Paglusot ng kontra-mamamayang patakaran sa gitna ng malaganap na takot sa COVID-19 at ASF, dapat bantayan
March 15, 2020
Matagal nang gawi ng reaksyunaryong gubyernong samantalahin ang malaganap at matinding takot o anumang kaguluhan upang ilihis ang atensyon ng taumbayan at ilusot ang pagpapatupad ng mga kontra-mamamayang patakaran. Kasabay ng laban para sa libre, naaabot at de kalidad na serbisyong pangkalusugan, nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang maging mapagbantay sa anumang pasista at neoliberal na patakarang maaaring iratsada ng rehimeng US-Duterte habang hinaharap pa ng taumbayan ang krisis dulot ng COVID-19 at African Swine Flu (ASF) sa bansa.
Patung-patong na krisis pang-ekonomya at pampulitika ang kailangang harapin ng masang anakpawis ngunit malinaw sa mga hakbang ng rehimeng US-Duterte na nananatili nitong prayoridad ang gera kontramamamayan. Kailan pa ba naging dalubhasa ang militar sa pagtutukoy kung aling baboy ang mayroong ASF at kung ano ang nakabubuti para sa mga taong pinagkakamalang mayroong COVID-19 para maging tagabatany mga checkpoint at quarantine zones? Kahit noong nagsisimula pa lamang lumaganap ang COVID-19, nakuha pa ng sibilyang junta ni Duterte na iparada ang mga task force nito sa iba’t ibang antas.
Nag-uugat ang pinakamatitinding krisis na dinaranas ng mamamayan sa kapabayaan, pagpapakatuta at lantarang pagpapasipara ng reaksyunaryong gubyerno sa mga lehitimong kahingian ng mamamayan. Ang pagwawaldas nito ng kabang-bayan para sa gera kontra-mamamayan ay nakakabahalang pangitain ng kawalang-kahandaan nitong sinserong harapin ang ligalig na dulot ng COVID-19, ASF o anumang mapanalasang sakuna. Bilyun-bilyon ang gastos ng rehimeng US-Duterte para sa mga attack helicopter, drone, matataas na kalibre ng baril at iba pang gamit-pandigma.
Hamon sa mamamayang Pilipinong magpakatatag upang maigpawan ang krisis ng COVID-19 at ASF. Higit sa lahat, manatiling kritikal at mapangahas na labanan ang anumang tangka ng rehimeng US-Duterte na higit pang yurakan ang buhay at kabuhayan ng masang anakpawis.
Mamamayang Bikolano, magkaisa!
Talingkas sa pagkaoripon!
Paglusot ng kontra-mamamayang patakaran sa gitna ng malaganap na takot sa COVID-19 at ASF, dapat bantayan