Paglingkuran ang rebolusyong bayan!–KM
Mensahe sa ika-54 taong anibersaryo ng Kabataang Makabayan
Pagpupugay sa mabubuting anak ng bayan! Ngayong araw, Nobyembre 30, inaalala ng buong sambayanan ang kabayanihan ng mga rebolusyunaryong Pilipino na magiting na lumaban at nagbuwis ng buhay para sa paglaya ng bayan. Itinatag ang Kabataang Makabayan (KM) sa anibersaryo ng kamatayan ni Andres Bonifacio upang katawanin ang panata ng kabataan na ipagpatuloy at ipagtagumpay ang ‘di pa natatapos na rebolusyon para sa tunay na kalayaan at demokrasya.
Sinasariwa din natin ngayong araw ang makasaysayang papel na ginampanan ng demokratikong kilusang kabataan sa pagsusulong at pagtataguyod ng pambansa at demokratikong adhikain ng mamamayan. Iginagawad natin ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng kabataang bayani at martir na walang-imbot na naglingkod sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.
Pagsupil sa pag-iisip, sindak, at pasistang kontrol ang patakaran ng rehimeng US-Duterte para sa kabataang Pilipino. Sa ilalim ng mararahas na giyerang inilunsad nito laban sa mamamayan, hindi iilan ang bilang ng kabataan na naging biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay, masaker sa mga sakahan at kabukiran, iligal na pag-aresto’t detensyon, pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso, at iba pang paglabag sa karapatang pantao.
Pinag-iibayong lalo ng rehimen ang panunuot ng pasistang pagsupil sa loob ng mga paaralan sa pamamagitan ng panukalang panunumbalik ng ROTC, sapilitang drug test, pagbabansag sa mga guro at estudyante bilang kaaway ng estado, pagpasok ng militar at kapulisan sa mga kampus, paniniktik sa mga aktibista, harassment at intimidasyon sa mga lider-kabataan at mga institusyong pang-mag-aaral, at marami pang iba.
Pilit nitong pinakikitid ang pag-aaral sa wika’t panitikan at nirerebisa ang kasaysayang upang bigyan-katuwiran ang ginagawang karahasan at paglabag sa karapatang-tao. Ipinatupad nito ang pag-reistruktura ng sistema ng edukasyon para sa paglikha ng mura at supil na paggawa na panggagalingan ng dambuhalang tubo para sa burgesya-komprador at mga imperyalista. Nag-aasam ito ng pasisasyon ng kabataan upang gawin silang kasangkapan para sa makahayop na pagsasamantala at pasistang pag-atake laluna sa masang magsasaka at manggagawa.
Ngunit inuudyukan lamang ng pasistang kasahulan at pambubusabos ng rehimeng US-Duterte ang kabataan upang masikhay na magmulat, mag-organisa, at lumaban. Lumilikha ito ng malawak na pagkakaisa sa hanay ng kabataan at mamamayan upang ilunsad ang malapad na pagkilos at konsentradong bigwas laban pasistang diktadura ng rehimen.
Sa pagwasisawas ni Duterte sa reaksyunaryong karahasan, kataksilan, at kasinungalingan, lalong nakukumbinsi ang kabataang Pilipino na lumahok sa makatarungang armadong paglaban ng mamamayan sa kanayunan.
Paparami ang kabataan na nagpapasyang sumanib sa kilusang magsasaka upang lutasin ang kawalan ng lupa at magsilbi sa demokratikong rebolusyong bayan. Ginagamit nila ang kasiglahan ng pangangatawan at talas ng pag-iisip upang ipalaganap ang pambansa-demokratikong programa at maghimok ng paglahok, pagsuporta, at pagsusulong ng armadong pakikibaka.
Sa ika-54 taong anibersaryo ng Kabataang Makabayan, panata natin ang tuluy-tuloy na pagdaloy at pagsilakbo ng bagong salinlahi ng mga rebolusyunaryong tapat at walang-imbot na maglilingkod sa sambayanan. Hindi masasaid ang malalim na balon na pinanggagalingan ng pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa hanay ng mga kabataang magsasaka, manggagawa, at intelektwal.
Pagkaisahin natin ang kabataang Pilipino sa buong kapuluan, sa mga eskwelahan, pagawaan, sakahan, komunidad at saanman may konsentrasyon ng kabataan upang labanan ang Batas Militar at ibagsak ang pasista, papet, at korap na rehimeng US-Duterte. Isanib ang kilusang kabataan sa kilusan ng masang manggagawa, mala-mangaggawa, at magsasaka. Himukin ang iba pang makabayan at progresibo pwersa upang lumahok at suportahan ang pakikibaka.
Buong-sigla nating ipalaganap ang rebolusyunaryong propaganda, edukasyon, at kultura upang palayain ang kabataan mula sa burges at pyudal na kaisipan na ipinapalaganap ng naghaharing-sistema. Pag-alabin ang diwang makabayan at rebolusyunaryo at ibaling ang desperasyon at kawalang pag-asa tungo sa ahitasyon para itaguyod ang pambansa-demokratikong rebolusyon.
Walang mabuting kinabukasan na naghihintay para sa kabataan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na lipunan. Ang paghahari ng uring imperyalista, asendero, at burgesya-komprador ang nagdudulot ng matinding karukhaan at pagkabusabos ng mamamayang Pilipino. Sa pamamagitan lamang ng pagsanib sa pakikibaka ng masang anakpawis at pagtataguyod ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba maitatag ang bagong lipunan na malaya, demokratiko, at walang pagsasamantala.
Malakas na sumusulong ang rebolusyunaryong kabataan dahil sa gabay ng proletaryadong Partido. Hinawan at itinuro nito ang rebolusyunaryong landas na dapat tahakin ng mga kabataan. Pinanday at hinubog nito ang mga kabataan mula sa iba’t ibang mga uri bilang mga proletaryadong rebolusyunaryo.
Dinadakila at pinagpupugayan ng KM ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa ika-50 taong anibersaryo nito. Magtatagumpay ang rebolusyong Pilipino sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ang pagiging kongkreto, tumpak, at wasto ng pambansa demokratikong programa nito ay patuloy na naghihimok sa mamamayan na lumahok sa pakikibaka. Sa 50 taon nitong pakikibaka, malawak at malalim na nakaugat ang rebolusyunaryong kilusan sa hanay ng masa na di basta-basta magagapi ng reaksyunaryong dahas ng pasistang diktadura.
Sa landas ng rebolusyunaryong pakikibaka at digmang bayan naghihintay ang mabuting kinabukasan para sa kabataan at sambayanan!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Tumungo sa kanayunan at lumahok sa armadong pakikibaka!