Pagkakaluklok ni Parlade sa NSC, Panibagong pusisyon ng isang tuta
Tiyak na ipagpapatuloy at dadagdagan pa ni Antonio Parlade, Jr. ang kanyang mga karumaldumal na krimen sa bayan bilang bagong talagang deputy director-general ng National Security Council (NSC). Asahang higit pang lalala ang mga kaso ng paglabag sa karapatang tao, red-tagging at pagkakalat ng fake news at disimpormasyon.
Kung tutuusin, ang pagkakatalaga kay Parlade sa NSC ay isang gatimpala ng pasistang Duterte sa kanyang pagiging sagadsaring anti-komunista at tagapagpatupad ng kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimen. Bahagi ito ng pakanang ibalik si Parlade sa NTF-ELCAC matapos ang sapilitang pagpapabitiw sa kanya bilang tagapagsalita nito dahil labag sa reaksyunaryong konstitusyong humawak ng isang sibilyang pusisyon ang sinumang aktibong kasapi ng militar.
Ang pagkakapwesto ng mga retiradong berdugong heneral tulad nina Lorenzana, Año, Esperon at Parlade sa iba’t ibang pusisyon sa reaksyunaryong gubyerno ay higit na nagkonsolida at nagpadulas sa kampanya kontra-insurhensya sa pamamagitan ng NTF-ELCAC. Ang militarisasyon ng sibilyang gubyerno ay bahagi ng desperaradong hakbang ng rehimeng Duterte sa pangarap nitong lipulin ang rebolusyonaryong kilusan bago matapos ang kanyang termino.
Sa pagkakaluklok ni Parlade sa NSC, maluwag niyang magagamit ang Anti-terror Law bilang sandata laban sa nakikibakang mamamayan sa ngalan ng pagsupil sa “terorismo”. Dahil sa walang pakundangang red-tagging ni Parlade, higit na darami ang mga aktibista, mga progresibo, kritiko, oposisyon at mga ordinaryong mamamayan ang mapapabilang sa listahan ng mga “terorista”.
Dapat ilantad at hadlangan ng taumbayan ang pagkakaluklok ni Parlade sa kanyang bagong posisyon sa gubyernong Duterte. Kailangang patuloy na singilin at papanagutin si Parlade sa kanyang mga karumaldumal na krimen sa bayan. Sa Southern Tagalog pa lamang, kinamumuhian siya dahil sa napakarami niyang inutang na dugo at krimen sa mamamayan ng rehiyon. Nararapat na pahigpitin ang pagkakaisa ng buong bayan para usigin ang mersenaryo at pasistang rehimeng US-Duterte. Ngayon ang panahon upang higit na pagtibayin ang hanay upang puspusang labanan ang terorismo ng estado.
Maaasahan ng mamamayan ng Southern Tagalog ang rebolusyonaryong kilusan na papapanagutin nito si Parlade sa mga inutang na dugo sa bayan. ###