Pagpaparusa kay Angeline Hinga, simula ng hustisya sa Dolos Massacre
Pinarusahan ng kamatayan kagabi, Mayo 4, si Angeline Hinga alyas Salapi sa tirahan ng kanyang kinakasama sa Barangay Catanusan, Juban. Si Hinga, na taga-Dolos, Bulan, ang nagsuplong sa limang magsasakang aktibista na pinagbintangang NPA at minasaker ng mga tropa ng 31st IBPA, 96th MICO at 2nd PPMFC sa naturang baryo noong Mayo 8, 2020.
Agad lumayas si Hinga sa Dolos matapos ang kalunus-lunos na krimeng kinasangkutan niya. Mula noong nakaraang Hulyo, kinanlong siya ng 22nd IBPA sa headquarters nito sa Barangay Calomagon, Bulan. Noon din siya nagsimulang maging aktibong ahente ng militar para sa pwersahang “pagpapasuko” sa ilan niyang kaanak at kababaryo.
Ang pagpaparusa kay Hinga ay una sa serye ng mga kautusang inilabas ng Probinsyal Hukumang Bayan sa pagsapit ng unang anibersaryo ng Dolos Massacre. Idinidetalye ng mga kautusan ang kriminal na pananagutan at kaukulang parusang kahaharapin ng bawat indibidwal na sundalo at pulis na natukoy na kalahok sa operasyong humantong sa masaker. Tinukoy din ng rebolusyonaryong hukuman na ang naturang masaker ay isang war crime at iniutos nito ang pagpaparusa sa sangkot na mga yunit ng AFP at PNP.
Alinsunod sa utos ng Hukumang Bayan, inatasan ng Celso Minguez Command ang lahat ng yunit ng NPA sa Sorsogon na ipatupad ang mga hatol hanggang ganap na mabigyang-hustisya ang mga biktima ng Dolos Massacre.