Paglaban ng mamamayan ng Rizal, rumaragasang tubig na hindi mapipigilan ng rehimeng US-Duterte
Sa kabila ng mga pahayag ni Duterte sa kawalang pag-asa na masugpo ang pandemyang COVID 19 at hintayin na lamang ng mga Pilipino ang unti-unting nilang pagkamatay, pinatunayan ng mamamayan ang lakas ng kanilang pagkakaisa sa pagtugon sa krisis dulot ng pandemya. Kahanga-hanga ang inisyatiba at kolektibong pagtutulungan ng mga indibidwal at mga organisasyon sa pagharap sa kagutuman at kahirapan na dinaranas ng bansa. Mula sa pagka-mapagkawanggawa ng indibidwal na nagpasimula ng Maginhawa Community Pantry sa Diliman, Quezon City na nagnanais na makatulong sa iba , tinularan ng maraming indibidwal at organisasyon ang pagmamalasakit na ito at lumawak hanggang sa mga kalapit-probinsya tulad ng Bulacan, Nueva Ecija, Laguna, Cavite at Quezon at ngayo’y laganap na sa maraming panig ng Luzon, Visayas at Mindanao.
Habang ang mamamayan ay nabuhayan ng loob sa inisyatiba at sama-samang pagkilos ng mga organisador sa “Community Pantry”, nasusuklam naman ang rehimeng US-Duterte sa ganitong kaparaanan ng masa na naghahangad lamang na tumulong sa kanilang kapwa na nangangailangan rin. Sa sama-samang pagkilos ng mga indibidwal, lalong nalalantad ang kainutilan ni Duterte at IATF na matugunan ang pang-ekonomiyang krisis na pinalala ng pandemya. Dagdag pa, pinatitingkad nito ang kawalang interes at pagkikibit-balikat ng rehimeng US-Duterte na magbigay ng serbisyo para sa kagalingan ng mamamayan. Pinatunayan rin ng sama-samang pagkilos ng mamamayan na hindi lamang militaristang pamamaraan na lockdown ang natatanging solusyon para harapin ang krisis na iniluwal ng COVID 19. Sa kahihiyan ni Duterte, pakitang-taong sumuporta ang Malacañang ngunit hindi naman nito pinipigilan ang NTF-ELCAC sa pagsasagawa ng red tagging at surveillance na inamin ng sinungaling at tagapag-imbento ng kwento na Tagapagsalita ng NTF-ELCAC na si Parlade sa kanyang interbyu na nagsasagawa ang mga pulis at militar ng profiling sa mga organizer ng community pantry habang nagkakabuhol-buhol at katawa-tawa sa paghuhugas ng kamay ang kanyang mga kasamahan na sina PNP Chief Debold Sinas at DILG Sec. Eduardo Año sa pagtanggi “na walang direktiba ang DILG at PNP para maglunsad ng profiling at surveillance sa mga organizer ng community pantry kundi ang mag-background check lamang.” Napapraning na si Parlade at NTF-ELCAC sa kanilang hibang na kampanya ng pagdurog sa CPP-NPA kung kaya’t lahat na lamang ng inisyatiba at pagkilos ng mamamayan ay may nakikitang komunista sa likod nito.
Sa kabila ng pambabatikos at intimidasyon ng rehimeng US-Duterte sa pagkilos ng mamamamayan, wala at makupad ang aksyon ng rehimeng US-Duterte sa pagbibigay ng anumang tulong sa mamamayan. Inamin nito na P 4 bilyon pa lamang ang naipapamahagi sa P 23 bilyon na ayuda. Hindi na nga nabibigyan ng ayuda ang kanayunan, dagdag pahirap pa ang isinasagawang blokeyo ng pagkain katulad ng nagaganap sa Sityo Ilas, pagkontrol sa kilos ng mamamayan at paghahasik ng takot ng AFP at PNP dulot ng mga naganap na pamamaslang noong Madugong Araw ng Linggo, iligal na pang-aaresto at pagsasampa ng gawa-gawang kaso ng rebelyon sa ilang indibidwal mga bayan ng Tanay, Antipolo at Rodriguez.
Tulad ng rumasagasang tubig, hindi mapipigilan ang paglaban ng mamamayan. Pleksible itong aangkop upang solusyonan ang nararanasang kahirapan ng mamamayan katulad ng sama-samang pagkilos sa community pantry na hahanguan ng inspirasyon ng mga mamamayan upang labanan ang terorismo ng US-Duterte sa Rizal. Pinabibilis lamang ng rehimeng US-Duterte ang pagtalunton sa armadong rebolusyon ng mamamayang Rizaleño upang ibagsak ang teroristang paghahari at mga naghaharing uri.###