Pagnanakaw at pananakot ng 31st IB PA sa Sorsogon

Mariing naming kinukundena ang pinakabagong paglabag sa karapatang tao na ginawa ng mga ahente ng estado laban sa mga residente ng Brgy. San Juan Daan, Bulan, Sorsogon.

Bandang 5:30 ng hapon nitong Abril 8 nang dumating sa sentro ng baryo ang mga armadong kalalakihang sakay ng 2 van, 2 truck at ilang motorsiklo.

Pwersahan nilang pinasok ang mga bahay nina Rogelio Gueta, Cadit Bandola, Lodjuena Magtibay, Josie Gibaga, Rosana Gojo, Teresita Gueta, Erlinda Gueta, at Agnes Hernandez. Ikinulong ang mga residente sa kanilang mga bahay at tinutukan ng baril habang naghahalughog. Tinangay ng mga sundalo ang ilang alahas at aabot sa P800,000 halaga ng pera mula sa mga biktima. Pinasok din ang bahay ng mag-amang Juan at Jonathan Geocado at ginapos sila ng mga sundalo at ninakaw ang isang itak na gamit nila sa hanapbuhay.

Matapos ang panghahalughog ay nagpaputok ng mga baril ang mga salarin at agad na umalis sa baryo.

Ang garapalang paglabag na ito ay ginawa ng mga pasistang sundalo ng 31st IBPA sa ngalan ng Oplan Kapayapaan at Memorandum Order No. 32 ng rehimeng US-Duterte. Mga sibilyan ang kanilang ginigipit at pinagnanakawan sa harap ng kabiguan nilang pigilin ang paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa Sorsogon at iba pang panig ng bansa.

Pagnanakaw at pananakot ng 31st IB PA sa Sorsogon