Paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women
Ngayong araw, isa ang Pilipinas na gumugunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women upang itambol sa buong mundo ang pakikibaka ng kababaihan laban sa karahasan, pang-aapi at diskriminasyon.
Subalit naiiba ang sitwasyon ng kababaihan sa bansa dahil mismong ang presidente ang humihikayat sa paggawa ng karahasan at nagtatanggol sa gumagawa nito sa kanila. Laganap ang diskriminasyon at nagiging hadlang ito sa pag-unlad ng isang lipunan.
Sa pag-upo pa lamang ni Duterte noong 2016, hindi lang ilang beses narinig sa kanya mismo sa harap ng mga pormal na pagtitipon at mga interbyu sa kanya ng midya ang kanyang pagkutya, pambabastos at lantarang pag-utos sa kasundaluhan ng pagbaril sa ari ng mga kababaihang gerilya. Ito ay hindi lamang pagpapakita ng pagkapoot at pag-alipusta kundi pagmamaliit din sa kanila na kung wala na silang ari ay wala na silang silbi. Maging sa isang okasyon, sinabi din nya na “dapat, ang mayor muna ang mauna” kaugnay ng isang naging biktima ng panggagahasa noong 1989. Ito ay malinaw at nagdudumilat na katangian ng isang macho-pasistang presidente. Ilan lamang ito sa maraming probokasyon niya ng kanyang walang pinagkatandaang mga pananalita.
Kung ganito ang kalagayan ng kababaihan, paano sila aasa na magkakamit sila ng respeto bilang tao? Hindi kabisado ni Duterte ang lakas ng kababaihan. Maraming mga ina ng tahanan ang walang katuwang pero kinayang buhayin ang kanyang mga anak. Maraming naging biktima ng panggagahasa at inabuso ng asawa ang lumantad upang harapin at labanan ang nang-abuso sa kanila, anuman ang katayuan nito sa buhay.
Ang papel ng gubyerno ay tiyakin ang kaligtasan ng kanyang mamamayan kabilang ang kababaihan. Bilang tao, mayroon silang karapatang hindi maabuso ninuman.
Dapat kundenahin ang rehimeng US-Duterte sa kanyang pagiging macho-pasista, pagkapoot sa kababaihan at pambabastos sa kanila. Tuligsain ang rehimen sa anumang porma ng pagbabalita, sa mga dyaryo, phone-in sa mga radyo at maging sa telebisyon. Gamitin ang mga social media upang ilantad ang kabulukan ng gubyerno laluna ang kawalang respeto nito sa kababaihan.
Hindi dapat tumiklop sa mga pambubuska ni Duterte. Kung wala itong pasintabi sa pagmamaliit sa kababaihan at hindi niya kayang protektahan ang kababaihan laban sa karahasan, isa ang sektor ng kababaihan sa magpapatalsik sa kanya sa pwesto.
*Pinagtibay ang paggunita ng International Day for the Elimination of Violence Against Women noong 1981. Noong 25 ng Nobyembre 1960, naganap ang pagmasaker sa tatlong Mirabal na magkakapatid na babae, mga aktibista ng Dominican Republic ayon sa utos nang noo’y pinunong si Rafael Trujillo.