Pagpapaigting ng Militarisasyon sa pagharap sa matinding krisis dulot ng COVID-19, Hindi Solusyon! — NPA-Camarines Norte

Sa halip na tugunan ng rehimeng US-Duterte ang kagyat na pangangailangan ng mamamayan para sa ligtas na pagharap sa COVID-19, mas pinili ni Duterte ang pagkontrol sa mamamayan sa pamamagitan ng mala-martial law na pagtake-over ng AFP-PNP sa mga checkpoints at quarantine Zones upang pigilan ang pagkalat ng epidemya.

Ang ganitong pagharap ng rehimeng US-Duterte sa kasalukuyang krisis pangkalusugan sa bansa ay malinaw na kainutilan, dagdag pahirap at pagpapatindi ng takot sa hanay ng mamamayan sa umiigting na militarisasyon sa Camarines Norte.

Bago pa man lumaganap ang COVID-19 sa bansa, nagkalat na ang mga berdugong mga militar at mga pulis ni Duterte upang lansakang labagin ang karapatang-tao ng mamamayan sa probinsya sa iba’t ibang antas. Patunay nito ang naganap na sunod-sunod na engkwentro nitong Enero at Pebrero sa pagitan ng 96th IB PA at BHB, kung saan binibiktima ng militar ang mga sibilyan sa komunidad matapos mabigo silang gupuin ang Bagong Hukbong Bayan. Anim na sibilyan sa Brgy. Maligaya, Labo ang hinuli at na hanggang sa kasalukuyan ay nakapiit at pinatay din si Joel Mandarin ng Brgy. Malaya, Labo.

Nasa napakabulnerableng sitwasyon ang buhay ng mamamayan dahil walang katiyakan na matutugunan ng rehimen ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Lalo pa na walang kasanayan ang mga militar sa pagtugon sa pagresolba ng epidemya at kung ano ang makakabuti para sa mga taong pinagkakamalang mayroong COVID-19 at posibleng tamaan nito.

Nagdudumilat ang katotohanan na hindi handa ang reaksyunaryong gubyerno para sa komprehensibong plano sa pagharap sa atake ng COVID-19. Hindi malinaw para sa Rehimeng US-Duterte kung paano tutugunan ang praktikal na problema ng mamamayan sa pagkain at kagamitan pang-medikal sa panahong ng “lock-down”.

Sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal na bansa tulad ng Pilipinas, kalunos-lunos ang serbisyong pangkalusugan tulad ng kakulangan ng budget para sa mga ospital, sapat na gamot, kakulangan ng manggagawang pangkalusugan at kawalan ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa pangkalahatan.

Dagdag na pasakit sa mamamayan ng Camarines Norte at mamamayang bikolano na dati nang binabaka ang hirap dahil sa kawalan ng lupa, kawalan ng desenteng hanapbuhay at mga nabubuhay sa “isang kahig-isang tuka”. Sa gitna ng krisis pangkalusugan hindi kakayanin ng masang anakpawis na isusteni ang pangangailangan ng kanilang pamilya kung magtatagal ang banta ng COVID-19 at ang kaakibat na patakarang “lockdown” ng Rehimeng US-Duterte na dinodomina ng AFP-PNP.

Mas nanganganib ang buhay ng masang anakpawis, hindi lang sa banta ng COVID-19, kundi sa malawak na kagutuman at militarisasyon. Dapat singilin ang reaksyunaryong rehimen sa pagwarak sa ekonomya ng bansa. Ang tuluyang pagkawasak ng lokal na produksyon dahil sa pananalasa ng mga neoliberal na mga patakaran ng gubyerno tulad ng Rice Liberalization at iba pang mga anti-mamamayang batas ang lalong naglalagay sa mamamayan sa mga sakuna at epidemya.

Nilulumpo nito ang ekonomya ng bansa at kawalan ng kakayahan sa sustenableng pagkain sa bansa lalo na ngayon na mahigpit ang pagpapatupad ng community quarantine sa mga lokalidad.

Nanawagan ang Armando Catapia Command sa lahat ng mamamayan sa kanayunan at kalunsuran, maging ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa na magsagawa ng plano sa kani-kanilang lugar para harapin ang banta ng COVID-19. Dapat magmobilisa para sa malawakang pagpapalaganap ng impormasyon kaugnay dito at kung paano ito maiiwasan. Dapat kumilos ang mga Rebolusyonaryong organisasyong masa at sub-komiteng pangkalusugan para sa ligtas na pagharap sa epidemya.

Sinusuportahan din ng Armando Catapia Command ang iba’t ibang pagkilos ng mamamayan para panagutin ang rehimeng US-Duterte sa kainutilan nito sa pagtugon sa krisis sa COVID-19. Naninidigan ang Bagong Hukbong Bayan ng Camarines Norte na tanging ang demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba ang pangmatagalang solusyon sa problemang pang-ekonomya, kaakibat na ang problema sa serbisyong pangkalusugan ng bansa sa gitna ng krisis sa epidemya.###

 

Pagpapaigting ng Militarisasyon sa pagharap sa matinding krisis dulot ng COVID-19, Hindi Solusyon! -- NPA-Camarines Norte