Pagbuhay sa kontra-mamamayang Anti-Subversion Law: tutulan, labanan
Ang panukalang muling buhayin ang kontra-mamamayan at kontra-demokratikong Anti-Subversion Law ng pasista at dating heneral Eduardo Año ay panibagong pakana ng kriminal at tiranikong rehimeng Duterte upang supilin at sikilin ang saligang demokratikong karapatan ng mamamayang Pilipino sa ngalan ng anti-Komunismo.
Habang ipokritong nag-iingay si Año, Albayalde at Bato dela Rosa na nais nilang “iligtas ang kinabukasan ng kabataan at kanilang pamilya” mula sa banta ng Komunistang rebelyon, pikit-mata naman sila sa naging kriminal na pananagutan sa libo-libong pamilyang winasak at mga kaanak na pinaslang sa pagpapatupad ng madugong kampanya laban sa bawal na droga; pagdukot at pagpaslang sa maraming mga aktibista tulad ni Jonas Burgos, Karen Empeño, Sherlyn Cadapan at mga katulad; demonisasyon ng mga progresibong organisasyon; pagkakait sa mga bata at kabataang Lumad ng opurtunidad sa edukasyon dahil sa pagpapasara sa 55 eskwelahan ng mga Lumad sa Mindanao; walang habas na ekstra-hudisyal na pamamaslang sa kanayunan at kalunsuran; at walang katulad na karahasan at teror ng mga operasyong militar sa kanayunan ng bansa.
Para sa mga militarista at pasista, ang ibayong panunupil at kamay-na-bakal na paghahari ang solusyon sa pagsugpo sa rebelyon at lehitimong paglaban ng mamamayan sa mapang-api at mapagsamantalang kaayusan sa lipunang Pilipino.
Sa Anti-Subversion Law, higit na sisikilin at susupilin ng rehimen ang kalayaan ng sambayanang Pilipino sa kanilang pakikibaka para sa mga demokratikong karapatan. Muling dadanasin ng sambayanan ang madilim na nakaraan ng Martial Law sa ilalim ng pasistang diktadorang US-Marcos. Pakakawalan nito ang malupit na anti-Komunistang panunugis para patahimikin ang mga kritiko ng gubyernong Duterte, mga progresibo at makabayang institusyon at indibidwal. Magiging target ng karahasan hindi lamang ang mga tinatatakang maka-Kaliwang organisyon, kundi pati mga progresibong indibidwal, grupo at pampulitikang oposisyon.
Ibayong magiging masahol ang pagsasampa ng mga inimbentong kaso at mga itinanim na ebidensya upang bulukin sa kulungan ang kanilang mga karibal sa pulitika at mga kritiko ng rehimen. Higit na sasahol ang culture of impunity ng mga militar at pulis, mga death squad ni Duterte. Maging ang academic freedom sa mga pamantasan ay sisikilin upang iayon ang kalagayan ng edukasyon sa kagustuhan ng rehimeng US-Duterte — isang edukasyon sumasamba at pumapanginoon sa kapangyarihang imperyalista ng amo niyang US at sunud-sunuran sa isang nabubulok at naghihingalong rehimen.
Nananawagan kami sa lahat ng makabayan at patriyotikong mga organisasyon, grupo at indibidwal na buong tapang at tatag na labanan ang anumang tangkang buhayin ang Republic Act 1700 o Anti-Subversion Law.
Ang mga hakbang ng rehimen at ng naghaharing-uri sa pagpapatupad ng higit na mapanupil na mga batas ay hindi tatapos kundi magpapalagablab sa rebelyon at paglaban ng mamamayan sa buong kapuluan. Itutulak nito ang sambayanan na tahakin ang landas ng rebolusyonaryong paglaban at ituturo bilang solusyon ang landas ng demokratikong rebolusyon ng bayan.
Huwag na nating hayaang muling danasin ng sambayanang Pilipino ang paghahari ng kadilimang lumukob sa bansa sa panahon ng diktadurang Marcos, ang iniidolo ng pasista at tiranikong si Duterte. Samantala, mananatiling bukas ang mga larangan ng Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog sa lahat ng mga mamamayang naghahanap ng kanlungan sa kamay ng pasistang rehimen upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili laban sa panunugis ng pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte ###