpositibo, 1,266 ang namatay, at 10,233 ang nakarekober. Hindi pa rin bumababa at bumabagal ang pandemik, katunayan sa 1,080 na positibo ngayong araw ay ikalawa sa pinakamataas na datos simula ng magkaron ng Covid-19 at ang 858 fresh cases ay pinakamataas na datos sa single day. Ito ang mga batayan, kung bakit idineklara ng WHO na ang Pilipinas ang may pinakamabilis ang paglaki ng kaso nang nagpositibo sa Covid-19 virus sa buong western hemisphere.

Kaya naman pala patuloy na ang paglawak ng kagutuman at kahirapan dahil malaking bilang pa rin sa 18 milyon na pamilyang maralita na target na mabigyan ng ayuda ang walang natatanggap ni kusing na ayuda at nananatiling hawak ni Gen. Bautista ng DSWD ang mahigit sa P100 Bilyong pondo na para sana sa mga maralitang naapektuhan ang kabuhayan at trabaho dahil sa isinagawa nilang lockdown.

Kaya pala hanggang sa ngayon ay nagkukulang pa rin ang mga PPE’s para sa mga frontliners at kawalan ng kanilang kaseguruhan sa trabaho, patuloy na diskriminasyon sa kanila, kawalan ng hazard pay at kawalang respeto sa kanilang kabayanihan dahil hangang sa ngayon ay hindi pa sila nadadagdagan ng sweldo kumpara sa mga militar at pulis na lagit-laging nadadagdagan ng sahod.

Kaya naman pala hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring nagaganap na free mass testing sa mamamayan, wala ding sistematikong pagpapatupad ng contact tracing at pagbibigay ng karampatang lunas sa mga nagkakasakit at kawalan ng pondo para sa pagpapa-unlad ng lokal na vaccine at testing kit na sariling imbento natin gaya ng ginawang pagsisikap ng mga siyentista sa UP.

Kaya naman pala hanggang sa ngayon ay hindi man lamang inubliga ng gobyerno ang mga kapitalista na gawing mandatory ang mass testing sa mga manggagawa na bumalik na sa trabaho na nagresulta sa pagkalat ng bayrus. Marami nang report sa mga pagawaan sa Timog Katagalugan ang mga nahawang manggagawa sa mga pabrika dahil sa hindi rin naman nagkaroon ng masinsinang inspeksyon doon. Hindi rin nabigyan ng benepisyo ang mga manggagawa para sana matugunan ang paglaban sa Covid-19 gaya ng pagbibigay ng Vitamin C, alkohol, PPE’s, face masks, face shields, hazard pay at mga transport service/shuttle vehicles (door to door) na lubos na kinakailangan dahil sa kawalan ng transportasyon sa panahon ng GCQ.

Kaya naman pala hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na pinapabayaan ng gobyernong ito ang mga itinuturing na bayanı ng Bagong panahon na mga kababayan nating OFW. Maraming mga stranded OFW sa ibang bansa na halos mamatay na sa gutom at namamasura na lamang para makakain, maraming mga nagkasakit at namamatay sa kanilang host country na pinapabayaan ng mga kinatawan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). Hanggang sa kasalukuyan ay marami pa ring OFW ang hindi nakakatanggap ng ayudang P10,000 para sa mga OFW na biktima ng lockdown sa kanilang host country. Ang mga matagumpay namang nakabalik sa bansa ay pinabayaan sa mga quarantine house at ang ilang hindi na makatiis sa abang kalagayan sa mga quarantine house na napilitang umalis ay kinasuhan pa at ikinulong sa halip na imbistigahan at ang papanagutin ay ang mga nagpabaya sa kanila doon.

Mahaba na ang kriminal na kapabayaan ng INUTIL, KORAP, PAHIRAP, TIRANIKO at MAMAMATAY TAONG rehimeng US-Duterte sa kanyang sariling mamamayan. Nananawagan ang RCTU-ST sa malawak na manggagawa at mamamayang nagtitiis at nagdurusa sa mga mapaniil na patakaran ng rehimeng ito. HUWAG na tayong manahimik at tapusin na ang pagtitiis, kinakailangang sama-samang kumilos na at makibaka ang mamamayan laban sa kaapihan, malawak na kagutuman at matinding kahirapang nararanasan sa kasalukuyan.

Mabuhay ang RCTU-NDF-ST!

Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!

Mabuhay ang REBOLUSYONG PILIPINO!

Pagbubunyi ni Sec. Roque sa aniya'y pagkapanalo laban sa "UP Projection", insulto sa mamamayang Pilipinong biktima ng kapabayaan ng gubyerno