Paghuli ng GRP sa mga NDF consultant malinaw na kawalan ng katapatan sa usapang pangkapayapaan
Mariing kinukundena ng NDF-Bikol ang iligal na pag-aresto sa dalawang NDF consultant na sina Vicente Ladlad at Adelberto Silva, kasama ang anim pang sibilyan, ngayong huling kwarto ng taon. Ito rin ang panahong taning ng Pangulo ng GRP ng pag-aaral niya ng mga dokumento ng inabot na usapang pangkapayapaan at pagpapatawag niya diumano ng mga konsultasyon sa mga “stakeholders”. Sa parehong insidente, tinaniman ng mga elemento ng PNP at CIDG ang mga nangungunang myembro ng NDF Panel ng mga armas at eksplosibo upang bigyang-matwid ang pagkahulisa kanila sa kasong kriminal na hindi maaaring pyansahan o non-bailable offense.
Sina Silva at Ladlad ay matagal na nagsilbi bilang mga lider-organisador na buong panahong nagmumulat at nagpapakilos ng mga kabataang estudyante, manggagawa, magsasaka at iba pang batayang sektor sa lipunan gayundin ang iba pang panggitnang uri. Nang ipinataw ni Marcos ang pasistang lagim ng Batas Militar, kagyat na sumapi ang dalawa sa Bagong Hukbong Bayan at buong lugod na nakibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya ng sambayanang Pilipino. Sa kabila ng banta sa kanilang buhay at walang humpay na panunugis ng militar at maseselang karamdaman, patuloy nilang pinili ang ubos-kayang paglilingkod sa sambayanan bilang kinatawan ng rebolusyonaryong kilusan sa usapang pangkapayapaan.
Ang serye ng paninira, panunugis at iligal na pag-aresto sa mga NDF consultants at kanilang mga istap ay tahasang paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na pinirmahan kapwa ng NDFP at GRP noong 1995. Malinaw na nakasaad sa ikalawang probisyon ng Joint Agreement Implementing the Provisions of the JASIG between the GRP and NDFP Negotiating Panels na,
“In all matters pertaining to the safety and immunity of negotiators, consultants, staffers, security and other persons participating in the peace process and whose rights are protected by the JASIG, the provisions of the latter document shall always prevail. Any issuance, interpretation or application done separately or unilaterally by either party which affects the rights, safety and immunity of persons participating in the peace process and which is in conflict with or in violation of the provisions of the JASIG shall be null and void and of no force and effect.”
Ibig sabihin, sa bisa ng JASIG, ipinagbabawal ang paggawa ng anumang hakbang na magpapahamak o magbabanta sa seguridad ng mga kinatawan at ng kanilang mga istap kabilang na ang iligal na panunugis, harassment, tortyur at pag-aresto.
Sa kainutilang tupdin ang sarili nitong pinirmahang kasunduan, muling pinatutunayan ng reaksyunaryo at anti-mamamayang mga rehimen ng GRP, kabilang ang rehimeng US-Duterte ang kawalan ng sensiridad sa usapang pangkapayapaan. Wala itong pagpapahalaga at pagkilala sa interes ng sambayanan kaya napakadali para rito na gumawa ng mga hakbang upang masabotahe ang negosasyon na kung matapat sanang mapag-uusapan ng dalawang panig, ay maaaring magbunga ng mga makabuluhang sosyo-ekonomikong repormang ipinapanawagan ng mamamayan.
Dapat kilalanin ng GRP na ang pagtalima sa JASIG at iba pang mga kasunduang napirmahan ng dalawang panig tulad ng The Hague Joint Declaration at Breukelen Joint Agreement ay obligasyong kaakibat ng usapang pangkapayapaan. Patuloy ang pagkakandarapa ng gubyernong takasan ang kanyang mga pananagutan na tumalima sa mga naturang kasunduan habang ibinubunton ang sisi sa rebolusyonaryong kilusan kung bakit hindi umuusad ang usapang pangkapayapaan.
Ang totoo, ang tanging motibo ng GRP sa pagpasok sa usapang pangkapayapaan ay ang itulak sa pasipikasyon at kapitulasyon ang CPP-NPA-NDFP. Nang mabigo itong makamit ang layunin, mabilis na nagsara ng pinto ang rehimeng US-Duterte sa negosasyon sa kabila ng mga nauna nang pag-abante sa burador ng Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms (CASER). Noong Disyembre 2017, ipinag-utos ni Duterte ang pagpapatupad ng Proclamation 360 na tuluyang tumatapos sa usapang pangkapayapaan at Proclamation 374 na bumabansag sa CPP-NPA-NDFP bilang isang teroristang grupo. Nasundan pa ito ng Proscription Petition kung saan higit 600 pangalan ng mga kilalang NDF consultant, lider ng mga progresibong organisasyon, taong-simbahan, propesyunal at tagapagtaguyod ng karapatang tao ang pinaratangang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan.
Makailang ulit ding ipinahayag ni Duterte na wala siyang interes na humarap sa usapang pangkapayapaan at ‘dapat patayin ang mga komunista’. Buong kahambugan din niyang iwinawasiwas ang pagtutulak ng todo-gera laban sa mga rebolusyonaryo. Ang mas masahol pa, pinagbabantaan at target ng panggegera ng rehimeng US-Duterte maging ang mga sibilyan at grupong progresibo o pampulitikang oposisyong tumutuligsa sa kanyang tiranikong paghahari.
Hinihikayat at ginagatungan ng ganitong mga sanggano at butangerong pahayag ang ibayo pang pasismo at paglabag sa karapatang tao ng militar at kapulisan. Ibayong nagiging bulnerable ang mga sibilyan sa arbitraryo at walang pakundangang karahasan ng mga awtoridad. Malinaw na walang aasahan ang mamamayang Pilipino sa rehimeng US-Duterte. Lango ito sa pagnanais na patindihin ang pangingibabaw ng militarismo at higit pang pasiklabin ang kontra-mamamayang gera sa pamamagitan ng Oplan Kapayapaan. Tulad ng mga nangabigong Oplan ng mga nakaraang rehimen, idinisenyo ito ng US bilang estratehiyang kontra-insurhensya na naglalayong supilin ang makatwirang paglaban ng mamamayan at pagtaguyod ng mga pasistang rehimen habang nananalasa ang neoliberalismo.
Nananawagan ang NDF-Bikol at ang rebolusyaryong kilusan sa lahat ng mga tagapagtanggol ng karapatang tao at tagapagtaguyod ng kapayapaan na tuligsain at labanan ang malulubhang paglabag ng rehimeng US-Duterte. Kung patuloy na aatakihin at sasalaulain ng rehimeng US-Duterte ang mga nauna nang kasunduang pinirmahan nito sa mga nagdaang usapan, walang kahahantungan ang iba pang mga substantibong adyenda ng usapan tulad ng sosyo-ekonomikong reporma, pulitikal at konstitusyunal na reporma, pagwawakas ng armadong sigalot at disposisyon ng pwersa. Habang patuloy ang patraydor na pagtugis at pag-aresto ng pasistang rehimen sa mga kagawad ng NDFP-Panel at patuloy ang karahasan sa mamamayan, hindi makakamit ng Pilipinas ang tunay at pangmatagalang kapayapaan.
Nakahanda ang rebolusyonaryong kilusan at ang mamamayan sa higit pang pagtindi ng pasismo at terorismo ng inutil na gubyerno sa ilalim ng“de facto” o deklaradong Martial Law man sa buong bansa . Ibayong iigting ang mga kilusang masa at dadagundong ang demokratikong rebolusyong bayan upang ipagtanggol ang sambayanan laban sa pasistang atake at brutalidad ng rehimeng US-Duterte.