Pagharang sa FFM sa Gonzaga, lantarang pagkakait sa katotohanan sa likod ng pambobomba sa mga magsasaka
Nangangatog sa takot sina Major Gen. Laurence Mina at Brigadier Gen. Steve Crespillo na masiwalat ang katotohanang pitong sibilyan ang nasawi matapos walang-patumanggang bombahin ng 5th Infantry Division Philippine Army at Philippine Air Force ang kabundukang bahagi ng Sityo Bagsang, Sta. Clara, Gonzaga noong Enero 29. Bigo ang 5IDPA sa pakanang palitawing fake news ang nangyari matapos salubungin ng mga reklamo at pagtuligsa ang naturang aerial bombing. Desperadong hakbang upang pagtakpan at takasan ang panananugatan ng 5IDPA ang ginawa nitong pagharang sa mga deletxn2gado ng Fact-Finding Mission mula sa Cagayan Alliance for Human Rights Advocates (CAHRA).
Ayon sa mga masang nakakita sa mga biktima, pitong bangkay ang hindi na makilala dahil sa tinamong sobrang sunog (animo’y natusta) at lasug-lasog na katawan. Ipinarada sila ng 5IDPA sa sentro ng Gonzaga upang ipangalandakang mga NPA ‘di umano ang napatay sa airstrike. May mga naiulat ding pinsala sa ari-arian ng mga magsasaka tulad ng pagkamatay ng dalawang kalabaw.
Nauna nang inilinaw ng NPA-East Cagayan na walang nangyaring labanan sa pagitan ng NPA at AFP, na wala ni isang NPA na nasawi sa naturang airstrike, at na hindi kampo ng NPA ang tinarget ng 5ID at PAF. Bagkus, mga masang naghahanapbuhay sa kabundukang bahagi ng sityo Bagsang ang “dinurog” ng kanilang smart bombs.
Matatandaang niyanig ng pagsabog ang Gonzaga at mga kalapit na bayan mula 4:30 ng madaling araw hanggang alas 12 ng tanghali matapos maghulog ng hindi bababa sa 30 malalaki at maliliit na bomba at rockets ang dalawang FA-50 fighter jets, attack helicopters at mga drone na may kasamang istraping mula sa ere. Sinundan pa ulit ito noong tanghali ng Pebrero 2.
Matinding trauma at ligalig sa mga mamamayan sa kanayunan ang halos araw-araw na pagpapalipad ng mga drone, reconnaissance planes, at mga helicopter. Nanganganib ang kanilang buhay at kabuhayan lalo na ang mga katutubong minorya na pangunahing umaasa sa kagubatan upang mag-uway, mag-ubod, magpakat ng bitag, mangaso at mag-ilaw ng isda. Nangangamba silang targetin muli ng mga drone ang kanilang mga kalapaw na pinagtagpi-tagping tolda at dahon at pilit palitawing kampo ng NPA ang mga ito.
Labag sa International Humanitarian Law (IHL) at internasyunal na kondukta ng digma ang aerial bombing dahil hindi nito napag-iiba ang mga combatant sa mga sibilyan na di-tuwirang kalahok sa gera. Hindi din ito maituturing na makatarungang labanan dahil walang kakayahang lumaban ang mga target nito na di-hamak na mas maliit at mas mahina. Mayabang lang ang 5IDPA na bombahin ang mga magsasaka sa kanayunan ngunit mas takot pa sa daga sa pagharap at pagdepensa sa mga karagatan at baybayin na inaangkin ng Tsina.
Hinihimok ang lahat ng mga nagsusulong ng karapatang-tao, mga taong-simbahan, tagapagtanggol ng kalikasan at iba pang sektor na makiisa at palakasin ang panawagan at kampanya laban sa aerial bombing. Dapat panagutin si MGen. Mina at BGen. Crespillo sa pinsalang idinulot ng airstrike at suspendihin ang lahat ng tuwirang lumahok sa pambobomba. Nananawagan ang NDF-Cagayan sa pamilya ng mga biktima na tumindig at igiit ang hustisya na dapat nilang tamasahin. Handa ang Demokratikong Gobyernong Bayan at NPA na panagutin at parusahan ang lahat ng mga nasa likod ng krimen. Sa gitna ng news blackout, dapat maksimisahin ang iba’t-ibang porma at pamamaraan ng propaganda upang ilantad at kundenahin ang nangyaring pambobomba sa mga sibilyan.
Sa nalalabing dalawang buwan ng pasistang rehimen, asahang higit na babaling ito sa mga pinakamasasahol at pinakamadudugong hakbangin upang imaniobra ang “last push” nito sa desperasyong durugin ang CPP-NPA-NDF at ang buong rebolusyonaryong kilusan. Lahatang-panig itong salubungin ng militanteng protestang masa at mga taktikal na opensiba ng NPA. Hangga’t hindi tinutugunan ng reaksyunaryong gobyerno ang ugat ng armadong tunggalian, hindi kailanman makakamit ang tunay na kapayapaan at hustisyang panlipunan. ###