Pagkakaisa ng mamamayan ang pinakamalakas na depensa ng bansa
Read in: English
Sadyang dinesenyo ng imperyalistang US na pagkaitan ng matibay na depensa laban sa anumang dayuhang panghihimasok ang bansa. Labag sa interes nitong bigyan ng kakayahan ang mga bansang nakapailalim sa konrol nito na tahakin ang makabayang landas. Ang kawalang pagpupursige ng rehimeng US-Duterte na ipagtanggol ang soberanya ng bansa ay sumasalamin lamang sa kawalan ng interes ng imperyalistang US na tuwirang makipagharap sa tunggaliang militar laban sa Tsina.
Hindi abanteng armas ang nagtatakda ng kahihinatnan ng anumang labanan na nangangailangan ng pagpapakita ng lakas. Nakasalalay sa kabayanihan ng mamamayan, sa kanilang determinasyon, di matitinag na sakripisyo para sa tagumpay at mahigpit na makabayang pagkakaisa ang kapasyahan ng isang bansang harapin ang anumang dayuhang pananakop. Pinatutunayan ng mamamayang Pilipino na tangan nila ang lahat ng ito. Ngunit bakit nga ba bahag ang buntot ni Duterte?
Isinanla na niya ang kanyang kaluluwa sa kanyang imperyalistang amo. Higit na katanggap-tanggap para kay Duterte na akuing napapaluhod siya kaysa malantad na simula’t sapul, walang anumang balak na ang rehimen na protektahan ang soberanya ng bansa. Mahalagang rekisito ito para sa anumang rehimen sa ilalim ng malakolonyal na kontrol ng imperyalismong US.
Paulit-ulit na naghuhugas-kamay si Duterte sa kapos nitong mga patakaran sa pakikipagrelasyon sa ibang bansa. Nanggigil ang rehimen, sa tabing ng mga pagbabalatkayo at pakana, para higit pang buksan ang kabang bayan para sa kanyang pandarambong anuman ang epekto nito sa soberanya ng mamamayang Pilipino. Sa loob ng kanyang pamumuno, muli’t muli niyang hinayaang tapakan ng China ang soberanya ng bansa para ipatupad ang kanyang mga hungkag na proyektong pang-impratruktura at mga sosyuhang proyekto. Ang mga ito ang nagpapayaman sa kaniyang pamilya at mga kroni.
Higit pang pinahihina ang bansa ng kaniyang kasalukuyang uhaw sa dugong kampanya laban sa mamamayang Pilipinp. Sa ilalim ng pag-uudyok ng mga imperyalista, sa halip na pataasin ang kakayahan ng gubyernong harapin ang isang mas superyor na kalaban, tinarget nito ang makabayang pagkakaisa ng mamamayan. Trilyong pisong pondo mula sa buwis ng mamamayan ang ibinuhos sa pagpapaunlad at pagpapalakas ng pwersang militar at pulis na hindi titindig para sa mamamayan. Bumili at ipinuwesto ang mga baril at mga kagamitang militar hindi sa mga estratehikong lugar na nagbabantay sa mga hangganan ng teritoryo ng bansa kundi ilinalagay sa malapit sa mga himpilan ng mga dayuhang korporasyon at kanilang operasyon. Ipinakat ang mga militar at pulis at kanilang mga detatsment sa mga liblib na lugar para walang batbat na paluhurin ang masang anakpawis.
Nahihintakutan ang rehimen sa ideya ng pagpapalakas sa makabayang pagkakaisa ng mamamayan dahil maaaring balingan nito ang paghahari ng kanyang pasistang terorismo. Nagpapatay lamang si Duterte ng panahon hanggang mamatay ang isyu kaugnay sa panghihimasok ng China habang nangunguyapit pa siya sa poder.
Makasasalig lamang ang bansa sa isang estadong pinagkakaisa ang mamamayan. Isang estadong patuloy na ipinagdiriwang ang lakas ng mamamayan at ipinatutupad ang mga patakarang sumusuporta dito. Isang estadong pinatatatag ang nakakaasa-sa-sariling ekonomya ng bansa at itinataas ang kagalingan at karapatan ng kanyang mamamayan. Isang estadong hindi kailanman pinalalabnaw ang kahalagahan ng kanyang makasaysayang pakikibaka at pinahahalagahan ang papel ng masa sa paglaban sa anumang dayuhang mananakop. Hangga’t patuloy na sinasagkaan ng kasalukuyang sistema ang pagtatayo ng ganitong estado, patuloy na ipagkakanulo ng naghaharing uri ang puspusang pakikibaka ng mamamayang Pilipino.
Dumudulog ang NDF-Bicol sa makabayang diwa at orgulyo ng mga oragong Bikolano. Mayroong maraming pagsisimulan ang kasalukuyang henerasyon. Ang kasalukuyang rebolusyonaryong daluyong ay hindi lamang nangangako ng paglaya mula sa pagsasamantala at pang-aapi ng naghaharing uri kundi pati ng isang makapangyarihang muog na magpapatag at magpapalakas sa bansa laban sa anumang dayuhang atake.
Palayain ang mamamayang Pilipino, patatagin ang bansa!
Mangahas humarap sa dayuhang pananakop!